
Pinagmalupitan ng Tiyahin ang Mayamang Pamangkin; Pagsisisihan niya Pala Ito sa Huli
Maagang naulila si Lou sa mga magulang nang maaksidente sila pauwi galing sa ibang bansa.
Sa hindi inaasahan ay nagkaroon ng sira ang sariling eroplano na naging dahilan upang bawian ng buhay ang mga ito.
Hindi mawaglit sa isipan ng dalaga ang sandaling niyakap siya ng kaniyang mga magulang upang protektahan sa pagkakabulusok ng eroplano. Iyak sila nang iyak noong mga sandaling iyon. Sa huli, siya lang ang nakaligtas at ang pilat niya dahil sa aksidente ang nagpapatunay doon.
Naging usap-usapan sa telebisyon at dyaryo ang lahat. Mayamang pamilya ang kinagisnan ni Lou kaya sa tuwing makikita ni Lou ang balita patungkol sa pagkawala ng mga ito at ang katotohanang siya lamang ang nakaligtas ay hindi maiwasang mapatulo ang kaniyang luha.
Naging napakasakit sa bata pa lamang noong si Lou ang tanggapin ang lahat. Sa murang edad ay nakita niya kung paano siya pagkaguluhan ng mga kamag-anak dahil sa perang naiwan sa kaniya ng kaniyang mga magulang.
Maraming mga kamag-anak ang nag-agawan kung kanino nga ba siya mapupunta.
Si Moriya Aswel, ang nakatatandang kapatid ng ina ni Lou ang nakakuha ng kustodiya niya. Natakot ang iba niyang mga kamag-anak na kalabanin ito dahil sa tapang at mga koneksyon nito, kahit pa ayon sa bali-balita ay lulong sa kasino ang tiyahin.
Maraming pinagkakautangan kaya naman natuwa ito na siya ang magiging bagong guardian ni Lou.
Simula noon ay naging impyerno ang buhay ng bata. Palagi siyang sinasaktan nito at paulit-ulit na pinagmamalupitan. Palaging umiiyak ang bata at tinatawag ang mga magulang na lalong ikinaiirita ng tiyahin.
Hindi lamang iilang beses kung sabunutan at sampalin siya ng tiyahin, mga bagay na hindi niya naranasan sa mga nawalang magulang.
Lumipas ang walong taon simula nang naging kalbaryo ang buhay niya sa tiyahin. Sa edad na labing walo ay isang abogado ang nagpunta sa bahay nila.
“Miss Aswel, gusto ko pong ipaalam na ngayong nasa legal na edad na si Miss Lou ay maaari na niyang makuha ang lahat ng ari-arian at mana niya sa kaniyang mga magulang. Lahat ng mga ito ay iniwan sa kaniya ng mga magulang niya. Ang iba ay para sa mga tao at institusyon na tinutulungan nila noon pa man.”
“Paano ako?” tanong ng tiyahin ni Lou sa narinig. “Ako ang naghirap sa batang ʼyan! Binihisan ko, pinakain, inaruga, tapos maiiwan lang akong luhaan?”
“Wala po sa mga dokumento ang nagsasabing may maiiwan sa naging tagapangalaga ng kaniyang anak, maliban na lamang kung mismong si Miss Lou ang magbibigay sa inyo,” dagdag pa ng abogado at doon ay tila binuhusan ng malamig na tubig ang matanda sa narinig.
Labis-labis ang pasasalamat ni Lou sa abogado ng kanilang pamilya. Pakiramdan niya ay nakahinga siya nang maluwag sa balita nito. Hindi rin maalis na mapaiyak siya.
“Maaari kang maghain ng reklamo sa tiyahin mo,” suhestiyon nito ngunit umiling si Lou.
“Hindi na ho. Sapat na sa akin na may karapatan na ako sa lahat at hindi na niya ako masasaktan pa.” Nagpunas ng luha si Lou at muling nagpasalamat.
Hindi na nga siya nasaktan pa muli ng kaniyang Tiya Moriya.
Ipinagpatuloy ni Lou ang mga ginagawang pagtulong ng kaniyang pamilya lalo na sa mga mahihirap. Sa tulong at pag-alalay ng kanilang family attorney na siyang bestfriend din pala ng kaniyang ama ay ipinagpatuloy niya ang naiwang negosyo ng mga ito na noon ay nasa pamamalakad ng kaniyang tiyahin.
Hindi naman inaasahan ni Moriya na bibigyan siya ni Lou dahil sa pagmamalupit niya rito. Isang milyon ang ibinigay sa kaniya ng pamangkin at halos mangiyak siya sa buti ng puso nito. Hindi ito nagtanim ng galit sa kaniya bukod sa nadarama nitong takot at trauma.
Pinuntahan ni Moriya ang pamangkin sa bahay nito. Nagtaka pa siya dahil mabilis at malaya siyang nakapasok sa bahay ng pamangkin sa kabila ng ginawa niya noon.
“P-Patawad,” paglulumuhod ni Moriya sa pamangkin na agad naman tinanggap ni Lou.
“Kalimutan n’yo na ho iyon. Matagal ko na ho kayong pinatawad,” nakangiting ani Lou sa tiyahin. Hindi makapaniwala si Moriya Aswel kung gaano kabait at lambot ng puso nito.
Bagamat pinatawad na siya ng pamangkin ay hindi naman maialis sa kaniyang konsensiya ang mga kalupitang ginawa niya rito noon at sa tingin niya ay iyon na ang pinakamahirap na parusa niya para sa kaniyang mga kasalanan.