Inday TrendingInday Trending
Inareglong Kasal Lamang ang Nagbuklod sa Mag-asawa; Maging Maayos kaya ang Pagsasama nila

Inareglong Kasal Lamang ang Nagbuklod sa Mag-asawa; Maging Maayos kaya ang Pagsasama nila

Mahirap magmahal ng taong kahit kailan ay hindi ka minahal. Iyan ang nararamdaman ni Criza sa kaniyang asawang si Adrian. Matagal na niyang gusto ang lalaki ngunit nahihiya siyang aminin dito ang tunay na nararamdaman.

Nang minsan mag-usap si Criza at Mommy niya ay sinabi nitong magkakaroon ng kasalanan sa pagitan nila at pamilya ni Adrian. Nag-iisang anak lamang si Criza ng mag-asawang laganap ang negosyo sa iba’t ibang bansa. Sa hindi inaasahan ay papalubog ang kumpanya ng lalaking hinahangaan niya kaya ang tanging paraan ay ipakasal ang anak na si Adrian sa kaniya.

Hindi na nagpakipot si Criza at sinabing payag siyang magpakasal kapag tumungtong siya ng edad na bente tres. Makalipas ang ilang buwan ay engrandeng birthday party ang idinaos. Naroon si Adrian at masaya siyang maging kapareha niya ito.

Ilang ang kaniyang naramdaman lalo’t pakiramdam ni Criza ay napipilitan lamang ang lalaki. Sa debut na rin inihayag sa lahat ang kasalanang magaganap⏤na hindi alam ni Adrian.

Nagulat ito at napatingin sa kaniya habang nasa unahan sila at nakatayo.

“Alam mo?” tanong sa kaniya ni Adrian na matagal na rin niyang kaklase simula elementarya.

Tumango si Criza bilang sagot. Hindi niya magawang tumingin sa katabi dahil pakiramdam niya ay malulusaw siya sa mapanuri nitong mata.

“Halata nga.”

Natapos ang engrandeng kaarawan na hindi na maramdaman ni Criza ang saya na kasama ang lalaking lihim niyang hinahangaan.

Simula nang matapos ang kaarawan niya ay lagi silang magkasama ni Adrian. Bilang paghahanda sa nalalapit na kasal⏤na alam naman ni Criza na siya lamang ang natutuwa. Pinararamdam ni Adrian na hindi niya gusto ang mga nangyayari at sumusunod na lamang siya sa gusto ng kaniyang mga magulang.

“Anong kulay ba ang gusto mo? Maganda siguro ang asul na tema? O pula na lang kaya? Paborito ko ang asul, e.” Ilan beses inilipat ni Criza ang pahina ng brochure, naghahanap sila ng magandang tema para sa kanilang kasal ngunit binabalewala ito ni Adrian.

Napabuntong hininga si Criza ng mamalayang tulog na ang magiging asawa sa sofa.

Natapos ang preparasyon para sa kasal. Nagpalitan na rin sila ng matamis na “I do” sa harap ng altar at imbis na sa labi ay sa pisngi siya hinalikan ng asawa.

Walang nangyari sa kanila nang sila ay mag-honeymoon. Sa katunayan ay magkabukod ang kanilang kwarto dahil sa hindi raw sanay matulog ang asawa na may katabi.

Pinilit intindihin ni Criza si Adrian. Alam niyang hindi nito gusto ang naganap na kasalanan pero pinanindigan niya ang pagiging asawa rito.

Inaasikaso niya lahat ng kailangan nito. Ginagawa niya kung ano ang dapat gawin ng isang asawa ngunit naisip niyang hindi talaga siya magugustuhan nito dahil na rin sa ipinapakita nito sa kaniya.

Isang araw ay nahuli niyang nakikipaghalikan ito sa isang babae. Hindi lamang miminsan niyang nahuli sa akto ang asawa tuwing pinupuntahan niya ito sa sarili nilang kumpanya. Nagkaroon ito ng posisyon sa kumpanya at negosyo ng kaniyang mga magulang at naging maayos na rin ang takbo ng kumpanya ng mga magulang nito.

Nagkikibit-balikat na lamang si Criza, kunwaring walang alam na niloloko siya ng sariling asawa.

Nang dumating ito sa kanilang bahay ay walang handang pagkain kagaya ng nakagawian. Agad na uminit ang ulo ni Adrian. Hindi siya kumibo at hinayaan na nagsasalita ang asawa.

“Pagluluto na nga lang ang gagawin mo, hindi mo pa magawa!” galit nitong sigaw kay Criza.

“Wala kang kwentang asawa! Bakit ba hindi ka pa kumuha ng katulong para magpaka-donya ka na lang⏤”

“M-Maghiwalay na tayo,” mga salitang pumutol sa sasabihin sana ni Adrian. Mataman siyang tiningnan ng asawa at saka humalakhak.

“Nagbibiro ka ba? Akala mo ganoon kadali ‘yon? Kasal tayo at hindi lang ito katulad ng relasyon ng magkasintahan,” seryosong saad ni Adrian na ikinahagulhol ni Criza.

“Hindi ka kailanman sasaya sa akin, Adrian. Mahal kita pero hindi sapat iyon para kumapit ako sa pag-asang mamahalin mo rin ako. Iba ang mahal mo at alam kong siya ang magpapaligaya sa ‘yo.” Gulat ang ekspresyong mababasa sa mukha ni Adrian. Hindi niya inakalang alam ng asawa na niloloko niya ito.

“Ayoko na. Mahanap mo sana ang kaligayahan mo,” huling wika ni Criza sa asawa.

Matagal nang pinag-iisipan ni Criza na makipaghiwalay noong unang beses niyang malaman na may gusto itong iba. Ngunit nais niya munang makaahon ang pamilya nito sa pagkakabaon sa utang. Ngayong sigurado niyang hindi na maghihirap ang asawa, masaya siyang malaman na masaya ito sa tunay nitong gusto.

Ngunit ganoon na lamang ang gulat ni Criza nang aktong aalis na siya ng bahay ay bigla na lamang maglumuhod si Adrian!

“Hindi ko alam kung kailan o paano, pero, nang sabihin mong makikipaghiwalay ka na sa akin, pakiramdam koʼy parang tinutusok ng libu-libong karayom ang puso ko, Criza!” humahagulhol na pag-amin nito sa kaniya. “Mahal na kita. Hindi ko pa malalaman ʼyon kung hindi ka pa mawawala sa akin! Napakatanga ko!” patuloy pang pag-iyak nito.

Tila naestatwa naman si Criza sa nalaman. Niyakap niya ang asawa nang siya ay makabawi at natutuwa niya itong pinagmasdan.

“Totoo ba ʼyan?”

Isang halik ang tugon ni Adrian sa kaniyang tanong.

Sa wakas, naging masaya rin ang kanilang pagsasama matapos ang pagsubok na iyon. Isang patunay na sila ay para talaga sa isaʼt isa.

Advertisement