Inday TrendingInday Trending
Sinaktan ng Ina ang Anak dahil Akala nitoʼy Kinupitan siya; Laking Pagsisisi Niya nang Malaman ang Totoo

Sinaktan ng Ina ang Anak dahil Akala nitoʼy Kinupitan siya; Laking Pagsisisi Niya nang Malaman ang Totoo

“Sino ang nangupit ng pambayad ko ng kuriyente?!” nanggagalaiting tanong ni Aling Perly sa kaniyang mga anak na sina Leo, Martin at Maribel.

Nawawala kasi ang pambayad niya sa kuriyente na ipinagkatagu-tago na niya upang walang makakita dahil madalas siyang mawalan ng pera.

“Hindi po kami, inay!” halos sabay namang sagot ng mga bunso niyang kambal na sina Maribel at Martin. Pitong taong gulang.

“Si kuya lang naman po ang lumalapit diyan, ʼnay, e,” sumbong pa ni Martini noon na agad namang sinang-ayunan ng kakambal nito.

Dahil doon ay galit na tinawag ni Aling Perly ang kaniyang panganay upang kumprontahin.

“Inay, hindi po ako ang kumuha. Kahit po anoʼng gawin nʼyo sa akin, wala po akong aaminin, promise po!” takot na takot na katuwiran ng panganay niyang anak na noon ay nakatitig sa hawak niyang pamalo. Siyam na taong gulang na si Leo ngunit halata pa rin ang takot nito sa ina.

“Ah, ganoʼn, ha? Talagang paninindigan mo ʼyang kasinungalingan mo? Heto dapat ang ginagawa sa ʼyo… dapa!” bulyaw pa ni Aling Perly sa anak na kahit takot masaktan ay agad na tumalima sa kaniyang utos.

Umalingawngaw sa paligid ang mga palahaw ni Leo na naririnig pa ng mga kapitbahay. Pinapalo na naman kasi ni Aling Perly ang kaniyang panganay na anak kahit na sinabi na nitong wala naman siyang ginagawa.

“Inay, tama na po, please, hindi po ako ang kumuha!”

Lalong nanggalaiti si Aling Perly nang sabihin iyon ng anak kaya naman muli niya pa itong pinalo hanggang sa siya ay mapagod.

Halis hindi naman makalakad si Leo matapos ang pangyayaring iyon dahil namamaga sa palo ang kaniyang mga binti.

Kinabukasan ay nakaramdam ng pagsisisi si Aling Perly nang makita ang namamagang binti ng anak. Ganoon pa man ay naniniwala siyang dapat lang ito sa bata upang ito ay magtanda. Ganoon kasi siyang pinalaki ng kaniyang mga magulang.

Dahil sa hindi kayang kumilos ni Leo nang araw na iyon ay nagpasiya si Aling Perly na siya na muna mismo ang gumawa ng mga dapat gawin nito.

Nag-igib siya ng tubig, nagluto, naglaba at nagtupi ng mga damit na tuyo na.

Ngunit nang buksan ni Aling Perly ang kaniyang drawer ay nadulas ito sa kamay niya ay agad na natapon sa sahig ang mga laman.

Nagkalat doon ang ilan sa kaniyang mga gamit, damit at kung anu-ano pa.

Ngunit ang mas ikinagulat ni Aling Perly ay nang makita niya ang mga perang kaniyang hinahanap sa mismong drawer niyang iyon!

Doon ay tila nagbalik sa kaniyang mga ala-ala na doon nga pala niya itinago iyon noong siya ay bago matulog!

Biglang napatakbo si Aling Perly sa silid ng anak na si Leo upang sana ay humingi ng tawad ngunit laking gulat niya nang hindi niya ito maabutan doon!

Nang tingnan niya ang kabuuan ng kwarto ay wala na ang mga gamit ng anak roon at may sulat pang iniwan na nagsasabing siya raw ay aalis na sa bahay na iyon dahil wala namang nagmamahal sa kaniya doon!

Napahagulhol na lang si Aling Perly habang binabanggit ang pangalan ng anak na si Leo.

Kung saan-saan niya ito hinanap. Ipinatanong-tanong niya na rin ito sa kung kani-kanino ngunit talagang walang nakakakilala sa kaniyang anak.

Isang linggo ring natuliro sa kahahanap si Aling Perly sa anak nang sa wakas ay tumawag ang police station na kaniyang pinuntahan…

“Misis, nahanap na po namin ang anak ninyo,” pag-iimporma ng pulis na tumawag sa kaniya.

Agad na nagmadali si Aling Perly upang puntahan si Leo.

Nang abutan niya ito sa presinto ay napakarungis nito at tila gutom na gutom na nilalantakan ang tinapay na ibinigay dito ng isang pulis.

“Anak, patawarin mo si mama. Hindi ko sinasadyang mapagbintangan ka. Ang laki-laki ng pagkukulang ko sa ʼyo, anak, sana ay pagbigyan mo akong bumawi sa ʼyo!”

Nang yakapin ni Aling Perly si Leo ay agad namang yumakap pabalik ang bata at nagsalita…

“Patawad din po, Inay, kung lumayas ako. Hindi na po mauulit ʼyon, ʼnay. Mahal na mahal ko po kayo.” Humagulhol din ang bata habang niyayapos ang kaniyang ina.

Simula nang araw na iyon ay naging mas pantay-pantay na ang tingin ni Aling Perly sa kaniyang tatlong anak, lalo pa at wala na ang kanilang ama dahil sumama na ito sa ibang babae.

Advertisement