Tinulungan ng Binata ang Marungis at Pangit na Taong Grasa; Palabas Lang Pala ang Lahat
Pagkagaling sa eskwelahan ay palaging dumadaan ang magkakapatid na Enrico, Ervin at Evans sa daang malapit sa tulay kung saan sila sumasakay ng jeep.
“Buti naman at maaga tayong nakauwi mga ‘tol!” sabi ni Ervin.
“Oo nga, e. Wala kasi kaming teacher sa last subject namin kaya maaga kaming nakalabas,” tugon naman ni Enrico.
Habang naglalakad ang tatlo ay nakita nila ang isang matandang babae na taong grasa. Hindi napigilan nina Enrico at Ervin na pagtawanan ang gusgusing matanda dahil saksakan ito ng dungis at ang pangit pa ng hitsura.
“Tingnan mo iyong ale, o. Ang dumi-dumi na nga, ang pangit-pangit pa!” natatawang sabi ni Ervin.
“Nakakadiri pa kamo! Dalian natin sa paglalakad at baka mahawa pa tayo sa sakit niyan!” sabad pa ni Enrico.
Nilait nang husto ng dalawang binata ang matandang taong grasa dahil sa kapangitan nito ngunit mas nakababata sa magkakapatid na si Evans. Imbes na laitin at pagtawanan ito ay naawa pa siya sa matanda.
“Ano ba naman kayo, hindi na kayo naawa sa matanda!” aniya.
Inilabas ni Evans sa back pack niya ang natirang baon at ibinigay sa matanda.
“Kainin niyo po ‘yan ha!” sabi niya rito.
Nginisihan lang siya nito saka kinain ang ibinigay niyang pagkain.
Sa tuwaing dadaan ang magkakapatid sa may tulay ay palagi niyang binibigyan ng pagkain ang gusgusing matanda. Masaya naman nitong tinatanggap ang mga ibinibigay niya.
Isang araw, may ‘di inaasahang bisitang dumating sa bahay ng magkakapatid.
“Tao po, tao po!”
Nang pagbugksan ni Evans ng pinto ang kumakatok ay laking pagtataka niya.
“S-sino po sila?” aniya.
“Magandang umaga! Ako si Naomi, miyembro ako ng isang kilalang theater club, ang Dulaang Likha Club. Ikaw si Evans Domingo ‘di ba? Ipinagtanong namin ang address niyong magkakapatid,” bungad ng babae.
“A, e, bakit po? May nagawa po ba kaming masama?” nag-aalalang tanong ni Evans.
“Wala, wala naman. Natutuwa lang kami sa iyo. Alam mo ba na hindi naman totoong taong grasa ‘yung matandang babae na nakikita niyo sa may tulay? Isa siya sa mahuhusay naming miyembro. Nagkatuwaan lang kami na magsagawa ng isang palabas kung saan gusto naming malaman kung mayroon pang mga taong may mabubuting puso na tulungan ang isang gusgusin at pangit na pulubi kaya inutusan namin ang isa naming miyembro para magpanggap na taong grasa. Sa lahat ng taong nakapansin sa kaniya, ikaw lang ang bukod tanging nagbigay ng tulong sa kaniya. Pati siya ay natuwa sa iyo at gusto kang makilala. Maaari ka bang maimbitahan sa aming opisina para personal ka niyang makilala?” hayag ng babae.
Agad na ikinuwento ni Evans sa kaniyang mga kapatid ang sinabi ng babae. ‘Di naman makapaniwala ang mga ito na isa lang palabas ang lahat kaya sumama ang mga ito sa pakikipagkita ni Evans sa babaeng nagpanggap na taong grasa na isa palang artista sa teatro.
Nang marating nila ang lugar ay namangha si Evans. Isa Iyong maliit na opisina na pinalamutian ng mga makukulay na papel at dekorasyon. Mayroon pang maliit na mesa na nakahanda roon at may mga nakadulog na mga pagkain at inumin na tila isa iyong dating place. Mas lalo silang namangha nang makilala ang babaeng nagpanggap na taong grasa na nagpakilalang si Joanna na isa sa pinakamahusay na artista ng Dulaang Likha Club. Halos lumuwa ang mga mata nina Enrico at Ervin sa taglay na kagandahan ng dalaga. Nagpanggap lang itong matandang babae na naglagay ng make up at prosthetics para maging pangit na matanda. Ipinagtapat din nito na sobra itong natuwa kay Evans dahil sa pagmamagandang loob na ginawa ng binata. Nakaramdam naman ng pagsisisi at inggit ang dalawang kapatidi ni Evans, sa isip nila ay sana’y pinakitaan din nila ng kabaitan ang dalaga para sila ang napansin nito.
Isang nakakakilig na araw iyon para kay Evans dahil nakilala niya at nakasama pa sa isang date ang isang maganda at mabait na dalaga.
“Masaya akong nakilala ka, Evans. Natutuwa ako dahil may mga gaya mo na matulungin at handang magpakita ng kabutihan sa kapwa. Gusto ko pa sanang makilala ka nang lubusan,” sabi ni Joanna.
“S-sige, iyon lang pala, e.”
Kinilig naman ang binata sa sinabing iyon ng dalaga. Gusto rin niyang makilala pa si Joanna kaya hiningi niya ang cell phone number nito.
Mula nang magkakilala ay naging malapit na ang dalawa sa isa’t isa. ‘Di nagtagal ay niligawan ni Evans si Joanna at sinagot naman siya ng dalaga. Napakasuwerte ng binata dahil sa kabutihan niyang taglay ay nahanap niya ang taong itinakda para sa kaniya.