Napalayas ang Dalaga sa Bahay ng Kaniyang Tiyahin Dahil sa Hindi Siya Makahanap ng Trabaho; Sa Tulong ng Isang Kaibigan Siya Makakahanap ng Bagong Pag-asa
Galing sa mahirap na pamilya si Lessel, kaya naman labis na pagsisikap ang kaniyang ginawa upang makapagtapos at maiahon niya sa hirap ang kaniyang pamilya.
Marami ang humahanga sa dalaga dahil bukod sa angking talino niya ay napakabait at maganda. Kaya naman napakataas ng tingin sa kaniya ng pamilya niya. Siya rin ang inaasahan ng mga ito na magtataguyod sa kanila.
Umalis siya sa kanilang probinsya na punong-puno ng pag-asa at pangarap at nagtungo ng Maynila upang makipagsapalaran.
Isang buwang mahigit pa lamang ang nakalilipas mula nang siya ay makapagtapos ng Kolehiyo. Masipag at matalino si Lessel kaya naman nakapagtapos siya ng may maraming karangalang natanggap.
“Oh Lessel, pagpasensyahan mo na at maliit lang din ang bahay namin at itong maliit na kwarto na lamang ang bakante at maari mong magamit,” paghingi ng paumanhin sa kaniya ng kaniyang tiyahin. Dinala siya nito sa isang maliit na kwarto sa may bandang dulo ng bahay.
Pansamantalang makikitira muna siya sa kaniyang tiyahin sa Maynila habang naghahanap pa ng trabaho. Hindi niya masyadong kilala ang kaniyang tiyahin, pero sa pagkaka-alam niya ay mabait naman ito. Ngayon lang niya kasi ito nakita at makakasama dahil hindi naman ito umuuwi sa kanilang probinsya.
“Naku, ‘wag po kayong mag-alala sa’kin. Ayos na po ako dito, tiya. Maraming salamat po sa pagpapatira ninyo sa’kin dito. Pangako po pag makahanap na po ako ng trabaho ay babawi po ako sa kabutihang loob niyo,” masiglang tugon ni Lessel sa tiyahin.
“Oh sige ha, aasahan ko ‘yan,” nangiting pahayag nito, “O siya, ilagay mo na ang mga gamit mo sa loob at kumain kana para makapagpahinga ka na pagkatapos.”
Magsasaka ang ama ni Lessel habang nagtitinda naman sa palengke ng mga gulay at prutas ang kaniyang ina. Nakatira lamang sila sa isang maliit na kubo kasama ang apat niya pang nakababatang kapatid. Mahirap man ang buhay nila ay sinisigurado naman ng kanilang mga magulang na sila ay nakakakain ng tatlong beses sa isang araw. Hindi naging hadlang ang kahirapan nila upang mangarap nang mataas si Lessel.
Nagsumikap talaga siya at nag-aral ng mabuti upang makapagtapos. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na siya ang mag-aahon sa kaniyang pamilya sa kahirapan. At ito nga, nakapagtapos na siya! Para kay Lessel ay ito na ang simula ng pag-abot niya sa kaniyang mga pangarap.
Kinabukasan ay maagang bumangon ang dalaga upang tumulong sa mga gawaing bahay bago umalis upang maghanap ng trabaho. Bilang pasasalamat na rin sa pagpapatira sa kaniya ng kaniyang tiyahin.
“Oh tiya, halina na po kayo at ipinaghanda ko na po kayo ng almusal,” masayang bati niya sa tiyahin niyang mukhang kagigising lang.
“Aba at napakaaga mo naman atang nagising at naunahan mo pa ako. Nakakatuwa ka namang bata ka,” mukhang nagagalak ang kaniyang tiyahin sa kaniyang ginawa. Bigla niya tuloy na-miss ang nanay niya. Nakaramdam siya ng lungkot at pangungulila sa kaniyang pamilya nguni’t itinaboy niya na lamang ito.
Hindi siya pwedeng panghinaan ng loob! Pumunta siya ng Maynila para sa pangarap niya. Para sa pamilya niya. Titiisin niya ang lahat para sa mga ito.
Mabilis na lumipas ang mahigit isang buwan ay wala parin siyang nahahanap na trabaho. Hindi niya maintindihan kung bakit. Nakailang kompanya na si Lessel ngunit hindi parin siya pinapalad na matanggap. Ang akala niya ay madali lamang siyang matatanggap dahil sa matataas naman ang kaniyang markang nakuha noong siya’y nag-aaral pa.
“Hoy alam mo ba, kung ako sayo ay hindi na ako mag-aaksaya pa ng pahanon o lakas na mag-apply dito o sa ibang kompanya sa posisyong iyan. Sa pagkaka alam ko kasi hindi kukunin nila ang mga hindi naman daw galing sa kilalang unibersidad dito sa Manila,” pahayag ng isang babae habang nakatayo sa harap na mukhang gaya niya ay naghihintay din ng resulta ng interview nila.
Ilang sandali lang ay tinawag na sila at gaya nga ng sinabi ng babae, ay ito at ang mga kasamahan nito na nanggaling lang sa mga kilalang unibersidad nakapagtapos ang natanggap. Pinanghinaan na ng loob si Lessel. Bakit ganito ang nangyayari sa kaniya? Napakamalas niya naman ata.
Pagka-uwi niya ng bahay ay naabutan niyang nag-aaway ang Tiya niya at ang asawa nito. Tila nakainom pa ata ang kaniyang tiyuhin.Nag-aalinlangan siyang pumasok ng bahay nang makita siya ng kaniyang tiyo at sinigawan.
“Hoy Lessel, hanggang ngayon hindi ka pa rin nakakahanap ng trabaho?! Akala mo kung sinong magaling eh napakawalang kwenta mo naman pala eh! Aba at mahigit isang buwan ka ng palamunin dito ha?! Hanggang kailan ka makikisiksik at magiging pabigat samin ha?!” tiningnan niya ang tiyahin ngunit nakayoko lamang ito at hindi makatingin sa kaniya.
Napakabigat ng dibdib niya pero sobrang nahihiya na rin siya sa mga ito kaya naman napag-desisyunan niya na lamang umalis. Hiyang-hiya man ay nagpaalam pa rin siya nang mabuti sa tiyahin at sa asawa nito.
“Maraming salamat po sa pagpapatira niyo sa’kin dito. Pasensiya na po kayo kung naging pabigat man ako sa inyo. Sana po balang araw ay makabawi po ako sa kabutihang loob ninyo. Mag-iingat po kayo palagi, aalis na po ako,” paalam niya sa tiyahin at sa asawa nito.
Habang naglalakad ng hindi alam ang patutunguhan ay nanariwa sa isip ni Lessel ang mga araw sa probinsya kasama ang kaniyang pamilya. Mahirap man ang buhay nila ay masaya naman sila. Gusto niya tuloy makita ang mga ito.
Hindi na napigilan ni Lessel ang sarili at napaiyak na lamang siya. Pakiramdam niya ay susuko na siya, parang hindi niya na kaya. Takot na takot siya at masyado na siyang nadidisappoint sa sarili niya.
Naupo siya sa isang upuan sa isang plaza malapit sa bahay ng kaniyang tiyahin. Habang umiiyak siya ay naalala niya na naman ang kaniyang pamilyang umaasa sa kaniya sa probinsya.
Mabilis na pinahid ni Lessel ang kaniyang mga luha. Hindi dapat siya umiiyak ngayon at nagpapatalo sa laban ng buhay. Kailangan niyang magpakatatag.
Nahihiya man ay nilakasan na ni Lessel ang kaniyang loob at tinawagan ang kaniyang dating kaklase na nakatira sa Maynila. Pinakiusapan niya ito na pansamantalang patuluyin lang muna siya hanggang sa makahanap siya ng maayos na trabaho.
“Maraming salamat talaga Ericka, kung hindi dahil sayo baka nasa lansangan pa rin ako ngayon at malamang doon matutulog,” maluha-luhang pasasalamat ni Lessel sa kaibigan.
“Ano ka ba naman ang OA mo! Para saan pa ang kaibigan ‘di ba? At saka mabuti na rin at magkakaroon na ako ng kahati sa bayaran dito sa apartment no? Saka malungkot din mag-isa kaya salamat at tinawagan mo ako. At least ngayon parehong gagaan ang mga buhay natin ‘di ba?” masayang sagot ni Ericka sa kaniya. Natuwa naman ang dalaga sa kabutihang loob ng kaniyang kaibigan.
Gaya ng kanilang usapan ay nanatili si Lessel sa apartment ni Ericka at doon na rin tumira kahit noong nakahanap na ito ng trabaho sa tulong na rin ng kaibigan.
Sakto kasing naghahanap ng bagong empleyado sa opinisina nila Ericka kaya naman ine-recommend siya ng kaibigan sa boss nito. Agad ding natanggap ang dalaga dahil sa kaniyang taglay na galing.
Hinusayan din talaga ni Lessel ang kaniyang trabaho dahil ayaw niyang mapahiya si Ericka sa pagrerecommend sa kaniya sa kompanya hanggang sa na-promote siya bilang manager sa loob lamang nang isang taon.
Unti-unting umahon sa kahirapan ang pamilya ni Lessel dahil sa kaniyang pagsisikap. Sinuklian niya ang kagandaang loob ng pamilyang tumulong sa kaniya sa pamamagitang ng pagtratrabaho ng maayos at pagiging tapat sa kompanyang pinagtratrabahuan at paminsan-minsan ay dinadalaw niya rin ito sa kanilang tahanan. Kahit na gusto pa siyang kunin ng mga kalabang kompanya, nanatili parin siya dito bilang patunay ng kaniyang katapatan sa mga ito.
Binalikan niya rin ang tiyahin at ang pamilya nito upang magpasalamat dahil kahit sa sandaling panahon lang ay pinatira siya ng mga ito sa kanilang tahanan.
Madalas ay pinanghihinaan tayo ng loob sapagkat hindi natin agad makuha ang gusto natin. Akala natin ay madali lamang ito ngunit taliwas sa ating inaasahan ay hindi pala. Walang madali sa mundong ito pero hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa at patuloy lang lumaban.
Magtiwala lamang tayo sa plano ng Diyos para sa atin at siguradong maaayos din ang lahat. Ituloy lang natin ang laban at huwag agad papatalo sa mga pagsubok na darating sa buhay natin.