Inday TrendingInday Trending
Walang Nagpapakumbaba sa Magkaibigan; Maliit Lang naman ang Dahilan ng Away

Walang Nagpapakumbaba sa Magkaibigan; Maliit Lang naman ang Dahilan ng Away

“Hoy, Vida, ano ʼyong nababalitaan kong ipinagkakalat mo raw na may gusto ako kay Conrad?”

Sinugod ni Yassy ang matalik na kaibigang si Vida nang mabalitaan mula sa kanilang mga kaeskuwela ang tungkol sa pagpapakalat nito ng balitang may gusto raw siya sa campus heartthrob na si Conrad…

Ang totooʼy may katotohanan naman ang sinasabi nito ngunit nangako sila sa isaʼt isa na hindi nila ipagkakalat ang sikreto nila kahit kanino!

“Eh, totoo naman, bes, ah? Ginawa ko lang ʼyon dahil⏤” ngunit hindi na pinatapos pa ni Yassy ang sasabihin sana ni Vida.

“Wala na akong pakialam sa ʼyo! Magkalimutan na lang tayo! Traydor ka naman at hindi marunong tumupad sa pangako,” bulyaw ni Yassy kay Vida na noon ay nagsisimula na ring mapikon.

“Akala mo naman kawalan ka? Tinulungan na nga kita, pagkatapos, ganiyan pa ang gagawin mo sa akin? Wala na rin akong pakialam sa ʼyo!” sagot naman ni Vida sa kaibigan.

Pinagtitinginan na ng mga tao ang dati ay matalik na magkaibigan na simula pa lamang noong mga bata sila ay halos sila na ang magkasama. Noon kasi ay hindi mapaghiwalay ng kahit sino ang dalawa. Palagi silang magkakampi sa lahat ng bagay.

Unti-unti lamang na nagbago ang kanilang samahan nang sila ay maglakihan na at magsimula nang magkaroon ng kani-kaniyang mga kaibigan na madalas ay hindi naman kasundo ng isaʼt isa. Naging halata na rin ang pagkakaiba nila at madalas na rin silang ipagkumpara ng kanilang mga kakilala.

Ganoon pa man, pinilit ng dalawa na magkaroon pa rin sila ng komunikasyon kahit pa nga halos magkaibang-magkaiba na ang mga gusto nilang gawin, kainin, suotin at pag-usapan.

Si Vida kasi ay mahilig sa arts at sports. Bukod doon ay lutang na lutang din ang ganda nito kahit pa nga hindi ito mag-ayos, dahil wala naman itong kahilig-hilig sa ganoon. Boyish type din kung kumilos ito dahil na rin sa mga napupusuang kabarkada.

Samantalang si Yassy naman ay isang fashionista. Mahilig siya sa make up, high hills at magagandang mga damit. Kikay kung tawagin ito ng kaniyang mga kabarkada at nahihilig naman siya sa social media tulad ng mga bagong kakilalang kaibigan.

Lingid sa kaalaman ni Yassy ay ipinaalam lang naman ni Vida ang tungkol sa nararamdaman niya kay Conrad dahil umamin din ang binatang iyon kay Vida na gusto niya si Yassy. Sa tuwa ay hindi napigilan ni Vida na sabihin sa mga kaibigan niya ang tungkol doon at ang tila pagiging kupido niya sa dalawa.

Samantala, alam naman ni Vida sa kaniyang sarili na mali rin namang pinangunahan niya ang kaibigan. Iyon nga lang ay napikon siya sa pagpapahiya nito sa kaniya, laloʼt wala talagang gumagawa noon sa dalaga.

Alam ng dalawa na pareho silang may pagkakamali ngunit walang gustong magpakumbaba sa kanila.

Lumipas nang lumipas ang panahon at hindi na nagkabati pa ang magkaibigan hanggang sa sila ay magkaroon na ng kani-kaniyang trabaho.

Minsan ay nagkatagpong muli ang landas nina Yassy at ng lalaking naging dahilan ng away ng magkaibigan. Si Conrad.

Nakasalubong kasi ni Yassi ang binata sa isang canteen at silaʼy nagkakumustahan.

“Crush mo rin ako noong college?” gulat na naitanong ni Yassy sa binata nang mabanggit nito iyon.

“Oo kaya, ano! Kaso, nahiya na akong lumapit sa ʼyo noong nag-away kayo ni Vida dahil sa akin. Alam mo kasi, umamin ako noon kay Vida na may gusto ako sa ʼyo, at sa sobrang excited niya ay naipamalita at nasabi niya rin ang tungkol sa pagtingin mo sa akin,” paliwanag ni Conrad na noon ay hindi nagawang pakinggan ni Yassy sa kabigang si Vida.

Dahil doon ay nakonsensiya ang dalaga. Naisip niyang naging masama pala siyang kaibigan kay Vida.

Nagpasiya siyang hanapin kung saan ito nagtatrabaho upang personal siyang humingi ng tawad.

Ikinagulat ni Vida nang makita ang dating matalik niyang kaibigan sa opisinang kaniyang pinagtatrabahuhan. Break time niya noon at talagang inabangan siya nito sa canteen upang kausapin.

“Vida, alam kong malaki ang kasalanan ko sa ʼyo dahil hindi ko pinakinggan ang paliwanag mo noon. Kung tutuusin ay halos napakaliit lang ng dahilan ng away natin ngunit umabot pa ng taon bago natin naresolba. Ganoon pa man, sana mapatawad mo pa ako.” May luhang pumatak sa mga mata ni Yassy.

Isang yakap lang ang tugon ni Vida. Isang mahigpit na yakap na nagsasabing hindi na sila muling mag-aaway pa.

Advertisement