Inday TrendingInday Trending
Ipinamalita ng Babae na Siya ang Mananalo sa Contest na Sinalihan Hindi Pa man Iyon Nagsisimula; Matinding Kahihiyan Pala ang Kaniyang Aabutin

Ipinamalita ng Babae na Siya ang Mananalo sa Contest na Sinalihan Hindi Pa man Iyon Nagsisimula; Matinding Kahihiyan Pala ang Kaniyang Aabutin

Isang linggo pa ang pagitan bago mag-umpisa ang paligsahan sa kantahan na gaganapin sa kanilang lugar, ngunit ipinamamalita na ni Susan na siya at walang iba, ang siyang mananalo rito! Paano’y iyon naman ang palaging nagiging senaryo sa tuwing may magaganap na ganitong klaseng patimpalak sa kanilang bayan tuwing sasapit ang kapistahan. Sa totoo lang ay halos wala na ngang gustong kumalaban sa kaniya sa kanilang lugar, kaya naman nagpasya ang kanilang pamahalaang lokal na buksan ang naturang patimpalak, hindi lamang para sa kanila kundi pati na rin sa mga taga ibang lugar upang mas maging masaya ang kaganapang iyon para sa lahat.

Hindi naman nakadama ng kahit katiting na kaba si Susan. Malaki kasi ang bilib niya sa kaniyang sarili at naniniwala siyang kaya niyang panatilihin ang titulo sa kaniyang pangangalaga. Naniniwala siyang siya lang ang pinakamagaling sa lahat at walang p’wedeng tumalo sa kaniya.

“Susan, hindi ka man lang ba mag-eensayo para sa darating na singing contest? Sige ka, ikaw rin, baka matalo ka na ngayong taon,” minsan ay paalala ng isa sa kaniyang mga kaibigan habang nakaistambay sila sa tapat ng isang tindahan at nagmimeryenda.

“Hindi ko na kailangang mag-ensayo dahil hindi pa ipinapanganak ang taong tatalo sa akin!” sagot naman niya na may kasama pang pagrorolyo ng mata. Napakibit-balikat na lamang ang kaniyang kaibigan dahil sa kaniyang inasal. Sanay na ito sa ganoong ugali niya, ngunit bahagya pa rin itong nakaramdam ng inis.

Samantala, isang babaeng tagakabilang barangay ang naimbitahan ng kanilang kapitan na sumali sa kanilang patimpalak. Agad naman nitong pinaunlakan ang naturang imbitasyon. Marami pang ibang sasali mula sa ibang lugar ngunit tila ba may panibago nang manok ang mga tao na siyang magiging malaking puntos upang manalo ang isang contestant… at hindi iyon si Susan, kundi si Grace na mula sa kabilang barangay.

Nang malaman iyon ni Susan ay agad siyang nakadama ng galit. Dahil doon, isang araw bago ang patimpalak ay nagsisigaw siya sa gitna ng maraming tao sa plaza…

“Wala akong pakialam kung hindi ako ang iboto n’yo. Kahit ano ang mangyari, siguradong ako pa rin ang mag-uuwi ng premyo!” mayabang na aniya sa mga taong nakakarinig.

Doon ay nag-umpisa na ang matinding bulungan. Pinukol lamang nila siya ng nang-uuyam na mga tingin si Susan at hindi na siya pinansin pa.

Dumating ang araw ng patimpalak. Lahat ng mga tagaroon ay masayang ipinagdiriwang ang kapistahan. Maraming nagtipon-tipon sa plaza ng naturang barangay upang saksihan ang labanan ng mga contestants.

Nagsimula ang laban. Umpisa pa lang ay tila alam na agad ng mga tao kung sino ang mananalo dahil sa bawat paglabas ni Grace sa entablado ay kanila itong hinihiyawan at pinapalakpakan na may kasama pang standing ovation. Galit na galit naman si Susan dahil sa tuwing siya na ang kakanta ay tila ba wala nang pakialam ang mga manonood at wala man lang silang nagiging reaksyon. Mangilan-ngilan na lamang ang pumapalakpak at halos maubos ang kaniyang pasensya dahil doon.

Sa backstage, habang naghahanda ang mga contestants para sa susunod nilang performance ay nilapitan ni Susan ang crowd’s favorite na si Grace, at walang anu-ano ay kaniya itong hinarap.

“Hoy, ikaw! Hindi dahil gusto ka ng mga tao sa labas, ibig sabihin n’on ay panalo ka na. Hinding-hindi ka mananalo sa akin. Huwag ka nang umasa dahil wala kang panama!” tahasang ani Susan sa dalagang katunggali.

“Napapaano ka? Kung ikaw ang mananalo, edi mabuti. Hindi mo kailangang awayin ako para lang ipakita sa sarili mo na mas angat ka. Patunayan mo na lang,” matapang namang sagot ni Grace bago tinawag ng announcer ang pangalan nito upang siya na ang muling magperform.

Hiyawan ulit ang mga tao sa paglabas pa lamang ni Grace ngunit pinilit pa rin ni Susan na labanan ito. Iyon nga lang, dahil sa sobrang inis na kaniyang nadarama habang siya ay kumakanta, naapektuhan niyon ang boses. Sa kalagitnaan ng pag-abot niya sa mataas na tono ng kaniyang inaawit ay pumiyok siya at dinig na dinig iyon ng judges at mga manonood! Naging kahiya-hiya si Susan sa patimpalak na iyon dahil sa kaniyang kayabangan.

Sa huli, itinanghal na kampeon si Grace at siyang nagkamit ng premyo. Samantalang si Susan ay wala nang maiharap na mukha sa mga taong kaniyang niyabangan noon.

Advertisement