Inday TrendingInday Trending
Puring-puri ang Binatilyo Dahil Binabalik Nito ang mga Napupulot na Mahahalagang Gamit; Bakit Hindi Kumbinsido ang Kaniyang Kaibigan?

Puring-puri ang Binatilyo Dahil Binabalik Nito ang mga Napupulot na Mahahalagang Gamit; Bakit Hindi Kumbinsido ang Kaniyang Kaibigan?

Pinapalakpakan na naman si Jezreel ng kaniyang mga kaklase dahil ibinida na naman siya ng kanilang gurong tagapayo. Nakapulot na naman kasi siya ng pitaka. Pitaka pa ito ng kanilang guro sa isang asignatura. Tuwang-tuwa ang lahat para kay Jezreel. Pinatawag pa siya ng punungguro dahil sa kaniyang katapatan.

“Maganda ang pagpapalaki ng mga magulang mo sa iyo, Jezreel. Isa kang tapat na mag-aaral. Sana ay tularan ka ng mga kaklase mo,” pagbati ng punungguro.

Kaya naman dumami ang mga kaibigan niya. Mga hindi pumapansin sa kaniya noon, sila pa ang unang bumabati sa kaniya kapag nakakasalubong siya sa daan.

“Hoy Jezreel baka hindi ka na mamansin ah kapag marami ka ng kaibigan,” nasabi sa kaniya ni George, ang matalik niyang kaibigan.

“Ano ka ba naman? Ako kaya tropa mo. Huwag kang mag-isip nang kung ano-ano diyan,” saad ni Jezreel.

“Eh ‘di hindi na kita puwedeng pakopyahin kasi Mr. Honest na tawag sa ‘yo ng lahat?” tanong ni George.

“Grabe naman ‘yan! Alam mo namang sadsad ang utak ko lalo na sa Math. Speaking of, pakopya naman ako ng assignment natin oh, sige na,” hirit ni Jezreel.

“Dapat hindi ka na kumopya sa akin kasi dapat ipakita mo sa sarili mong talagang tapat ka, ikaw talaga…” nakalabin sabi ni George. Pinaghirapan niya talaga ang pagsagot sa kanilang takdang-aralin sa Math.

Wala nang nagawa si George. Ayaw niyang magalit sa kaniya ang kaibigan. Ibinigay niya rito ang kaniyang kuwaderno. Hinayaan niyang kumopya ang kaibigan.

Isang araw, oras ng recess. kailangan nilang umalis ng silid-aralan. Iyon ang panuntunan ng kanilang guro. Ipinasya ni George na magtungo sa silid-aklatan, subalit naiwanan niya sa silid-aralan ang kaniyang library card. Bumalik siya. Isa pa, nakapagtatakang wala si Jezreel. Nasaan kaya ito?

Naudlot ang pagpasok sa loob ng silid-aralan. Pagbukas niya ng pinto, nasilip niya si Jezreel na nasa loob. Nanlaki ang mga mata niya. Kitang-kita niyang kinukuha nito ang pitaka ng kanilang kaklase. Mabilis na naibulsa. Subalit namutla ito nang mapansing nakabukas nang bahagya ang pinto, at mapansing may nakasilip. Agad na umalis si George. Humabol si Jezreel. Pinigilan siya.

“Anong ginagawa mo? Bakit mo kinukuha ang pitaka ni Beth? Kitang-kita ko,” sumbat ni George sa kaibigan.

“Geo, huwag kang maingay please. Hindi yung iniisip mo ang gagawin ko. Hindi ‘yon. Magtiwala ka na lang sa akin, please? Okay ba ‘yon? Hindi ko naman nanakawin. Hindi iyan ang balak kong gawin,” hindi magkandatutong paliwanag ni Jezreel.

“Eh anong gagawin mo?”

“Manood ka na lang.”

Maya-maya, sa pagbalik nila sa loob ng klase, narinig na nila si Beth.

“Nawawala ang pitaka ko…” saad nito.

Maya-maya, lumapit si Jezreel. Iniabot ang pitaka kay Beth.

“Beth, sa iyo ba itong pitakang ito? Nakita nko kasi kanina sa ilalim ng upuan mo kanina. Baka lang nalaglag at hindi mo napansin,” saad ni Jezreel.

“Oo Jezreel. Maraming salamat! Grabe! Napakatapat mo talaga!” naiiyak na pasasalamat ni Beth. Alam ni George na crush ni Jezreel si Beth. Lihim na napasulyap si Jezreel sa kaibigan. Makahulugan ang mga tingin nito. Tila nagsasabing “Alam mo na kung bakit ginawa ko ang ginawa ko kanina.”

Puring-puri naman ng kanilang guro si Jezreel. Kung alam lamang nila ang ginagawa nito.

Masinsinang kinausap ni George ang kaibigan.

“Pare, so hindi mo talaga napupulot yung mga bagay na ibinabalik mo sa may-ari? Lahat iyon, planado mo? para mapuri ka? para maging maganda at mabango ang pangalan mo sa lahat?”

“Oo, George. Masama ba ang ginagawa ko? Hindi naman ako nagnanakaw. Hindi ko naman kinukuha. Palagay ko wala namang mali sa ginagawa ko,” depensa ni Jezreel sa kaniyang sarili.

“Mali ang ginagawa mo, p’re. Hindi tama ‘yan. Wala ka ngang kinukuha, pero nagsisingungaling ka naman. Pinapaniwala mo ang mga tao sa isang bagay na hindi totoo,” saad ni George.

Nagdilim ang mukha ni Jezreel.

“Wala kang pakialam sa diskarte ko. Dito ako napapansin eh. Sa bahay, walang kumikilala sa akin. Masama ang tingin sa akin ng mga magulang ko. Pero dito sa paaralan, tapat ang tingin sa akin. Masisisi mo ba ako kung iyan ang gusto kong maging tingin sa akin ng mga tao?” paliwanag ni Jezreel.

Simula noon ay naging iwas at asiwa na si Jezreel kay George. Ramdam ni George ang pag-iwas ng kaibigan, marahil, natatakot itong pagsabihan niya ulit.

Ngunit sabi nga, walang lihim na hindi nabubunyag. Isang araw, nahuli si Jezreel na kinukuha ang pitaka ng isa pa nilang kaklase. Sirang-sira ang pangalan ni Jezreel. Dumating sa puntong hindi na ito pumapasok dahil sa kahihiyang nangyari. Hanggang sa mabalitaan na lamang ni George na nag-drop out na ito dahil sa idinulot na kahihiyan.

At matuling lumipas ang panahon. Nakatapos na sa kolehiyo si George at may matatag na trabaho. Isang araw, nakasakay siya sa MRT, nang isang kamay ng lalaki ang dumantay sa kaniya. Nagulat siya nang mapag-alamang si Jezreel iyon. Malaki na ang ipinagbago. Inaya siya nitong magkape.

“Patawarin mo ako noon George. Sana pala nakinig ako sa iyo. Mali ang ginawa ko noon, at naging mabilis ang karma sa akin,” paghingi ng tawad ni Jezreel.

“Huwag mo na isipin ‘yan. Ang mahalaga, napagtanto mo ang mga pagkakamali mo,” saad naman ni George.

Kaya naman masayang-masaya si George hindi lamang dahil muli niyang nakita ang kaibigan, kundi dahil alam niyang nagbago na ito.

Advertisement