Inday TrendingInday Trending
Para sa Babaeng Ito ay Siya ang Pinakamahusay na Nanay sa mga Kaklase ng Kaniyang Anak, Iba Pala ang Perpekto na Iniisip Niya

Para sa Babaeng Ito ay Siya ang Pinakamahusay na Nanay sa mga Kaklase ng Kaniyang Anak, Iba Pala ang Perpekto na Iniisip Niya

“Hay naku, Rafael, ang sakit ng ulo ko sa mga kaklase ni Nico! Ang gugulo! Parang pinalaki sa kalsada!” bati ni Ericka nang maka-uwi ang kaniyang mister galing sa trabaho.

“Ganun talaga ang mga bata lalo na kung lalaki. Kahit ako rin naman, nung bata ako ay magulo ako kasi parte iyon ng paglaki,” sagot naman ng lalaki saka naupo sa kanilang sofa.

“Hay naku, ito na naman tayo. Pupunahin mo na naman ang pagpapalaki ko sa anak natin. Hindi ka kasi nakikihalubilo sa mga kaklase at magulang ng anak mo kaya mo ‘yan nasasabi. Hindi mo nakikita na para bang hindi man lang tinuruan ng maayos na asal ang mga iyon. ‘Yung isang nanay roon ay halos mamaos na sa kakasigaw ngunit hindi pa rin nakikinig ang anak niya. Ayaw ko ng ganun! Walang takot at walang disiplina! Tignan mo si Nico, isang tingin ko lang ay mananahimik na,” baling kaagad ni Ericka sa asawa.

“Hindi ko naman sinasabi na mali ka sa pagpapalaki sa anak natin pero para sa akin masyado kang istrikto! Kahit nga ako hindi makahinga sa’yo!” inis din na sagot ni Rafael sa kaniya.

“Hay naku, gusto ko lang naman mag-share kung anong nangyari sa buong araw namin pero mukhang mauuwi na naman sa away ang usapan na ito. Kumain ka na, pupuntahan ko lang ang anak mo at titignan ko kung tapos na ‘yun sa mga takdang-aralin nya,” wika ng babae at saka iniwasang makipagtalo sa kaniyang mister.

Limang taon nang mag-asawa sina Rafael at Ericka at mula nang magsama ang dalawa ay hindi na pinagtrabaho pa ng lalaki ang kaniyang asawa upang mabantayan ang kanilang nag-iisang anak. Mabait, maganda at napakamaalagang babae nga raw ni Ericka para kay Rafael ngunit masyado itong mahigpit sa pagiging isang magulang para sa lalaki. Paano’y ayaw nito sa magulo at makalat kaya naman lumaki ang anak nila na tahimik at palaging may takot na gumalaw kahit nga sa sarili pa nilang bahay ito. Para naman kay Ericka ay sinasanay niya lamang maging maayos ang kaniyang anak at makaintindi ng isang sabi.

“Nico, don’t touch anything, okay? Nasa ibang bahay tayo kaya umayos ka,” mahinang sabi ni Ericka sa kaniyang anak nang ma-imbitahan sila sa isang kaarawan ng isa sa mga kaklase nito.

Tumango lamang ang bata at saka sila dahan-dahan na naglakad at mahinang kumatok sa pintuan. Pagbukas pa lamang ay sigawan na kaagad ng mga bata ang kaniyang naririnig at napaliit kaagad siya ng mata saka kunwaring ngumiti sa ibang mga magulang.

“Baking, kakaiba ang theme na naisip mo para sa kaarawan ni Ynnah,” wika ni Ericka sa nanay ni Ynnah.

“Oo, gusto kasi talaga ni Ynnah ang magluto at mag-bake kaya hindi na ako nagulat kung ayaw niya ng mga princess theme kasi mas gusto niya ang magkalat,” natatawang sagot ni Joana, ang nanay ng bata.

“Naku, ang sakit siguro lagi ng ulo mo kasi ang kalat! Katulad ngayon, grabe, ang gulo nila!” natatawang balik ni Ericka sa babae.

“Naku, hindi! Ang saya nga nilang tingnan! Saka bakit parang ang tahimik ng anak mo? May sakit ba siya? Huwag ka sana ma-offend pero sobrang tahimik niya kasi para sa edad niya,” tanong ni Joana sa kaniya.

Nasaktan at nakaramdam kaagad ng galit si Ericka ngunit mabilis niya iyong tinago sa malakas na tawa.

“Wala! Sinanay ko lang talaga ang anak ko na maging ganyan. Ayaw ko kasi sa magulo, ayaw ko sa maingay at higit sa lahat ayaw ko sa mga batang hindi nadadaan sa isang tingin. ‘Yang si Nico ko ay isang tingin ko lang alam na niya kung galit ako o hindi, malinis ‘yan sa bahay at kailanman hindi ako pinasigaw ng batang ‘yan kasi gusto ko ng ganun. Prim and proper kumbaga,” paliwanag ni Ericka at patuloy pa rin ang pagngiti niya habang nakatingin sa mga batang naglalaro lamang ng harina.

“A, ganun pala,” malalim na sagot sa kaniya ni Joana.

“Pero alam mo, bata pa kasi sila para pigilan at turuang maging matanda. Hindi ko sinasabing mali ka ha, opinyon ko lang naman ito. Ang bata kasi, natural sa kanila ang sumigaw, umiyak, manggulo, mangulit kasi ayon lang naman ang alam nilang gawin, nagsisimula palang sila sa pagtuklas ng mga bagay. Alam ko na pwede mong ituro ‘yun pagdating ng araw at sa tahimik na paraan pero ano na lang ang magiging memorya nila sa pagiging bata? Kapag lumaki itong mga bulinggit natin, mag-aaral na ito ng kanila, maliligo ng hindi na tayo kailangan at magsisimulang kumain sa labas hanggang sa maiwan na lang tayo na hindi na nila kailangan katulad ng pangangailangan nila sa atin noong maliit palang sila. Tingnan mo si Nico, siya lang ang hindi tumatawa at nakikihalubilo sa kanila, hindi ko alam kung takot ba siya na magalit ka o takot siya na baka hindi niya alam gawin ang mga bagay na pwede naman niyang subukan. Sana hindi mo masamain ang opinyon ko,” sabing muli ni Joana sa kaniya saka siya hinawakan sa kamay at nagpaalam para makisali sa laro ng kaniyang anak.

Tumahimik lamang si Ericka at napaisip sa sinabing iyon sa kaniya. Sa lahat ng mga kaklase ng kaniyang anak ay kilala siya bilang perpektong nanay dahil sa napakaayos nga niya magdala ng anak ngunit baka parang may punto si Joana at nakaramdam siya ng kirot sa puso.

“Nico, bakit hindi ka sumasali sa mga kaklase mo kanina?” tanong ni Ericka sa kaniyang anak noong nakauwi na sila.

“Kasi po magagalit ka, ayaw kong magalit ka, mommy, kasi hindi ako makahinga ‘pag nagagalit ka kaya hindi na lang po ako gagalaw,” nakayukong sagot ng anim na taong gulang niyang anak.

Ngayon mas naintindihan niya ang sinasabi ng kaniyang mister at si Joana, masyado nga niyang hinigpitan ang kaniyang anak dahil buong akala niya’y sumusunod ang bata sa kaniya dahil gusto nito at dahil napalaki niya ito nang maayos ngunit mali pala siya. Dahil mas nanaig ang takot sa puso ng bata.

Kaya naman simula noon ay unti-unti niyang hinayaan maging bata muli si Nico. Inilabas niyang muli ang mga laruan ng anak at iniwasan niya rin itong pigilan, pandilatan o pagsabihan. Ngayon niya nakita na mas masaya ang bata at sumusunod pa rin ito sa kaniya kahit nga hindi niya pagalitan. Ngayon din niya mas napagtanto na hindi kailangan maging perpekto na nanay sa mata ng ibang tao dahil mas mahalaga pa rin ang pagiging nanay sa sarili niyang anak.

Advertisement