
Sigurado na Raw ang Babaeng Ito sa Kaniyang Amo; Sa Huli’y Hindi Niya Akalain ang Makukuha sa Babae
“Ano? Kumusta naman ‘yang bago mong amo? Marami ba tayong makukuha riyan?” tanong ni Fidel sa telepono, mister ni Wilma.
“Naku, limpak-limpak at mukhang ito na yata ang magiging huling amo natin pag nagkataon! Hindi ka maniniwala sa dami ng alahas at perang nagkalat lang sa bahay,” maligayang balita ng babae sa kaniyang asawa.
“Ayan na yata ang pinakamagandang balitang sinabi mo sa akin! Dapat mga tatlo hanggang limang buwan ka lang diyan para kung ano man ay makahanap ako ng ibang papasukan mo,” sagot ni Fidel sa kaniya.
“Hay naku, Fidel, maniwala ka sa akin, pagtutulungan nating makulimbat ang mga mapapakinabangan dito at sigurado akong makakapagsimula na tayo ng pamilya. Pwede na tayo magkaroon ng anak, magpakasal at magkabahay,” mahina ngunit sabik na sabik iyong sinambit ni Wilma sa lalaki. Kaagad na natapos ang pag-uusap nila nang marinig niyang dumating na ang sasakyan ng kaniyang amo.
“Manang, ‘yung kwarto po namin ay walis lang ang gawin niyo. Huwag niyo na galawin ‘yung mga pera at alahas kasi mas nahahanap ko ang mga bagay-bagay kapag ganun lang siya kagulo,” bati pa sa kaniya ni Cheska, bilin ng amo niyang babae.
“Saka, manang, huwag mong tangkain na magnakaw dito sa bahay ko kasi maniwala ka, pagsisisihan mo lang,” dagdag pa nito at kaagad na tumango naman si Wilma at yumuko.
Kinalakihan na ni Wilma ang pagkakasambahay at kahit na nagkaroon na siya ng asawa ay ito pa rin ang hanapbuhay ng babae. Bukod dito ay naging modus nilang mag-asawa ang paglipat-lipat ng mga amo sa tuwing makukuha na nila ang kailangan sa mga ito. Masama man ang ginagawa nila ngunit mas ginusto ni Wilma ang magnakaw at tumakbo sa mga amo kaysa sa magtiis sa kakarampot na sweldo.
“Mukhang jackpot talaga ako rito kina Cheska,” isip-isip niya sa sarili habang naglilinis ito ng kwarto ng kaniyang amo at nagkalat lamang ang mga mamahaling gamit ng mga ito. Habang tumatagal ang araw ay unti-unti na niyang kinukuha ang mga bagay na natitipuhan niya at pinapakiramdaman ang amo kung mahahalata nito na nawawalan siya ng mga gamit ngunit katulad ng inaasahan ay hindi ito namamalayan ni Cheska.
Hanggang sa dumating ang pagkakataong hinihintay ni Wilma nang mabalitaan na magbabakasyon ang amo niya at mawawala ng tatlong araw.
“Seryoso pala talaga ang sinasabi mo sa akin, Wilma! Mayaman pala talaga itong amo mo!” bulalas ni Fidel nang makarating sa bahay na pinapasukan ni Wilma.
“Sabi ko naman sa’yo, simutin mo na lahat ng pwede mahakot para makaalis na tayo. Nasira ko na rin ang CCTV nila kaya wala na silang makukuhang panghabol sa atin. Ito na ang mag-aahon sa atin sa hirap,” nakangiting sabi ni Wilma sa mister niya. Mabilis naman na niyakap at hinalikan siya nito saka nagtatalon silang dalawa sa saya.
Hinakot nila maging mga gamit sa bahay at isinakay lahat sa sasakyang inupahan ni Fidel. Kinuha rin ni Wilma ang mga alahas at limpak-limpak na perang nakabulatlat lang sa kwarto ni Cheska.
Halos kalahating araw din silang naghakot at nang sumapit na ang dilim ay saka umalis.
“Dito na tayo magpapalit ng alahas, dapat hindi sa isang lugar lang kasi baka ma-trace nila tayo,” sabi ni Wilma sa kaniyang asawa nang makakita siya ng sanglaan.
“Iba ka na talaga, Wilma, hindi ka lang magaling na kasambahay, talamak ka na ring kr!m!n@l,” natatawang sagot ni Fidel sa kaniya at napailing sabay tawa na lang din ang babae.
“Maa’m, saan niyo po nakuha ang alahas na ito?” tanong ng alahera sa kaniya.
“Bigay lang sa akin ‘yan ng kaibigan ko, ano kasi, ipinangbayad utang niya sa akin,” dahilan kaagad ni Wilma sa babae.
“Naku, ma’am, sorry po pero kailangan niyong balikan ‘yung nagbigay sa inyo nito kasi lugi kayo,” sabing muli sa kaniya ng babae.
“Bakit, magkano lang ba ‘yan?” inis na balik ni Wilma.
“Naku, ma’am, peke po kasi lahat ng ito. Fancy lang po, walang halaga at hindi po ito tunay na gold,” sagot muli ng babae sa kaniya at ibinigay ang alahas. Mabilis na tiningnan ni Wilma ang kwintas at bumalik sa sasakyan.
“Magkano raw?” ngiting tanong ni Fidel sa kaniya.
“Naku, sa susunod na sanglaan na lang tayo tumingin. Tatanga-tanga ‘yung babaeng ‘yun, sabihin ba naman peke itong hawak ko. Ano tingin niya sa akin, hindi marunong tumingin ng ginto?! Sa bigat pa lang nito ay alam mo na kaagad na totoo,” baling ni Wilma sa mister niya.
Hindi na nag-usap pa ang dalawa at kaagad na pumunta sa kakilala nilang alahero at ibinigay lahat ng nakuha nilang alahas.
“Pare, magkano ba makukuha natin ngayon?” sabik na tanong ni Fidel sa kaniyang kaibigan.
“Naku, Fidel, mukhang tinamaan kayo ng lintik ngayon. Lahat ng ito ay mga peke, ito ‘yung mga class A na peke, pwede pa rin naman ibenta ito pero sa murang halaga lang at wala talaga itong ginto,” sabi ng alahero sa kaniya.
Labis na pagkadismaya ang naramdaman ng mag-asawa, “Huwag kang mag-alala, Fidel, may mga pera naman tayong nakuha at mga gamit na pwede pa rin nating ibenta kaya may mapapakinabangan pa rin tayo,” sabing muli ni Wilma sa lalaki.
Mabilis na kinuha ng babae ang pera at ipinakita sa lalaki ngunit napahinto ito nang mapansin na peke ang pera at tanging nasa ibabaw lamang ang totoo.
“T@ng!n@, tinamaan na talaga! Akala ko ba magaling ka tumingin ng ginto e pati pala pera ay hindi mo man lang tiningnan kung totoo! Walang kwenta ang ginawa nating ito!” baling sa kaniya ni Fidel at saka ito umalis.
Ngayon niya naiintindihan ang sinabi sa kaniya ni Cheska na pagsisisihan niya lamang kung magnanakaw siya sa babae. Labis na pagsisisi nga ngayon at pagkadismaya ang naramdaman niya dahil bukod sa wala siyang nakuhang pera at alahas ay bigla ring nawala si Fidel sa kanyang buhay bitbit ang mga pinaghirapan niya sa mga nakaraang taong pagnanakaw sa ibang amo.
Talaga nga namang walang buting naidudulot ang paggawa ng anumang masama. Kaya naman napagtanto ni Wilma na itigil na ang kaniyang modus. Ilang taon na rin siyang sinuwerte at hindi nahuli ng mga nakaraang amo, kaya naman talagang desidido na siyang magbagong buhay at kumita ng pera sa malinis at marangal na paraan bago pa man tuluyang mahuli ang lahat.