Inday TrendingInday Trending
Hinati Pa ng Babaeng Pulubi ang Nag-iisang Pandesal Para sa ‘Di Kilalang Binata; Malayo ang Narating ng Kaniyang Kabutihan

Hinati Pa ng Babaeng Pulubi ang Nag-iisang Pandesal Para sa ‘Di Kilalang Binata; Malayo ang Narating ng Kaniyang Kabutihan

Galit na galit sa mundo si Joshua, susuray-suray ang lakad habang hawak ang isang bote ng alak. Nang bumalik sa isip niya ang sinabi ng kaniyang ama ay napuno na naman ng galit ang kaniyang puso at naibato sa isang pader ang hawak na bote. Nabasag iyon at natalsikan pa ng bubog ang kaniyang braso. Gumuhit ang sakit sa nasugatang braso ngunit naisip ni Joshua na mas masasakit pa rin ang salitang binitawan ng kaniyang ama. Hindi ito sang-ayon sa kursong kinuha niya, pinalalayas nito siya sa bahay kapag hindi siya sumunod sa gusto nito at hindi na susuportahan ang kaniyang pag-aaral. Galit na galit siya dahil pati mga kapatid at ina ay pinagbantaan nito para hindi siya tulungan. Kanina pa naglalaro sa isipan niya na tapusin na lang ang kaniyang buhay dahil sa kawalan ng pag-asa sa sitwasyon.

Sa sobrang kalasingan ay napabulagta na lang sa gilid ng parke si Joshua. Wala siyang malay sa paligid at nahihilo na talaga siya. Hanggang sa napaluha na lang at tuluyan nang nilukob ng antok.

Kinabukasan ay nagising siya sa amoy ng kape. Nagulat siya nang isang maruming jacket na ang nakakumot sa kaniya. Sa kaniyang tabi ay isang matandang babae na umiinom ng mainit na kape mula sa isang styro na baso. Inabutan siya nito ng isang plastic. Laman niyon ay isang pandesal.

“Oh hijo, pasensya na iyan lang ang almusal. Isang pandesal, hati tayo.” Nang hindi siya umimik ay hinati nito gamit ang kamay ang pandesal. Isinubo sa bibig ang kalahati at inilagay sa palad niya ang kalahati.

“Alam mo hijo, mukha ka namang may bahay, bakit dito ka sa parke natulog?” tanong nito. Nahihiyang magkwento si Joshua ngunit hindi niya alam ay habang lasing siya kagabi, naikwento na niya kay Aling Josefa ang lahat.

Napabuntong-hininga na lang si Aling Josefa saka binigyan ng payo ang nakakaawang binata.

“Alam mo hijo, mahalagang sundin ang ating mga magulang upang mapakitang mahal natin sila. Ngunit pagdating sa ating mga pangarap at paninindigan sa buhay, sila’y gabay lamang. Hindi sila ang mabubuhay para sa iyo, bagkus ay mahalagang parte sila ng buhay mo. Sa huli, magandang gawin at ipaglaban ang ating mga pangarap, at mas maganda siyempre kapag kasama mo ang mahahalagang tao sa buhay mo upang ipagdiwang ang iyong tagumpay. At habang may buhay, may pag-asa,” mahabang sabi ni Aling Josefa.

Sa payo nito ay naiyak na lang si Joshua. Napagtanto niyang tama ang sinabi nito. Kapag tinapos niya ang kaniyang buhay upang maparusahan ang kaniyang ama at makatakas sa sitwasyon ay talagang walang pag-asa. Nilisan ni Joshua ang parke dala ang plastic na may kalahating pandesal. Kinuha niya iyon at umiiyak na kinain. Kahit kapiraso lang iyon, ay tila puno ang kaniyang tiyan pati puso nang dahil sa matanda.

Simula nang araw na iyon ay hindi na nakita pa ni Aling Josefa si Joshua. Sa katunayan ay sanay na siya sa mga kabataang katulad nito na naglalasing sa parke, ngunit naantig siya sa kwento nito. Kaya naman nang marinig niyang tila nais nitong tapusin ang buhay ay sinigurado ni Aling Josefa na payuhan itong maigi. Ang kaniyang natitirang barya sa bulsa ay ibinili niya ng pandesal na hinati niya para pagsaluhan nila. Naaalala niya rito ang kaniyang mga anak na nasa ibang bansa na ngayon. Nawa ay may mga taong mapagsasabihan ng problema ang mga ito. Sana kahit minsan ay maalala ng mga ito na bilang ina ay narito lang siya kung kailangan ng mga ito ng tulong, kahit pa iniwan na siya ng mga ito.

Sampung taon ang nakalipas, naging matagumpay na direktor na si Joshua. Sa mga interview sa kaniya ay lagi niyang nababanggit si Aling Josefa.

“Kung hindi dahil sa kaniya ay wala na ako sa mundong ibabaw. Lubos akong nagpapasalamat dahil hindi lang basta kalahating pandesal ang ibinigay niya sa akin, kung hindi mabuting payo na nakapagpalinaw sa aking isipan nung ako’y bata pa at padalos-dalos sa buhay,” sabi ni Joshua.

Nang oras ding iyon, napagdesisyunan ng binata na hanapin ang matanda. Nang balikan niya ang parke, tila may kumurot sa kaniyang puso nang makitang naroon pa rin ito sa parehong lugar kung saan niya ito iniwan nang umagang iyon. Sampung taon na at naroon pa rin ito? Nasaan kaya ang pamilya nito? Bumangon ang matinding awa at pagnanais na tulungan ang matanda sa puso ni Joshua, gayundin ng asawa niyang si Mel.

Nagpakilala si Joshua kay Aling Josefa at tuwang-tuwa ang matanda na makitang mabuti ang kalagayan niya. Lingguhan nilang mag-asawa na pinupuntahan ang matanda, ngunit ‘di alam ng ale na may mas malaking surpresa ang dalawa para sa kaniya.

Isang araw na pagbisita nila sa parke ay isinama nila ito sa isang restaurant para kumain. Pagkatapos ay pinagshopping ito ni Mel at dinala sa kanilang bahay upang doon maligo’t magbihis. Doon nila inanunsiyo ang surpresa.

“Nanay Josefa, kung nanaisin niyo po, bukas po ang aming tahanan para sa inyo. Itinuturing na po namin kayo bilang pamilya, at nag-aalala po kaming hindi po talaga ligtas ang parke para sa inyo,” sabi ni Mel.

Naiiyak na napayakap na lang si Aling Josefa sa mabait na mag-asawa. Pumayag ang matanda at simula noon nga ay naging parte na ito ng kanilang pamilya.

Hindi siya makapaniwalang didinggin ng Maykapal ang kaniyang natatanging hiling, at iyon ay makapiling ang pamilya. Hindi man niya kadugo ang mga ito, sapat na ang kalinga at pag-ibig upang matawag na mga anak ang mga ito. Hindi na lang isang pandesal ang kanilang pinagsasaluhan ngayon, kung hindi isang masaganang almusal na may kasamang pagmamahalan.

Advertisement