Inday TrendingInday Trending
Naghahanap ang Matanda ng Mapagpapasahan ng Kaniyang Kayamanan; Isang ‘Di Inaasahang Tao ang Magkakamit Nito

Naghahanap ang Matanda ng Mapagpapasahan ng Kaniyang Kayamanan; Isang ‘Di Inaasahang Tao ang Magkakamit Nito

“Don Juan, sa pagpili ng inyong tagapagmana, dapat ay sa malapit lang kayo tumingin. Doon sa mga taong may mataas ba ang pinag-aralan! Para tiyak na hindi bababa ang kalidad ng inyong kompanya,” may pagmamayabang na sabi ni Mr. Ramirez dahilan upang napaismid ang mga empleyadong nasa meeting na iyon.

“Siyempre mahalaga iyon, pero hindi ba’t mas mahalaga ay iyong may mabuting pakikitungo sa mga empleyado?” Peke ang ngiti ni Mr. Suarez habang tila pinariringgan naman si Mr. Ramirez. Naroon sila sa meeting na iyon dahil ipinahayag ng matanda ang nalalapit nitong pagreretiro. Dahil walang anak, yumao na ang asawa, at malayo ang loob sa mga kamag-anak, ay walang tiyak na tagapagmana ang Don.

Sa mga naririnig na payabangan ng dalawang lalaki ay lalong nadismaya si Don Juan. Si Mr. Ramirez ay likas na mahangin at laging ipinangangalandakan ang mataas na edukasyong natamo pa nito mula sa ibang bansa. Ngunit ayaw dito ng mga empleyado sapagkat magaspang ang pag-uugali nito. Magaling naman si Mr. Suarez pagdating sa tao dahil mabulaklak itong magsalita, ngunit pagdating sa husay sa kompanya ay medyo sablay ito.

Ngayon pa lang ay nais niya sanang ihanda na ang kaniyang tagapagmana upang masanay ito sa pagpapatakbo sa kompanya. Ngunit wala siyang makitang isang tao sa kaniyang paligid na may puso para gawin iyon, maliban sa sekretarya at katiwala niyang si Rico. Halos dalawang dekada na ito sa serbisyo ngunit dineretso na nito siya na wala itong interes magpatakbo ng kompanya. Sapat na raw dito ang posisyon, at handa nitong suportahan ang kung sino mang mapipili niya.

Napabuntung-hininga na lang si Don Juan. Tinapos na niya ang meeting at nagpasyang pumunta sa sementeryo. Kapag ganoong naii-stress siya sa trabaho ay gusto niyang makausap ang asawang namayapa.

Kasama niya ang katiwalang si Rico na pumunta sa libingan. Bago pa man sila makarating doon ay humarang sa kanilang kotse ang isang binata na sa palagay niya ay kinse anyos pa lamang.

“Boss, bili na po kayo nitong tinda kong mga halaman, sariwa po ito! Magandang pambigay sa mga pumanaw nang mahal natin sa buhay!” sabi nito sabay katok sa gilid ng kaniyang kotse.

Nagandahan siya sa presentasyon ng binata kaya bumili siya ng isang paso. Nagulat siya dahil dinagdagan pa nito ng isang rosas ang bili niya.

“Oh hijo, mahal ang rosas ha! Libre ba iyang idinagdag mong isa?”

“Ah oho, libre ko na iyan sa inyo! Simbolo po ng pagmamahal ang rosas at tiyak akong mahal na mahal niyo ang taong bibisitahin niyo,” nakangiting sabi ng binata.

“Aber at paano mo naman nasabi?” sabi ni Don Juan dahil natutuwa siya sa sigla ng binata sa pagpapaliwanag.

“Dahil mukhang galing pa po kayo sa trabaho at pahapon na. Maaari niyo hong ipagpabukas na lamang ang pagpunta ngunit mukha pong pinilit niyo pa ring makadalaw,” sabi nito. Namangha naman si Don Juan sa talas ng isip at katwiran nito. Nagpakilala ang bata bilang si Joseph.

Mas magaan ang loob na nagkwento si Don Juan sa puntod ng asawa nang hapong iyon. Pag-uwi niya ay muli niyang nadaanan si Joseph. Tila matumal ang araw na iyon dahil ang dami pa nitong paninda. Nagpasya ang Don na bilhin na iyong lahat upang makauwi na ang binata. Ngunit dahil wala siyang mapaglalagyan ay sinabi niyang iuwi na lang din nito ang mga halaman.

“Naku Don Juan! Maraming salamat po! Ngunit ayos lang ho bang kaysa iuwi ko muli sa anim ang mga halaman ay ilagay ko na lang ho sa puntod ng inyong asawa? Kung ok lang pong malaman ang pangalan niya, titiyakin ko pong maayos ang pagkasalansan nito doon!” Muli ay namangha ang Don sa kabutihan at katalinuhan ng bata.

“Paano mo naman nalamang asawa ko ang binisita ko?” tanong niya. “Eh kasi mukha po kayong in-love paglabas niyo ng sementeryo. Ganiyan din po ang mukha ng tatay ko noon kapag kausap ang nanay ko eh,” natatawang sabi nito.

Simula noon ay kinagiliwan ng Don ang binata. Inutusan niya si Rico na alamin ang buhay ni Joseph. Napag-alaman niyang ito at ang piping ina na lang nito ang natitira, at mabubuhay ang mga ito sa pagtitinda ng halaman. Nag-aaral sa high school si Joseph at kumakayod sa gabi, at matalinong bata rin ito. Mukhang tinulungan siya ng Diyos upang mahanap na ang kaniyang hinahanap.

Palagi nang binibisita ni Don Juan ang asawa, at gayundin si Joseph. Isang araw pa nga ay pati ang ina ni Joseph na si Rachel ay sinalubong ang Don upang magpasalamat. Ginamit na ni Don Juan ang oportunidad na iyon upang ipaalam sa ina ni Joseph ang plano niyang pagtulong sa anak nito.

“Nakikita kong mabuti ang pagpapalaki ninyo sa kaniya. Nais ko sana siyang paaralin at tulungang magtagumpay sa buhay, bilang tagapagmana ng aking kompanya.” Napaiyak si Rachel sa biyayang ito ng Panginoon. Simula noon ay tuloy-tuloy na nga ang pag-aaral ni Joseph hanggang kolehiyo. Kahit walang direksyon mula sa matanda ay likas na may talino ang binata sa negosyo. Nang makapagtapos ito ilang taon ang nakalipas ay ito na ang opisyal na itinalaga ni Don Juan bilang papalit na presidente ng kaniyang kompanya.

‘Di man sang-ayon sina Mr. Ramirez at Mr. Suarez ay wala naman silang magawa dahil walang maipintas sa mahusay at makisig na binata. Pati mga empleyado ay boto rito. Naging mahusay na presidente nga ito at higit na ikinatuwa ni Don Juan, ay tila amang respetado ang turing nito sa kaniya. Nagpasalamat siya sa Panginoon dahil ginabayan nito ang kaniyang pagpili ng mapagmamanahan, at nakatulong pa siya sa iba. Ngayon ay tiyak niyang nasa mabubuting kamay na ang kaniyang pinaghirapan. Makapagreretiro at makapagpapahinga na siya nang payapa at walang iniisip na problema dahil malaki ang tiwala niya sa napiling binata.

Advertisement