Inday TrendingInday Trending
Kung Anu-anong Itinitinda ng Batang Ito sa Eskwela Kaya Lagi Siyang Tinutukso; Sa Araw ng Reunion ay Nganga Silang Lahat

Kung Anu-anong Itinitinda ng Batang Ito sa Eskwela Kaya Lagi Siyang Tinutukso; Sa Araw ng Reunion ay Nganga Silang Lahat

“Oh, ang dami mo namang dala-dala, ano iyang mga iyan?” tanong ni Mang Cardo sa anak na si Jericho na noon ay may dalang isa pang bag na punong-puno ng kung ano-anong school supplies.

“Ay naku iyang anak mo nag-mana talaga sa’yo at negosyante kung mag-isip. Nagrereklamo kahapon na puro hingi raw sa kaniya ang mga kaklase, kaya ngayon ay magtitinda na lang daw siya roon,” natawa naman ang mag-asawa sa anak na noon ay nasa sampung taong gulang pa lang.

“Aba, galingan mo anak! Suportado kita riyan,” natutuwang sabi ng ama. Masayang nagpaalam naman si Jericho at pumasok na sa eskwela.

“Hoy Jericho pahiram naman ako ng lapis!” sabi ng isang kaklase niya sa kaniya isang araw sa paaralan.

“Dino, ilang lapis ko na ang hiniram at nawala mo ah. Kung gusto mo, bumili ka na lang, nagtitinda na ko ngayon,” sabi ni Jericho sabay bukas ng kaniyang bag na puno ng lapis, papel, pambura, may ilang uri rin ng candy pati biscuit. Nang makita iyon ng mga kaklase ay nagsilapitan ang mga ito. Marami ang natuwa at bumili kaagad kay Jericho. Ngunit marami rin ang nadismaya dahil hindi na sila makakahingi o makakahiram nang libre kay Jericho.

“Ano ba yan Jericho! Napakadamot mo naman! At saka ano ka ba? Tindero? Yuck, nag-aral ka pa ‘no eh tindero ka lang naman pala!” anito, tawanan naman ang ilang pilyong batang nakarinig sa sinabi ni Dino. Imbes na gantihan ang mga ito ay tumahimik na lang si Jericho. Gusto niyang magtinda para makatulong sa ina na namamahala ng kanilang munting grocery store. Lagi na lang kasi siyang kumukuha sa tindahan nila dahil nga parating nawawala ng mga kaklase niya ang gamit niya. Tila ba kasama na rin ito sa budget ng ina niya, kahit ‘di nagrereklamo ito, ‘di siya papayag ‘no! Lalo na nga’t nakikita niya araw-araw na pagoda ng mga magulang niya kakatrabaho para sa kaniya.

Pag-uwi nang hapong iyon ay mas magaang na ang bitbit na bag ni Jericho. Naibenta niya kasi karamihan sa kaniyang tinda, sapagkat pati sa kabilang section ay naisipan niyang mag-alok.

“Aba! Mukhang ayos ang business natin ngayon ah!” bati ng amang si Cardo sa anak nang maabutang nagbibilang ito ng mga barya sa sala. Nagulat naman ang lalaki nang bigla siyang tanungin ng anak tungkol sa pautang at porsyento. Ilang malakas na tawa ang maririnig sa sala. Tuloy-tuloy lang sa munting business niya si Jericho. Sa grocery nila siya bumibili ng paninda saka ibinebenta sa paaralan nila. Tuwang-tuwa siya dahil makakaipon na siya pangregalo sa anniversary ng kaniyang mga magulang. Ilang daang piso na lang ang kulang!

Sa kabilang banda, tuloy pa rin ang panunukso ng kaniyang mga kaklase. Paminsan nga ay pinapahiya pa siya, gusto man niyang gumanti ay ayaw niyang bigyan ng sakit ng ulo ang mga magulang niya. Kapag nabilhan niya na ng regalo ang mga ito ay baka itigil niya na rin ang pagtitinda.

Isang araw na pauwi na si Jericho, naabutan niya ang grupo nina Dino at hinarang siya sa daan. Nanghihingi ang mga ito ng paninda niya. At nang hindi siya pumayag ay akmang sasaktan siya ng mga ito. Mabuti na lang at isang lalaki ang sumaway sa mga ito. Nagsipulasan ito ng takbo dahilan para tumilapon ang laman ng bag niya at matapak-tapakan ang kaniyang mga paninda. Iyak nang iyak si Jericho pag-uwi dahil sa mga nasirang paninda.

Maraming taon ang nakalipas, magkikita-kita ang kanilang batch para sa isang reunion. Kaniya-kaniyang payabangan na ang magkakaklase sa kanilang mga naabot sa buhay. Naroon din si Dino at mga tropa nito. Si Dino ay isang manager na sa isang food corporation.

“Mahirap sa business na pinasok ko pero big time ang kompanya ko!” pagmamayabang ni Dino. Hangang-hanga naman ang mga dating kaklase nito.

“Dati tinutukso-tukso mo pa si Jericho dahil nagtitinda, tapos diyan ka rin pala mapupunta,” sabi ni Alvin na dating isa rin sa mga kasama ni Dino na nang-aasar kay Jericho.

Tawanan naman ang mga nasa lamesa pagkarinig sa komentong iyon. Namumula ang mukhang wala na lang nasabi si Dino. Ngayong nabanggit ang pangalan ng kanilang kakaibang kaklase noon na si Jericho ay napuno ng antisipasyon ang lahat na makita kung kumusta na kaya ito ngayon.

Sakto naman ang pagdating nito. Nakasuot ito ng simpleng polo at maong. Bago pa ito mausisa ng magkakaklase ay sakto na napalingon ang lahat ng sa stage. Umakyat ang kanilang class president at nagbigay ng maikling speech.

“Hindi magiging possible ang ating pagdiriwang kung hindi dahil sa suporta ng JC Food Corporation, palapakan natin sila!” sabi nito. Mula sa lamesa nila Dino ay pinagmalaki ni Dino na siya ang manager doon. Sa isip-isip niya ay hindi naman siya nagbigay ng extrang tulong sa selebrasyon, pero ‘di bale na, mahalaga ay napakita niyang successful siya. Napangisi siya nang makita ang suot ni Jericho na simpleng damit lamang. Ha! Kayabang nito dati, ano ito ngayon?

“Sa katunayan niyan, ka-batch pala natin ang nagpatayo ng pinakasuccessful na food corporation sa bansa, pasalamatan natin si Mr. Jericho Malnegro!”

Napatunganga si Dino sa narinig. Si Mr. Jericho pala ang boss niya sa kompanyang pinagtatrabahuhan at hindi niya man lang alam iyon! Tuwang-tuwa naman ang magkakaklase na malamang may classmate silang tunay na big time na ngayon. Nahihiyang nagbigay ng mensahe si Jericho at humingi ng pasensiya sa kaniyang suot.

Sa huli, palakpakan ang lahat dahil sa bilib dito. Noong mga bata sila ay kung ano-anong panunukso at pang-aasar ang inabot nito ngunit matibay ang loob nito at ipinagpatuloy ang nais gawin. At ngayon nga, nagtagumpay ito sa larangang pinili. Totoo talaga na hindi mahalaga ang sinasabi ng iba, kung wala ka namang naaapakang tao ay dapat ipagpatuloy mo ang iyong pangarap.

Advertisement