Mabilis na Kumalat ang Balitang Ikakasal na ang Babae sa Isang Hapon; Biyaya Pala Iyon Para sa Buong Isla

“Uy Irene! Naku, welcome back!!! Mukhang pumusyaw ka talaga simula noong pumunta ka sa Japan. Naku, ibang level ka na talaga!” tuwang-tuwang sabi ng kababata ni Irene na si Jobelle.

“Naku, oh eto ang pasalubong mo! Alam ko naman ‘yan ang pakay mo dito eh!” ganting biro naman ni Irene saka niyakap ang kaibigan. Namiss niya ang mga ito! Matapos ang limang taong pamamalagi sa Japan ay nakauwi siya muli sa kanilang maliit na isla. Nagtrabaho siya bilang translator doon at sinuwerteng nakaipon. Ngayon ay bumalik siya sa Pilipinas para magpakasal.

“At talagang ‘di lang pasalubong ang baon mo ha, may nabitbit ka pang gwapong Hapon!” Tilian naman ng mga magkukumareng naghahabi ng mga basket na kapitbahay nila Irene. Nahihiyang napalingon naman si Irene sa nobyong Hapon na si Shin na gayun din ay ngingiti-ngiti lamang.

Nakilala niya ito dahil nakasama niya ito sa isang TV project kung saan siya nagtranslate, habang ito naman ang photographer. Kahit pa magkaibang lahi ay talaga namang nagkasundo sila, at matagal na nanligaw si Shin. Bago siya umuwi ng Pilipinas ay nagpropose na ito at um-oo na siya. Gusto niya ngang magpakasal na sa Japan ngunit pinilit nito na gusto nitong makasama rin daw ang pamilya niya sa Pilipinas.

“Ah thank you, thank you,” iyon lang ang nasasabi ni Shin kapag naririnig ang salitang “gwapo”. Naiintindihan kasi nito iyon, at talaga namang may angking kakisigan ang binata.

Ngunit hindi tulad ng lahat sa isla na tila suportadong-suportado ang tambalang Irene at Shin, ang ama mismo ng dalaga ang tila umaayaw dito. Pagdating pa lamang nila ay ipinakita na nito ang disgusto sa binata.

“Maraming binata dito sa isla ang nais hingin ang kamay mo! Mga lalaking tiyak akong napagkakatiwalaan at nakaiintindi ng ating pamumuhay! Bakit sa ibang lahi ka pa titingin?” sabi ni Mang Iko. Masyadong konserbatibo ang matanda at ayaw na mahaluan daw ng “ibang dugo” ang kanilang angkan.

Dati na ring may hinanakit si Irene sa ama, at noon pa man ay isa iyon sa mga dahilan kung bakit niya napiling lisanin ang isla. Kung hindi dahil kay Shin na pinipilit siyang makipag-ayos sa ama, ay hindi siya titira muli sa kanilang isla.

Advertisement

Si Shin naman ay ramdam ang lamig ng pakitungo ng ama ni Irene. Ngunit imbis na ilayo ang sarili ay gumawa siya ng hakbang upang maipakitang mapagkakatiwalaan siya nito. Sumasama-sama si Shin sa pangingisda ng mga binata doon. Naroon siya upang kumuha ng litrato. Pati sa paghahabi ng mga matatanda malapit sa dalampasigan ay kinukuhanan niya ng litrato. Gayundin ang mga magagandang tanawin at mga taong naroon. Tuwang-tuwa naman ang buong barangay sa binayang hapon na walang ginawa kung hindi kuhanan sila ng litrato.

Akala din ni Irene ay ginagawa iyon ng nobyo para makipagkilala sa mga tao ngunit mas malalim pa pala ang dahilan nito. Nagulat na lamang sila sa pagdami ng bumibisita sa kanilang isla para bumili ng kanilang produkto. Dati-rati ay binabarat ang mga hinabing basket, pati mga isda, at kailangan pa itong ilako ng isang buong maghapon sa syudad para maibenta. Umuuwing lugi ang mga taga-isla dahil ayaw naman nilang mabulok o mabinbin lang ang paninda kaya pinipili na lang ibenta iyon sa mas murang halaga.

Doon lang nalaman ng lahat na si Shin pala ang may kagagawan ng lahat! Ang mga magagandang litrato ng isla, ng nga tao, ng ma paninda, ay inilagay nito sa isang website sa internet para mas makita ng tao. Kaya pala maghapon itong nagpapagod at minsan inaabot ng madaling araw sa pag-aayos ng website. Hindi birong sakripisyo din ang ibinigay nito,

Simula noon ay maraming tao na naghahanap ng suppliers ang nagkainterest at bumisita sa isla. Nang makitang totoong maganda ito tulad ng nasa litrato ay ang mga ito na ang lumapit sa mga tindero at tindera at bumili doon ng pagkarami-raming produkto. Tuwang-tuwa ang mga tao sa malaking pagbabagong ito. Bukod sa nabebenta na ang kanilang paninda ay tipid pa iyon sa pagod at hirap.

Lubos-lubos ang pasasalamat ni Irene kay Shin nang makita ang mga ginagawa nito para lang mapasaya siya. Sinabi naman ni Shin na ginagawa niyo iyon upang kahit papaano ay makatulong sa ibang tao na mahalaga rin kay Irene. Hindi nila akalain na ang magandang gawa pala ni Shin na iyon ang susing magbubukas din sa puso ni Mang Iko.

“Irene, ikaw na ang bahalang magpaintindi sa kaniya ng mensahe ko. Shin, maraming salamat sa ginawa mo para sa aming buong barangay. Patawad din kung naging malamig ang pakikitungo ko sa iyo, gayong napakabuti mo palang tao. Sana ay maging masaya ang pagsasama ninyo ng anak ko.” Iyon lang at kinamayan ni Mang Iko si Shin. Nang itranslate ni Irene ang mensahe ng ama ay todo yuko at pasalamat si Shin kay Mang Iko. Tuluyan na ring nagka-ayos ang mag-ama. Tunay nga na ang pag-ibig ay malakas na pwersang kayang tibagin kahit anong pader man ng pagkakaiba ng lahi, klase ng pamumuhay, at lenggwahe ang nakapagitan.

Nang buwan ding iyon ay ikinasal na nga si Irene at Shin. Buong isla ay ipinagdiwang ang kanilang pag-iibigan. Dumagsa ang turista at mas umunlad din at mas sumaya ang buhay ng mga taga-isla. ‘Di nila akalain na pati sila pala ay maaambunan ng biyaya sa pag-iisang dibdib ng dalawa.