Misteryo sa Baryo Kung Sino ang Good Samaritan na Tumutupad sa Kanilang mga Kahilingan; Makilala Kaya Nila Ito?

“Ang huling caller natin para sa gabing ito mga kabaryo ay si Mylene, hello Mylene? Anong iyong problema at paano ka namin mapapayuhan?” swabeng sabi ni DJ Jojo bago isalang sa ere ang tawag. DJ si Jojo sa nag-iisang istasyon ng radyo sa kanilang maliit na baryo, ang Baryo Sinag.

“Hello, DJ Jojo? Gusto ko po sanang humingi ng tulong. Mayroon kasi akong kaibigan at may malaking halagang utang siya sa akin. Okay lang naman sa akin, DJ Jojo, lalo na’t malapit kaming dalawa at maayos naman ang trabaho ng aking mister. Alam niyo naman po na nalulugi na ang mga palayan dito sa baryo at ginigipit pa dahil sa mga ipinapatayong mga subdivisions kaya ang kaibigan ko at pamilya niya ay apektado talaga. Dahil doon, hindi po siya nakakabayad agad sa akin. Ano po kayang mapapayo niyo para matulungan ko ang kaibigan ko sa paraang hindi naman ang pamilya ko ang magigipit? Lalo po ngayong may sakit din ang isa kong anak?

“Naku Mylene, hanga ako sa’yo, at alam kong ang mga tagapakinig din natin. Kapag mga usapang ganiyan ay mahirap talagang magsalita ano? Pero bilang tayo ay nasa maliit na baryo lamang at talagang magkakaibigan, ang maipapayo ko ay maging wais tayo, ngunit dapat mas lamang ang ating pagnanais na makatulong sa iba,” sabi ni DJ Jojo.

Maraming problema ang nadidinig at napapayuhan sa programa kaya’t halos buong baryo ay nakikinig doon. Ngunit isang araw, napansin ni DJ Jojo na sa mga nakaraang buwan ay maraming nagpapadala ng sulat sa kaniya na nagpapasalamat dahil naresolba daw ang problema ng mga ito.

“Mga kabaryo, mukha po yatang mayroong mabuting Samaritan dito sa ating lugar. Natanggap ko po ang inyong mga mensahe ng pasasalamat, maraming tulong daw ang dumating sa inyo matapos ihayag dito sa programa natin ang inyong mga problema. Kabilang na po doon ang mga regalo at pinansiyal na tulong na misteryosong natanggap ng marami sa inyo bilang sagot sa inyong mga problema. Kung sino ka man po, maraming salamat sa pagtulong mo sa aming baryo,” sabi ni DJ Jojo na manghang-mangha pa rin sa mga nangyayari.

Nagpatuloy pa ang pagpapadala ng tulong ng misteryosong tao. Halimbawa, si Mylene na nakatanggap ng pampagamot ng anak nito. Nabalitaan din nilang hindi na matutuloy ang subdivision na ipapatayo sa kanilang baryo, mas panatag na ang mga magsasaka. Lahat ng mga isyung ito ay nasolusyunan dahil sa isang misteryosong tao.

Sa programa ni DJ Jojo, ipinahayag ni Kapitan Dino ang kaniyang pasasalamat sa taong ito na tumutulong sa kanilang baryo. Ang mga tao ay nagpasyang gusto nilang magpasalamat sa taong iyon at sinubukang tuntunin ang tunay na identidad nito. Ngunit sadyang magaling magtago ang taong ito. Matapos magpadala ng mga tulong ay walang naiiwang impormasyon tungkol dito.

Nagpasya ang buong baryo na maghanda ng surpresa para sa misteryosong “Good Samaritan” bilang pasasalamat dito. Naisip nilang wala silang materyal na bagay na maisusukli dito. Kaya’t naisip nila na bigyan na lang ito ng isang magandang botelya na may mga disenyo. Ang ilalagay nila sa loob ay mga nakaatuping papel kung saan nandoon ang mga mensahe ng kanilang pasasalamat dito. Iniwan nga nila ang espesyal na botelya sa plaza ng baryo, at saka inanunsyo sa radyo ang kanilang surpresa.

Advertisement

Marami ang nagtangka na hulihin sa aktong pagkuha ng kaniyang regalo ang misteryosong tao. Ngunit ilang araw na ang lumipas ay wala pa ring kumukuha noon. Tatlong araw ang makalipas ay doon lang nawala na ang munting regalo at nasa pwesto noon ang isang nakatuping papel. Walang nakakita sa kanilang kung sino ang Good Samaritan.

Nang gabi ring iyon, nagdiriwang ang Baryo Sinag dahil naging masagana ang kanilang ani, at isa pa ay mas naging maunlad at masaya ang kanilang simpleng pamumuhay. Sa harap ng buong barangay ay binasa ni DJ Jojo ang mensaheng iniwan ng misteryosong good Samaritan.

“Para sa Baryo Sinag. Maraming salamat sa regalong inyong inihanda para sa akin. Tunay na natutuwa akong gumawa nang mabuti kahit na walang kapalit, ngunit masaya ang aking puso na mabasa ang inyong mga mensahe para sa akin. Malaki ang pasasalamat ko sa baryong ito kung saan ako nagmula, kaya’t bilang ganti ay ginagawa ko ang lahat upang makatulong din sa inyo. Hiling ko sana na huwag na ninyo akong hanapin. Ngunit kung nais niyo talagang masuklian ang mga nagawang tulong, nais ko sana ay mas buhayin niyo ang kultura ng pagbabayanihan at pagbibigayan sa isa’t isa. Iyon lang ay sapat nang ganti para sakin. At alam ko na dahil sa pagbibigayang iyan, tiyak na mas magiging maliwanag pa ang ating baryo,” basa ni DJ Jojo.

Lahat ng nakarinig ay naantig ang puso sa sulat na iyon. Dala ng pasasalamat ay isinapuso nila ang kahilingan ng misteryosong tao. At tunay nga, mas nagliwag pa ang Baryo Sinag, dahil ang halos lahat ng tao ay naging good samaritan din sa kanilang kapwa at ginawang inspirasyon ang mga kawanggawa ng misteryosong Good Samaritan.