Pinabuksan Niya sa Pinaghihinalaang Pekeng Albularyo ang Kaniyang Ikatlong Mata Upang Patunayang Hindi Ito Totoong Manggagamot; Pagsisisihan Niya Ito sa Huli!

“O, pare, bakit napadalaw ka?” tanong ni Jojo nang mabungaran niya ang kaibigang si Lemuel pagbukas niya ng pintuan.

“Aayain sana kitang uminom, e, p’wede ka ba, pare?” tugon naman ni Lemuel na agad namang pinaunlakan ni Jojo.

“Mukhang may problema ka, a,” komento niya pa habang inihahanda niya sa mesita ang bote ng alak, pulutan at tagayang gagamitin nila ng kaibigan.

“Tama ka, pare… may problema nga ako, malaki.”

Napakunot naman ang noo ni Jojo sa tinuran ng kaibigan. Seryosong-seryoso kasi ito sa sinasabi.

“Si misis… tama ang hinala kong may ibang lalaki nga siya. Nagpahula kasi ako sa isang kilala at dinarayong albularyo sa amin at kinumpirma niyang may kalaguyo nga ang asawa ko. Ang sabi pa niya, malapit daw sa akin ang taong tumatraydor sa akin,” dagdag pa ni Lemuel bago nito inisang lagok ang alak nito sa tagayan.

Halos masamid naman si Jojo sa kaniyang narinig. “Albularyo, pare? Ba’t nagpapapaniwala ka sa mga gan’on?” kunwari’y natatawa niyang tanong bago siya sumubo ng pulutan.

“Lehitimo naman ang albularyong ’yon, pare. Gaya ng sinabi ko, sikat at dinarayo siya sa lugar namin dahil marami na rin siyang natulungan. Alam mo bang pati ang pagbubukas at pagsasarado ng third eye o ika’tlong mata ay maning-mani lang sa kaniya? Kaya naniniwala talaga ako sa sinasabi niya,” giit pa ni Lemuel na agad na nagpailing kay Jojo.

Advertisement

“Pare, hahayaan mong magkasira kayo ng asawa mo dahil lang sa sinabi ng isang pekeng albularyo? Ano ka ba, pare! Nasa modernong panahon na tayo pagkatapos ay nagpapapaniwala ka pa sa ganiyan!” Pilit pa ring kinokontra ni Jojo ang para sa kaniya’y baluktot na paniniwala ni Lemuel. Nagtagal pa ang diskusyon nila tungkol doon hanggang sa humantong na sa paghahamon ang kanilang usapan.

“Sige, pare, ganito na lang… ngayon mismo, samahan mo ako sa albularyong ’yan at pabubuksan ko ang aking third eye para patunayan ko sa ’yo na hindi totoo ’yang albularyong ’yan. Namemera lang ’yan!” ani Jojo. “Kapag napatunayan ko ’yon, titigilan mo na ang paghihinala sa asawa mo,” dagdag pa niya sa mabulol-bulol na tono dahil medyo tinatamaan na rin siya ng alak.

Noong una ay ayaw pang pumayag ni Lemuel sa kaniyang plano ngunit kalaunan ay tumalima na ring samahan siya papunta sa albularyong si Mang Ponse.

“Sigurado ka ba sa gusto mong mangyari, lalaki?” tanong ng matandang albularyo noon kay Jojo na mayabang at taas noo pang sumagot ng “Oho! Siguradong-sigurado!”

Dahil doon ay agad na isinagawa ni Mang Ponse ang ritwal upang mangyari ang kaniyang kagustuhan.

“Kita mo, pare? Wala namang nangyari sa akin, hindi ba? Wala namang nagbago. Hindi ako nakakakita ng multo o engkanto katulad ng sinasabi ng pekeng albularyong ’yon! Kaya kalimutan mo na ’yang hinala mo sa asawa mo.” muli ay pagmamalaki pa ni Jojo sa kaibigang si Lemuel na ang tanging naging tugon lamang sa kaniya ay isang kibit-balikat bago ito nagpaalam na uuwi na sa kanila.

Nang mag-isa na si Jojo, hindi niya maintindihan pero tila bigla siyang nakaramdam ng kakaiba sa kaniyang sarili. Para bang bigla siyang kinilabutan habang naglalakad pauwi sa kaniyang bahay. May naaaninag din siyang mga bagay na kanina’y wala naman noong kasama niya pa si Lemuel!

Pagpasok niya ng bahay ay balisang-balisa na siya dahil lalong nag-iiba ang kaniyang pakiramdam. Ngayon ay hindi na lang siya nakakikita ng tila malalabong imahe ng anino ng mga tao. Nakadirinig na rin siya ng mga bulong na tila gumagambala sa kaniyang isipan!

Advertisement

“Aminin mo! Ikaw ang kalaguyo ng asawa ni Lemuel! Aminin mo, Jojo!” paulit-ulit na anang isa sa mga tinig na naririnig niya sa kaniyang utak. Tinakpan niya ang magkabila niyang tainga ngunit wala iyong naging epekto dahil tila nasa loob ng isip niya ang mga nagsasalita.

Ngunit totoo ang sinasabi n’yon. Totoong siya ang kalaguyo ng asawa ni Lemuel kaya pinilit niyang huwag nitong paniwalaan ang sinasabi ng albularyo! Ayaw niyang mabuko sila ng kaibigan dahil ang ama nito ay isang magaling na abugado at sigurado siyang ipakukulong sila nito!

Ngunit palala nang palala ang mga nararanasan ni Jojo habang tumatagal. Malaki na ang kaniyang ipinayat. Hindi na rin siya nakakapasok sa trabaho dahil araw-gabi ay nakakakita at kinakausap siya ng hindi niya maipaliwanag na nilalang.

Nalaman ni Lemuel ang totoo. Galit na galit ito at tulad ng kaniyang hinala ay agad itong nagsampa ng kaso at nakipaghiwalay sa asawa nito! Kalaunan ay nakulong ang asawa nito. Si Jojo ay nakulong din ngunit hindi sa kulungan ng mga kriminal, kundi sa kulungan ng mga baliw… dahil napagkamalan siyang may sira sa ulo nang ipagsigawan niyang nakakakita siya ng mga multo!