
Naging Takbuhan Siya ng Kaniyang mga Kaibigan Tuwing Magkakatampuhan ang mga Ito; Sa Huli ay Nadamay Siya sa Kanilang Bangayan!
“Magkaaway na naman kayo?!”
Nasapo ni Gema ang kaniyang sariling noo nang marinig ang muli na namang pagrereklamo ng kaibigang si Liana tungkol sa ugali, ’di umano, ng isa pa nilang kaibigang kasama nito sa trabaho. Si Kath.
“E, papaano ba namang hindi kami mag-aaway? Napakapabida ng kaibigan mong ’yan! Palagi na lang siyang napupuri ng boss namin dahil palagi niya rin akong inaagawan ng trabaho! Sipsip!” Bakas ang inis sa tinig ni Liana habang nagsasalita.
“Naku naman, Liana, hindi ka na ba nasanay? E, highschool pa lang naman tayo, talagang competitive na ’yang si Kath!” pangangaral naman niya sa kaibigan, pero mukhang wala naman itong balak makinig sa kaniya dahil patuloy pa rin ito sa pagra-rant. Inabot na lamang sila ng gabi sa karereklamo nito ngunit ayaw pa rin nitong tumahimik! Mabuti na lamang at mukhang nahiya rin naman si Liana nang mapagtanto nitong alas diyes na nang gabi at inaantok na si Gema. Mabuti na lamang at kinabukasan ay day off na niya…
Ngunit mali ang akala ni Gema na ngayong araw ay makapagpapahinga siya. Bago pa lamang yata sumisilay ang haring araw pero nagising na siya mula sa ilang sunod-sunod na katok sa kaniyang pintuan.
“O, K-Kath, bakit ang aga mo?” Gustong mapangiwi ni Gema nang mabungaran ang isa pang kaibigan nang araw na iyon.
“Nabalitaan ko, galing daw dito si Liana kahapon?” seryosong tugon nito na hindi man lamang pinansin ang tanong niya.
“Oo, nga. Halika’t pumasok ka.” Wala nang nagawa si Gema kundi ang patuluyin ang kaibigan. Ayaw naman niyang isipin nito na may kinakampihan siya sa kanilang dalawa dahil pareho naman silang mahalaga para sa kaniya.
“Pumunta ako rito para marinig mo ang side ko, Gema. Sigurado kasing masama na naman ako sa kuwento ni Liana!” Mababakas niya ang galit sa tono ni Kath pero hindi alam ni Gema kung paano magre-react dahil ang utak niya ay nasa pagtulog pa rin.
“Napakainggitera talaga n’yang si Liana, e! Kasalanan ko bang tamad siya at mabagal kumilos kaya siya nasisita ng boss namin? Gosh! Siya na nga itong tinutulungan ko, siya pa itong galit!” pag-uumpisa ni Kath.
“Hayaan mo na, Kath… alam mo namang noon pa, matampuhin na ’yang si Liana, e. Intindihin na lang natin,” aniya. Nakatalikod siya sa kaibigan dahil nagtitimpla siya ng kape para sa kanilang dalawa. Tulad ni Liana ay wala rin itong balak na makinig sa kaniya at patuloy lamang na nagsalita laban kay Liana.
“Gusto niya pala ng gawain? Edi pagbibigyan ko siya! Hayun, nag-file ako ng leave ngayong araw. Solohin niya lahat ng trabaho sa opisina ngayon!” maya-maya ay biglang sabi pa ni Kath at napailing na lamang si Gema.
Mabuti na lang at umalis din agad si Kath sa kaniyang bahay dahil anito’y magliliwaliw daw ito at magmo-mall. Inabala naman ni Gema ang sarili sa buong araw na pagtulog. Sanay na siya na palaging nag-aaway ang dalawang kaibigan niyang ito kaya hindi na niya iyon masiyadong pinu-problema… ngunit ganoon na lang ang kaniyang gulat nang siya ay magising na punong-puno na ng notification ang kaniyang cellphone!
“Bakit ayaw mong mag-reply? Siguro mas kampi ka kay Kath, ano!” ani Liana sa isa sa mga chat nito sa kaniya.
“Magsama kayo ng bestfriend mong si Liana! Sigurado akong kinakampihan mo siya kaya ayaw mong mag-reply sa akin!” sabi naman ni Kath kay Gema.
Nasapo ni Gema ang kaniyang noo dahil sa stress na idinudulot sa kaniya ng dalawang babaeng ito! Biglang nag-init ang ulo niya. Kung dati ay palagi siyang gumagawa ng paraan para ayusin ang gusot sa pagitan ng mga ito, ngayon ay wala na siyang pakialam!
Gumawa siya ng isang group chat na silang tatlo lang ang kasali. Doon ay sinabi niya ang kaniyang hinanakit.
“Mga lintik kayong dalawa! Nakatulog lang ako maghapon, paggising ko, ako na ang inaaway ninyo?! Kung mag-aaway kayo, huwag na ninyo akong idamay! Napaka-toxic n’yo! Mga isip bata! Ayusin n’yo mag-isa n’yo ang gusot n’yong ’to at huwag na ninyo akong kakausapin kung hindi ninyo magagawa ’yon!” Pinindot niya ang send button bago niya i-b-in-lock ang mga ito.
Inis na inis si Gema nang gabing iyon at talagang tiniis niya ang dalawang kaibigan. Kinabukasan, nagulat na lamang si Gema nang siya’y magising muli sa mga katok… at nang buksan niya ang pintuan ay bumungad sa kaniya ang dalawang kaibigan na parehong hawak ang isang cake na may nakasulat na “sorry” sa ibabaw nito. Napangiti na lang si Gema bago niyakap ang dalawa.

Laking Panghihinayang ng Babae nang Malamang Mayaman na Ngayon ang Binasted Niyang Manliligaw Noon; Ngayon ay Pinagsisisihan Niya Iyon!
