Laking Panghihinayang ng Babae nang Malamang Mayaman na Ngayon ang Binasted Niyang Manliligaw Noon; Ngayon ay Pinagsisisihan Niya Iyon!

Pagod na napasalampak na lamang si Sarah sa kawayang sofa nang siya ay makauwi na sa kanilang tahanan mula sa maghapong paghahanap niya ng trabaho. Halata ang pagod sa kaniyang mukha. Bukod doon ay nakadarama rin siya ng pagkirot ng mga balakang, hita, binti at talampakan dahil sa paglalakad-lakad niya sa kalagitnaan pa ng initan kanina.

“Kumusta ang pag-a-apply, anak?” puno ng simpatiyang anang kaniyang ina habang naglalapag ito ng malamig na tubig na maiinom sa kaniyang harapan.

“Ganoon pa rin, ’nay, e. Napakahirap maghanap ng trabaho ngayon,” sagot naman niya bago inabot ang naturang baso ng malamig na tubig at inisang lagok iyon.

“Anak, subukan mo roon sa bagong bukas na pabrika ng branded na sapatos diyan sa may bayan. Tumatanggap daw sila ng mga highschool graduate doon.”

Agad na tinanguan ni Sarah ang suhestiyon ng kaniyang ina bago siya nagpaalam dito na aalis na aakyat na sa kaniyang kwarto upang magpahinga. Ni wala na siyang ganang maghapunan pa sapagkat gusto na lamang niyang matulog nang mahimbing ngayong gabi.

Kinabukasan ay panibagong sabak na naman sa pag-a-apply si Sarah. Sinunod niya nga ang payo ng ina na mag-apply sa isang bagong bukas na pabrika sa kanilang bayan na napag-alaman niyang third branch na pala ng isang sikat at malaking brand ng mga sapatos!

“Grabe, ang yaman siguro ng may-ari ng pabrikang ’to!” nasabi ni Sarah sa kaniyang sarili. Pinaglibot niya ang kaniyang mga mata sa kabuuan ng kaniyang pinag-a-apply-ang kompanya at namangha siya sa laki at ganda ng disenyo roon. Nasa ganoon siyang tagpo nang biglang may mahagip na tao ang kaniyang mga mata…

“Robert?” sambit niya sa pangalan ng binatang kaniyang namumukhaan. Nakasuot ito ng pormal ngunit eleganteng damit na kamangha-mangha dahil hindi naman ito ganoon nang sila ay magkakilala!

Advertisement

Si Robert na dati niyang manliligaw. Noon ay isa ito sa pinakamasugid na manliligaw ni Sarah ngunit nagawa niya itong tanggihan dahil tingin niya ay wala naman itong sinabi sa buhay. Bagama’t nanghihinayang siya noon dahil kahit papaano ay may nararamdaman na siya sa binata, pinili na lamang niyang magpakapraktikal dahil gusto niyang iahon sa hirap ang kaniyang mga magulang.

“Kilala mo?” biglang naitanong ng kapwa aplikanteng katabi ni Sarah sa kaniya.

“Oo… dati ko siyang schoolmate,” sagot niya naman.

“Hindi nga? Alam mo bang siya ang may-ari ng kompanyang pinag-a-apply-an natin ngayon?”

Nanlaki ang mga mata ni Sarah sa narinig. “T-talaga?” naitanong niya pa na agad namang kinumpirma nito ng isang tango.

Dahil doon ay walang pag-aatubiling tinawag ni Sarah si Robert na agad naman siyang nilingon… “Sarah?” sambit nito sa kaniyang pangalan.

Nagkakuwentuhan ang dalawang dating magkakilala. Masaya silang makita ang isa’t isa. Tinanong ni Robert ang dahilan ng pagpunta ni Sarah sa kompanya nito at agad namang sinabi ni Sarah ang dahilan.

“Huwag mo nang problemahin pa ang pag-a-apply mo, Sarah. You’re hired,” nakangiting anito sa kaniya na nakapagpaantig naman sa puso ng dalaga. Sa kabila kasi ng ginawa niyang pangre-reject dito noon ay napakabait pa rin ng trato nito sa kaniya ngayon na siya namang naging dahilan upang makadama siya ng pagsisisi at panghihinayang sa nagawa niyang panghuhusga rito noon.

Advertisement

Hindi nagtagal ay naging empleyado na nga si Sarah sa kompanya ni Robert. Upang makabawi sa kabutihan ng binata ay pinagbuti naman ni Sarah ang kaniyang pagtatrabaho at naging mabuti siyang empleyado roon. Ikinatuwa naman ni Robert ang ipinapakitang sipag at determinasyon kay Sarah kaya naman madalas niya itong obserbahan katulad ng ginagawa niya noong sila ay high school pa lamang.

Hindi inaasahan ng dalawa na dahil sa pagiging malapit nila ay muling magbabalik sa kanilang puso ang damdaming tila matagal na panahon ding nahimlay nang hindi sila nagkikita. Noong una ay pareho pa silang in denial. Itinatanggi nila ang kanilang damdamin sa isa’t isa ngunit kalaunan ay nagkaroon din sila ng pagkakataong aminin iyon.

Wala nang pinalampas napagkakataon si Robert at agad niyang niligawang muli si Sarah… na sa pagkakataong ito ay malugod nang pinaunlakan at tinugon ang damdamin ni Robert. Kalaunan ay opisyal na nga ang naging relasyon ng dalawa sa isa’t isa.

Naging napakasaya ni Sarah sa piling ni Robert. Nagsisisi tuloy siya na hindi pa niya ito noon sinagot. Nasayang tuloy ang mga panahong hindi sila magkasama. Inisip na lamang nila na iyon ay kasama sa plano ng panginoon.