Humangin ang Binatang Ito nang Magsimulang Magtagumpay ang Negosyo, Ospital ang Inabot Niya Rito

“Pare, ang sasarap ng mga kinakain mo ngayong buwan, ha? Palagi kong nakikita ang mga litrato ng pagkaing nilalagay mo sa social media, eh. Mapaumaga man o hatinggabi, natatakam ako sa mga kinakain mo!” bungad ni Anton sa kaniyang kaibigan nang makita niya itong nagkapila sa bangko upang magdeposito ng pera. 

“Aba siyempre naman! Aanuhin ko ang sandamakmak kong pera mula sa negosyo ko kung hindi ko pakakainin nang masasarap na pagkain ang sarili ko!” sagot ni Gilian saka bahagyang pinasipat sa kaibigan ang libo-libong perang lulan ng malaking bag na dala niya. 

“Ganiyan na ba talaga kalaki ang pera mo?” pang-uusisa nito dahil sa pagkagulat nang makita ang perang hawak niya sa ngayon. 

“Oo naman, ‘no! Kahit ‘yong mga mamahaling karne, malalaking hipon, alimasag o kahit ano pang mamahaling pagkain, kayang-kaya ko ‘yan agad bilhin!” dagdag niya pa dahilan upang labis itong humanga sa kaniya.

“Talaga? Kumain ka nga buong maghapon bukas ng puro lamang-dagat lang. Ano, kaya mo?” hamon nito sa kaniya na ikinatawa niya lamang. 

“Kahit sumama ka pa sa akin sa mga restawran na may ganoong paninda!” mayabang niyang tugon dito.

“Game ako riyan!” buong sayang sagot nito saka siya tinapik-tapik sa likuran.

May-ari ng isang coffee shop sa kanilang lugar ang binatang si Gilian. Dalawang buwan niya pa lang itong pinapalakad pero agad na niyang nabawi ang halos kalahating milyong pinuhunan niya rito.

Advertisement

Wais kasi siyang mag-isip at tikom pa sa pera dahilan upang ganoon niya na lang agad na mabawi ang perang inilabas niya para sa negosyo niyang ito.

Sa katunayan, kahit mga kapatid niya o kaniyang mga magulang, hindi nakatitikim ng libre sa kaniyang coffee shop. Iimbitahin niya mang magpunta ang mga ito, sisingilin niya pa rin ang mga ito sa mga pagkain at kapeng nakonsumo nila. 

Kaya lang, nang makuha na niya ang perang pinuhunan at makapag-ipon na rin hindi kalaunan, tila biglang nagbago ang pagtingin niya sa pera. Naging palagasta na siya at naging mahangin. Lagi niyang pinagyayabang ang perang mayroon siya at mga masasarap pagkaing kinakain niya sa buong araw sa kaniyang social media account.

“Mainggit kayo hanggang kaya niyo, hindi niyo ako maaabot!” sambit niya pa sa mga taong todo komento ng hindi magagandang salita sa post niya sa social media.

Upang huwag ding mapahiya, agad niyang tinanggap ang hamon ng isang kaibigan na kumain ng mga mamahaling laman dagat sa isang araw. Alam man niyang libo-libo ang maaari niyang magastos dito, hindi niya ito inalintana dahil panatag siyang marami pa siyang pera.

Kinabukasan, maaga silang nagkita ng kaniyang kaibigan sa isang mamahaling restawran sa loob ng isang sikat na hotel. Dahil nga maaga pa, wala pang mga hinahandang lamang dagat pero dahil nga hamon ito sa kaniya, nagpasadya pa siya ng mga putaheng may lamang-dagat sa mga kusinero roon para lang malagpasan niya ang hamon. 

Tuwang-tuwa ang kaniyang kaibigan nang makakita ng pagkalaki-laking hipon, alimasag, matatabang tahong at talaba na ikinatuwa niya rin kahit napakalaki ng kaniyang binayaran.

Bandang alas dose ng tanghali naman, niyaya ang kaibigan sa isang restawran sa Tagaytay. Nagpahanda naman siya rito ng sandamakmak na pusit, alimasag at hipon.

Advertisement

“Puwede ba tayong mag-karne? Nakakasawa ang mga lamang-dagat, eh,” tanong niya rito na agad na sinang-ayunan ng kaibigan dahilan upang magpahanda pa siya ng mga ribs, lechong baboy at pritong manok.

Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan na silang natapos sa pagkain dahilan upang siya’y magyaya nang pumunta sa naisip niyang susunod na destinasyon.

Ngunit pagkatayo niya, bigla na lang siyang nakaramdam ng pagkahilo na labis niyang ikinapagtaka.

“Te-teka, Anton, nahihilo ako! Hindi ako makahinga! Teka, ang sakit ng batok ko!” sigaw niya sa kaibigang natataranta na rin kung paano siya matutulungan.

Nagising na lang siyang nasa ospital na. Hindi pa man niya madilat ang mata dahil sa pagkahilo, naririnig niya ang mga sinasabi ng doktor sa kaniyang inang hawak-hawak ang kamay niya.

“Tumaas pong maigi ang dugo at kolesterol niya sa katawan kaya po nangyari sa kaniya ito, ma’am. Hinihiling po naming mamalagi muna siya rito sa ospital para mabantayan po natin ang kalagayan niya,” sambit nito na labis niyang ikinapag-alala. 

At dahil nga nasa kalagitnaan ng pandemya ang bansa, ang bill niya sa ospital sa loob ng isang linggong pamamalagi niya roon ay halos trumiple. Bukod pa ang sandamakmak na gamot na ipinapainom sa kaniya dahilan upang ganoon na lang maubos ang ipon niya sa bangko. 

Doon na niya muling naramdaman ang halaga ng bawat salapi niya lalo na ang kaniyang kalusugan.

Advertisement

“Walang ibang dapat sisisihin kung hindi ako. Kung hindi sana umiral ang pagkamayabang at waldas ko, e ‘di sana, may ipon pa rin ako,” iyak niya sa ina.