Maraming Nanghuhusga sa Dalaga Dahil sa Kaniyang Kapalpakan, Susuko na Lang Ba Siya Dahil Dito?

“Nasagap mo na rin ba ang bagong balita tungkol sa walang utak nating katrabahong si Jey?” sambit ni Hilda sa katrabaho matapos ibaba ang hawak niyang pagkain, isang hapon nang magpasiya silang mag-meryenda sa kantina.

“Aba, may bagong kapalpakan na naman ba siyang ginawa?” gulat na sagot ng kasama nito.

“Nakapagtataka pa ba iyon? Halos araw-araw, may panigurado kat*ngahang ginagawa ‘yon sa kumpanya natin!” galit na sambit pa nito saka kumagat nang malaki sa hawak na tinapay.

“O, ano namang ginawa niya ngayon?” pang-uusisa pa nito.

“Kinausap niya lang naman ng tagalog ang isang foreigner na kliyente natin sa telepono. Kaya ayon, hindi sila nagkaintindihan at umayaw ang kliyente sa alok ng kumpanya natin!” kwento niya pa na ikinabigla ng kaibigan dahilan upang mabitawan nito ang hawak na kutsara.

“Diyos ko, ayan na nga ang sinasabi ko, eh! Bakit ba kasi ayaw pang tanggalin ang bobita na ‘yan? Simpleng trabaho hindi magawa! Bakit hindi na lang siya pumasok bilang tagasandok ng lugaw sa kantin?” dagdag nito dahilan upang siya’y mapangisi.

“Pinagbibigyan lang ‘yan panigurado ni boss dahil bagong empleyado lang. Isang palya pa niyan, ako na ang mangungumbinsing tanggalin ‘yan! Pati trabaho natin, naaapektuhan. Tengga tuloy tayo ngayon!” tugon niya na ikinakaba naman ng dalagang si Jey na nasa kabilang lamesa lamang.

Ilan lang ang usapang ito sa mga masasakit na usapang hindi sadyang naririnig ng dalagang si Jey tungkol sa kaniya.

Advertisement

Isa siya sa mga bagong empleyadong tinanggap ng kumpanyang ito kahit na hindi siya nakapagtapos ng kolehiyo at walang karanasan sa pagtatrabaho sa opisina.

Katulad ng ibang lumang empleyado sa kumpanyang ito, siya’y nagulat din sa desisyong ito ng kanilang boss. Nagbakasali lang kasi siya noong araw na ‘yon na baka siya’y nakalusot at makapasok sa dekalibreng kumpanyang ito dahilan upang ganoon na lang siya matuwa nang mabigyan siya nang pagkakataong makapagtrabaho rito at kumita ng perang sapat para sa kaniyang buong pamilya.

Ngunit dahil nga wala siyang karanasan sa mga gawaing kailangan niyang tugunan dito, katakot-takot na panghuhusga ang araw-araw niyang natatanggap mula sa kaniyang mga katrabaho na pawang mga propesyonal sa kani-kanilang larangan.

Lalo pa siyang namamaliit ng mga ito sa tuwing siya’y may maling nagagawa na nakaaapekto sa kanilang kumpanya dahilan kaya ganoon na lang siya manliit sa trabaho niyang ito.

“Kung nadidismaya kayo sa kapalpakan ko, mas nadidismaya ako sa sarili ko. Simpleng ingles lang at mga gawain dito, hindi ko magawa ng ayos!” iyak niya sa palikuran ng kanilang opisina matapos niyang marinig ang usapang iyon ng dalawang regular na empleyado sa kanilang kumpanya.

Pagkauwi niya, agad niyang inilabas ang sama ng loob sa ina. Niyakap siya nito at pingaralan, “Lahat naman ng bagay napag-aaralan, anak. Walang taong bigla na lang naging magaling sa isang larangan kaya dahan-dahanin mo ang sarili mo. Mahalin mo ang trabaho mo at huwag pakinggan ang mga panghuhusga, panigurado, magiging magaling ka rin katulad nila,” dahilan upang ganoon niya muli maibalik ang kagustuhang makapagtrabaho roon.

Sinunod nga niya ang payo ng ina. Pinag-aralan niya ang bawat sulok ng trabahong nakaatas sa kaniya. Nagbasa siya ng mga libro upang mahasa sa ingles, nanuod siya ng mga bidyo sa internet upang magamay ang paggamit ng kompyuter at higit sa lahat, tinakpan niya ang tainga mula sa mga mapanghusgang taong pilit siyang binaba.

Paulit-ulit niya iyong ginawa sa loob ng tatlong buwan at laking tuwa niya nang magamay niya nang maayos ang kaniyang trabaho na labis na ikinatuwa ng kanilang boss.

Advertisement

“Sabi ko na nga ba, may potensyal ka, Jey. Hindi ako nagkamali sa pagpili sa’yo. Marami ka mang kapalpakang nagawa noon, bawing-bawi naman sa dami ng kliyenteng nahikayat mong mag-invest sa kumpanya natin!” sambit ng kanilang boss sa kaniya sa harap ng maraming empleyado saka siya pinalakpakan.

Ito ang dahilan upang siya’y parangalan ng kanilang kumpanya bilang isa sa mga pinakamagaling na empleyado sa buong taon. Wika niya sa kaniyang talumpati, “Sa buhay natin dito sa mundong ibabaw, hindi kailangang magaling ka agad. Binuo tayo ng Panginoon na punong-puno ng mga kamalian upang tayo’y magpursigi sa buhay. Kaya kung nadidismaya ka sa mga kapalpakang ginagawa mo, bumangon ka at magpatuloy sa buhay!”

Dito na nagsimulang rumagasa ang biyayang dumadating sa kaniya na labis niyang ikinatuwa at ipinagpasalamat sa Poong Maykapal.