Naging Tagapagtanggol ng Ginang ang Kaniyang Mister Noon Pa Mang Sila ay Mga Bata Pa; Darating Ba ang Panahong Siya Naman ang Magtatanggol sa Lalaki?

Pinakatitigan ni Mariz ang kaniyang sariling repleksyon sa salamin. Sinuri ang kaniyang kaanyuan. Mahalaga ang araw na ito para sa kaniya. Mahalagang-mahalaga.

young asian female,portrait - serious asian lady stock pictures, royalty-free photos & images

Nagkakilala sila ni James noong sila ay elementarya pa lamang. Kapag may nanunukso sa kaniyang mga kaklase, si James ang tagapagtanggol niya. Handa itong makipagbaragan ng mukha. Lalo na kapag umiiyak na siya. Doon nila naramdamang gusto nila ang isa’t isa.

High school. Masasabing ultimate crush ng bayan si James. Bukod sa guwapo na, matalino pa. Hinahangaan at pinapangarap ng mga babae, iginagalang at iniidolo naman ng mga lalaki. Sikat siya dahil laging nakabandera ang mukha at pangalan niya sa tarpaulin sa loob man o labas ng kanilang paaralan. Lagi itong nananalo sa mga inter-school competition kung saan ito ang napipiling kinatawan.

Pakiramdam ni Mariz, siya na yata ang pinakamaganda at pinakamatalinong babae sa buong mundo nang maging kasintahan niya si James; salamat sa isang organisasyong pareho nilang nasalihan. Debate Society. Ilang mga pagkakataon na rin silang nagpingkian at nagtagisan ng talino at argumento, ngunit laging si James ang nagwawagi.

“Huwag kang mag-alala, iba naman ako sa pagiging nobyo. Hindi ako debater kapag kasama kita,” laging paliwanag ni James noong nagsisimula pa lamang sumibol ang kanilang relasyon. Na totoo naman. Hindi siya nito kinontra sa mga gusto at opinyon niya, kung wala naman sila sa debate. Oo lamang nang oo. Inalagaan siya. Parang isang tunay na reyna.

Hanggang sa magkolehiyo, pareho sila ng pamantasang pinasukan. Alam ng kani-kanilang mga partido ang kanilang relasyon. Malaki naman daw ang tiwala sa kanilang dalawa, at alam ng kani-kanilang mga magulang na hindi sila papasok sa isang bagay na alam nilang hindi pinag-isipan.

Kumuha ng Political Science si James habang siya naman ay Business Administration. Magkaibang-magkaiba ang linyang gusto nila. Hindi siya pinilit ni James na gayahin ang kursong kinuha nito. Binigyang-laya siya.

“May sarili kang pakpak, love. Ikampay mo ang mga bagwis mo sa direksyong gusto mo. Make me proud,” sabi nito noon.

Advertisement

Hindi nawalan ng oras si James sa kaniya kahit na grabe ang ginagawang pag-aaral nito, para makakuha ng mataas na marka. Ang totoo niyan, si James ang nagsilbing sandigan niya. Pakiramdam niya hindi niya kakayanin kung wala sa kaniyang tabi si James.

Kapag nakikita niya ang nobyo, pakiramdam niya, ang tapang-tapang na rin niya. Kaya na niyang harapin ang lahat ng unos. Matapang kasi talaga si James, hindi sa tapang na nakikipagbasag-ulo. Kaya nitong ipaglaban ang tama, lalo na kapag may naaagrabyadong iba. Kagaya na lamang kapag may mga matatandang hindi naeestima nang maayos sa isang establisyimiento, o isang nakitang estranghero na nagtapon lamang ng basura sa kalye, o sa hindi tamang lalagyan.

“Sa buhay love, dalawa lang ang uri ng tao: ang manindak o magpapasindak. Kapag alam mong nasa tama at katwiran ka, ipaglaban mo, sabi nga…”

Ganoon na lamang ang katuwaan ng kani-kanilang mga pamilya nang makapagtapos na sila. Cum Laude si Mariz, Summa Cum Laude naman si James. Kinailangan niya ulit kumuha ng apat na taong pag-aaral upang matapos ang Law at maging isang ganap na abogado. 

Si Mariz naman, agad na nakahanap ng magandang trabaho sa isang magandang kompanya. Gusto niyang maging proud sa kaniya si James. Gusto niyang makatulong sa pag-iipon nito para sa kanilang pagpapakasal.

Makalipas ang apat na taon, ganap nang abogado si James. Kasama pa siya sa top notchers sa buong Pilipinas. Kaya naman agad na nag-aplay sa Public Attorney’s Office si James. Kasabay ng milestone na ito ay ang paglagay nila sa tahimik. Nagsama sila sa iisang bubong bilang mag-asawa.

“Ilang anak ba ang gusto mo?” malambing na tanong ni Mariz.

“Isa lang…” sagot ni James.

Advertisement

“Isa lang?”

“Oo, isa lang… isang dosena!”

Sa ikalawang taon ng pagiging abogado ni James, mabigat kaagad ang kasong nahawakan niya. Siya ang humawak sa prosecution laban sa anak ng isang mayamang pamilya. Suspek ito sa kasong pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot.

portrait of confident businessman - asian man wearing suit stock pictures, royalty-free photos & images

“Malaking pamilya ang babanggain mo. Para mong ipupukpok ang palayok sa kawali, love. Huwag mo na kayang hawakan iyan?”

“Love, mas gugustuhin kong mawala ako na ginagawa ko ang sinumpaang tungkulin ko, kaysa sa walang gawin at all. Alam mo naman ako. Sinabi ko na sa ‘yo noon, nakahanda ako sa propesyong pinasok ko.”

At hindi nga binigo ni James ang kaniyang mga kakilala. Nakamit ang hustisya. Naipakulong ang suspek dahil sa kahusayan ni James.

Sakay sila ng kotse pauwi. Masaya sila. Napagpasayahan nilang kumain sa labas. Ipagdiriwang nila ang tagumpay. Ngunit hindi na sila nakarating sa paroroonan nila. Kitang-kita ni Mariz ang pagbaba ng mga lalaking naka-bonet. Pinaulanan ang kotse nila ng bala. Sa balintataw ni Mariz, isang pamilyar ng lalaki ang nakita niya…

“Mariz, handa ka na ba? Tara na…”

Advertisement

Muling bumalik sa realidad ang naglakbay na diwa ni Mariz habang nakatingin siya sa salamin. Tumango siya sa kaniyang ina. Sumakay na sila sa kotse, patungo sa korte.

“The accused is proven… GUILTY!”

Hindi na narinig ni Mariz ang malakas na palakpakan sa gawi nila. Parang musika sa kaniyang pandinig ang salitang “guilty.” Sa wakas… siya naman ang nagtanggol para kay James. Bilang isang saksi sa lahat ng mga nangyari.

Tinambangan silang mag-asawa, at walang iba kundi ang pamilya ng anak na naipakulong ni James. Nasa alaala niya na ang bumabang lalaki sa kaniyang balintataw ay ang padre de pamilya. Sa utos niya, nawala sa isang iglap ang buhay ng kaniyang asawa.

stolen car navigational system - car with broken windows stock pictures, royalty-free photos & images

Masayang-masayang inilapag ni Mariz ang pulumpon ng mga bulaklak at kandila sa puntod ni James. Minsan lamang niyang naipagtanggol ang asawa, at sa ganito pang pagkakataon. Hindi man siya abogado, alam niyang ipinagmamalaki siya ng kaniyang mister saan man ito naroroon.