Kinunsinti ng Ginang na Ito ang Pinsang Nagbebenta ng Boga, Pagsisisi ang Dulot Nito sa Kaniya

“Pinsan, mukhang kumikita ang pangkabuhayan mo, ha? Nakakatuwa naman at hindi na masamang gamot ang binebenta mo ngayon!” bati ni Kate sa nakababatang pinsan nang makita niya kung gaano karaming boga ang ginagawa nito.

“Hoy, ate, huwag kang masyadong maingay d’yan! Baka marinig ka ng mga tsismosa nating kapitbahay!” saway nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapatawa at maisipang magparinig sa mga kapitbahay.

“Ay, wala akong pakialam sa kanila! Harapin nila ako kung may problema sila sa iyo! Sila nga, eh, nagnanakaw ng kuryente kung kanino, may narinig ba sila sa akin?” pagpaparinig niya sa mga ito.

“O, huwag kang magalit d’yan,” saway pa nito sa kaniya habang nilalagyan ng gaas ang ginawang boga mula sa mga plastik na tubo.

“Hindi naman ako galit, nakakainis lang ‘yang mga kapitbahay natin na akala mo, mga alagang aso ng mga pulis! Isang sugod pa ng mga pulis dito dahil sa mga paninda mo ngayon, susunugin ko ang buong barangay na ‘to!” biro niya dahilan upang mapatawa ang kaniyang pinsan.

“Huwag naman, ate! Mawawalan tayo ng bahay!” paalala nito habang nag-iihit na kakatawa.

“Ay, oo nga, ano? Papahiran ko na lang ng dumi ng baboy ang mga pintuan nila!” biro niya pa saka sila naghagalpakang dalawa.

Palaging pinagtatanggol ng ginang na si Kate ang pinsan niyang nakasama niya simula pagkabata. Naaagrabyado man ito o hindi, ito ang palagi niyang kinakampihan kahit wala na tamang dahilan.

Advertisement

Sa katunayan, kahit alam niyang masama ang ginagawa nitong pagbebenta ng mga pinagbabawal na gamot noon, kaniya pa itong sinuportahan imbis na pangaralang mali iyon.

May pagkakataon pa ngang nabalitaan niyang unti-unti nang nalulugi ang negosyong ito ng kaniyang pinsan at dahil nga ayaw niyang nalulungkot ito, inalok niya pa ang panindang gamot nito sa mga pedicab drayber sa kanilang lugar.

Nabibigyan din kasi siya nito ng pera, pagkain at kahit anong tulong sa tuwing wala siyang maipakain sa pitong taong gulang niyang anak dahilan upang ganoon niya na lang ito suportahan sa tuwing may papasukin itong negosyo, legal man o ilegal.

Kaya naman, ganoon na lang ang tuwa niya nang makita niyang may bago na naman itong naisip na negosyo na talaga nga namang pumatok sa mga binatang naninirahan sa kanilang barangay.

Alam man niyang ipinagbabawal na rin sa ngayon ang pagbebenta o kahit paggawa ng boga, sinuportahan niya pa rin ito dahil alam niyang makikinabang din siya rito. 

Noong araw na ‘yon, inabot sila ng gabi ng pinsan niyang ito sa pagkukwentuhan habang pinapanuod niya itong gumagawa ng boga. Napahaba nang napahaba ang kanilang kwentuhan hanggang sa hindi niya na namalayang nawala na sa tabi niya ang makulit niyang anak.

“O, nasaan na ang anak mo, ate? Nangangalikot lang ng boga ‘yon kanina riyan sa likod mo, eh,” sambit ng kaniyang pinsan, “Ay, teka, kulang na rin ang bogang pinaglalaruan niya kanina! Hindi kaya…” hindi na niya pinatapos ang sasabihin nito at agad na siyang nagtatatakbo upang mahanap ang anak niyang panigurado’y may nilalarong boga ngayon.

Nakita niya itong kasama ang ilang kabataan nagpapaputok ng boga sa dalampasigan. Katulad ng hinala niya, may hawak na ngang boga ang kaniyang anak habang pinapanuod ang ibang kabataan.

Advertisement

Malayo pa lang siya, todo tawag na siya sa anak niyang ito upang bitawan ang hawak na boga ngunit maya-maya, bago pa siya tuluyang makalapit dito, nakita niyang sinilip ng kaniyang anak ang tubong iyon saka pinindot ang gatilyong katulad sa baril dahilan upang siya’y mapapikit na lamang at mapasigaw, “Anak ko!” 

Ngunit tila huli na ang lahat dahil pagkadilat niya, duguang mukha ng kaniyang anak ang tumambad sa kaniya. Hindi siya makagalaw sa kinatatayuan dahil sa labis na pagkabigla dahilan upang ang kanilang mga kapitbahay na ang magsugod dito sa ospital.

Dumating na rin ang kaniyang pinsan at nang malaman ang nangyari sa kaniyang anak, agad siya nitong hinila patungong ospital.

At tila lalong gumuho ang mundo niya nang ideklara ng doktor na wala na ang kaniyang anak.

“Pasensiya na po, misis, mata at utak ng inyong anak ang labis na naapektuhan ng pagsabog,” sambit nito dahilan upang siya’y mapahagulgol na lamang. 

Labis na pagsisisi ang kaniyang naramdaman noong mga oras na ‘yon. Iyak siya nang iyak habang sinabing, “Kung hindi ko lang sana kinunsinti ang pinsan ko sa maling gawain niya, edi sana, buhay pa ang anak ko. Grabe naman talaga gumanti ang karma!”

Doon na siya nangakong kahit kailan, hindi na siya muling aanib sa masamang gawain. Hindi man niya magawang mapatawad ang sarili sa ngayon, pagbabago naman ang pinangako niya sa walang buhay niyang anak.