Nayayabangan sa Katrabahong Puro Kwento ang Dalaga, Nanghinayang Siya nang Magkaroon ng Pabuya

“Alam mo, Linda, nakakatorete ka na kamo. Nakakain ka lang sa masarap at mamahaling restawran sa Maynila, halos lahat ng kustomer mo na nililinisan ng kuko, kinukuwentuhan mo na. I-record mo na lang kamo ang boses mo at iparinig na lang ‘yon sa susunod mong kustomer! Ako ang nahihirapan sa’yo, eh!” saway ni Unice sa katrabaho habang sinasalansan niya ang mga pangkulay sa kuko, isang hapon matapos niyang linisan ng kuko ang isang regular niyang kustomer.

“Wala naman akong nakikitang problema roon, Unice. Parang hinihikayat ko lang sila na kumain doon, tutal, may mga pera naman sila, hindi ba? Mayayaman naman sila, eh,” paliwanag nito sa kaniya na lalo niyang ikinainis.

“Kahit na, parang ang yabang kaya ng dating mo! Hindi mo ba naisip na baka nayayabang at naririndi na sa’yo ‘yong mga kustomer mo? Kasi kaming lahat dito, ganoon na ang nararamdaman,” sambit niya pa rito dahilan upang ito’y bahagyang mapatungo.

“Naku, pasensya na kayo, ha, hindi ko naman ‘yon intensyon,” malumanay na sambit nito saka bahagyang hinimas ang kaniyang kamay upang siya’y kumalma.

“Kaya nga tigil-tigilan mo na! Nakakainis ka na kasi!” sigaw niya pa saka hinawi ang kamay ng katrabaho.

Manikurista sa isang sikat na salon sa Maynila ang dalagang si Unice simula pa lang noong siya’y dalawangpung taong gulang. Ito ang tanging trabahong natagpuan niyang pasok ang kakayahan niya bilang isang dalagang hindi nakapagtapos ng pag-aaral bunsod ng kahirapan sa buhay. 

Pinili niyang dito magtrabaho kaysa sa mga pabrikang kailangan ng buong lakas niya dahil bukod sa bahagyang magaan ang trabaho rito, mataas pa ang pasahod dito kumpara sa mga pabrika. Lalo’t higit, mayayaman pa ang mga nagpapalinis ng kuko rito dahilan upang ganoon din siya makaipon ng pera sa mga tip o pakunswelong ibinibigay sa kaniya ng mga ito. 

Ito ang dahilan upang ganoon na lang siya ganahan sa pagtatrabaho rito. Kaya lang, nitong mga nakaraang araw, araw-araw nasisira ng kapwa manikuristang kwento nang kwento tungkol sa isang sikat na restawran ang araw niya.

Advertisement

Walang sawa kasi itong dumadaldal kahit nagtatrabaho dahilan upang labis siyang marindi rito at ito’y pagsabihan na niya. Tila nayayabangan kasi siya rito, porque nakakain na sa masarap at mamahaling restawran, panay na ang pagyayabang.

Noong araw na ‘yon, bago matapos ang oras niya sa trabaho, mayroon pang humabol na mag-asawa upang magpalinis ng kuko. Dahil nga pagod na siya at tinatamad na, kinuha niya ang lalaking kustomer upang magaan lamang linisan ng kuko at binigay niya ang babaeng kustomer sa katrabaho niyang si Linda.

Ngunit, kakaupo pa lang ng kanilang kustomer, muli na namang magkwento tungkol sa restawrang iyon ang katrabaho niya dahilan upang bahagya niya itong sawayin.

“Linda, mahiya ka naman kay madam, maglinis ka lang nang maglinis d’yan, huwag ka nang mang-abala,” saway niya rito.

“Hindi, ayos lang, nakakatuwa nga, eh,” nakangiting sagot ng ginang.

“Naku, ma’am, buong araw na ‘yang kwento nang kwento tungkol sa restawrang iyon,” tugon niya pa upang tuluyan nang manahimik ang kaniyang katrabaho.

“Talaga? Diyos ko, nakakatuwa naman! Sa paraang ‘yon, naipapakalat mo ang pangalan ng restawran namin!” buong galak na sagot nito na labis nilang kinabigla.

“Sa-sa inyo po ‘yon?” sabay nilang tanong.

Advertisement

“Oo, hija, gusto mo bang muling kumain doon?” tanong nito sa kaniyang katrabaho, agad lang itong tumango habang ngiting-ngiti, “O, sige, magpunta ka lang doon kapag gusto mong kumain. Hanapin mo lang ako o kaya ang asawa ko, isa sa amin ang palaging andoon. Wala kang babayaran, lahat libre! Bilang kapalit sa pagpapakalat mo sa kalidad ng restawran namin!” tuwang-tuwa dagdag pa nito dahilan upang labis siyang mainggit.

“Ah, eh, ma’am, baka pupwede naman po akong sumabit?” kinapalan na niya ang mukha niya upang siya’y makatikim ng pagkain doon.

“Naku, pasensya ka na, ha? Medyo mahal kasi talaga ang pagkain namin doon. Libre siya roon dahil sa ginagawa niya para sa restawran namin, eh, pinipigilan mo nga siya, eh,” diretsahang sambit nito dahilan upang labis siyang mapahiya at manahimik na lang habang pinakikinggan ang masayang usapan ng ginang at ng kaniyang katrabaho.

Nalaman niya pang ginagawa ito ng kaniyang katrabaho upang makabuo ng relasyon sa mga nagiging kustomer dahilan para labis siyang manghinayang sa mga mayayamang kustomer na kaniyang napalampas.

Doon niya napagtantong may magandang patutunguhan pala ang ginagawang pakikipagkaibigan ng kaniyang katrabaho sa mga nagiging kustomer nito.

Simula noon, sinubukan niya ring maging palakaibigan na nakatulong sa pagpapagaan ng kaniyang trabaho.