Nagtampo ang Dalagang Ito nang Hindi Tulungan ng mga Kapatid, Aral pala ang Nais Iparating ng mga Ito

“Kuya, hindi ba’t magaling kang gumuhit ng tao? Pakiguhit naman ‘tong nasa libro ko, takdang aralin namin ‘to, eh, hindi naman ako marunong gumuhit,” sambit ni Jejel sa kaniyang nakatatandang kapatid saka pinakita rito ang gagayahing larawan, isang gabi nang maabutan niya itong nagtatrabaho sa silid nito.

“Naku, Jejel, kaya mo ‘yan, simpleng-simple lang ‘yang taong ‘yan,” sagot nito habang patuloy pa rin sa pagpipindot sa laptop na gamit.

“Para sa iyo, kuya, simple lang ‘yan, magaling ka gumuhit, eh. Pero para sa akin, ang hirap hirap niyan! Kaya, pakiusap, kuya, tulungan mo na ako,” giit niya habang ito’y nilalambing-lambing.

“Jejel, may ginagawa ako, o, hindi mo ba nakikita?” seryosong tanong nito dahilan upang siya’y tumigil sa paglalambing.

“Hindi naman kailangan ngayon mo agad gawin, kuya, eh, pwede namang mamaya basta maipasa ko bukas pagpasok ko,” sambit niya pa.

“Tumigil ka, ikaw ang gumawa niyan. Nasasanay ka na ako palagi ang nagawa ng mga takdang-aralin mo, ha? Sino ba nag-aaral, ako ba?” masungit na tanong nito.

“Kuya naman,” tipid niyang sambit habang nanggigilid na ang mga luha.

“Kahit umiyak ka riyan, hindi kita tutulungan,” desididong tugon nito kaya siya labis na napahagulgol.

Advertisement

“Ang damot-damot mo! Tandaan mo ‘tong araw na ‘to! Ayoko na maging kuya ka!” sigaw niya rito saka agad na tumakbo palabas ng silid nito at binalibag ang pintuan nito.

Bunso sa tatlong magkakapatid ang dalagang si Jejel. Sa kanilang tatlo, siya na lamang ang nag-aaral habang ang dalawa niyang kuya ay pawang nagtatrabaho na sa mga kumpanyang nag-uunahan sa pagsikat sa Maynila.

Ito ang dahilan upang ganoon na lang siya makampante sa kaniyang pag-aaral. Tiwala siyang kahit anong mangyari, hindi siya pababayaan ng kaniyang mga kapatid. Bukod sa wala na siyang poproblemahin sa pangbayad sa kaniyang matrikula, alam niya pang kahit anong takdang-aralin o kahit proyekto, handa siyang tulungan ng mga ito lalo na kung sa larangan ng sining kung saan magaling ang dalawang ito.

Pero dahil sobrang abala ng pangalawa niyang kapatid sa trabaho, ang panganay niyang kuyang malimit nasa kanilang bahay ang palagi niyang katulong sa pag-aaral.

Kaya lang, nang mapadalas na ang pagpapatulong niya rito sa mga gawain niya sa paaralan, doon na siya nito tinabla dahilan upang labis siyang magdamdam dito.

Agad niyang sinumbong sa pangalawa niyang kapatid ang sinabi ng kanilang kuya noong gabing iyon habang siya’y matuloy sa pagngalngal. Buong akala niya’y magagalit ito, ngunit siya pa ang pinagsabihan nito.

“Jejel, bunso, huwag puro asa kay kuya…” hindi pa nito natatapos ang sasabihin agad na niya itong binabaan ng selpon at labis na nagtampo.

Simula noon, hindi na siya humingi ng tulong sa kaniyang mga kapatid. Buong sikap niyang ginawa ang kaniyang mga gawain sa paaralan kahit siya’y hirap na hirap na.

Advertisement

May pagkakataon pa ngang umiiyak siya habang ginagawa niya ang isang gawain dahil hindi niya ito magawa nang ayos.

Ngunit sa kabutihang palad naman, kahit na labis siyang nahirapan at sandamakmak na luha ang naubos niya, pagkalipas ng apat na taon, siya’y nakapagtapos sa kursong medical technology.

May ilang taon pa man siyang bubunuin ng pag-aaral, malaking hakbang na ito para sa pangarap niyang maging isang doktor.

Dito niya labis na napahanga ang kaniyang mga kapatid na pawang nanunuod sa kaniyang pagtatapos at nang tawagin ang kaniyang pangalan, rinig na rinig niya sa bulwagang pinagganapan ng naturang pagtatapos ang hiyawan at palakpakan ng dalawa niyang kapatid dahilan upang ganoon na siya maiyak.

“Kapatid namin ‘yan!” sigaw ng dalawang to.

Pagkatapos ng seremonya, agad siyang sinalubong ng yakap ng dalawang ‘to. “Nagtatampo pa rin ba ang bunso namin?” tanong ng panganay niyang kuya dahilan upang siya’y umarteng nagtatampo.

“Jejel, bunso, para sa iyo naman lahat ‘yon. Naisip kasi namin na kung palagi kaming and’yan para sa’yo, masasanay kang may umaalalay sa iyo at hindi ‘yon maganda, hindi ba?” pangaral ng kaniyang pangalawang kapatid.

“Sa buhay, Jejel, kailangan mo matutong mag-isa at dumiskarte, kaya habang nag-aaral ka pa lang, tinuruan ka na namin kahit nadudurog kami sa tuwing umiiyak ka sa gabi. Pasensya ka na, ha?” sambit pa ng kaniyang panganay na kuya na labis niyang ikinaiyak.

Advertisement

Simula noon, muling bumalik ang pagkalapit niya sa kaniyang mga kapatid. Labis siyang nagpasalamat sa aral na bigay ng mga ito na talaga nga namang magagamit niya hanggang sa kaniyang pagtanda.