Ipinagpalit ng Ginang na Ito ang Tunay na Anak sa Sanggol na Maganda ang Itsura, Sising-sisi Siya nang Lumaki Ito

“Teka, ate, sigurado ka bang ito ang anak mo? Parang iba ang itsura nito sa sanggol na nakita ko roon sa nursery room. Iyong sanggol na may pangalan mo ay medyo kayumanggi ang balat at maliit ang ilong samantalang itong sanggol na ‘to, ang puti-puti na, matangos pa ang ilong!” sambit ni Lorina habang pinagmamasdan ang karga-kargang bagong silang na pamangkin, isang umaga nang sunduin niya ang nakatatandang kapatid sa ospital kung saan ito nanganak.

“Hoy, hinaan mo nga ‘yang boses mo! Baka mamaya, may makarinig sa iyo!” saway ni Lourdes sa kapatid saka agad na inagaw ang sanggol dito. 

“Ano naman kung makarinig sa akin, ate? Tinatanong lang naman kita!” pang-uusisa pa nito dahilan upang agad siyang marindi rito.

“Pinagpalit ko nga kasi ‘yan! Huwag ka nang maingay, ha, sinabi ko na sa iyo ang sikreto ko!” mahinang wika niya na agad nitong ikinagulat. 

“Diyos ko, ate, bakit mo pinagpalit? Isauli mo ‘yan, hindi sa iyo ‘yan!” payo nito habang pilit siyang pinapapunta sa nursery room na nasa tapat ng nirentahan niyang silid.

“Ayoko! Gusto ko ‘tong sanggol na ‘to! Ayoko sa sanggol na maitim at dapa ang ilong!” giit niya saka agad na humiga upang huwag nang hilahin ng kapatid.

“Ate, naman! Hindi tama ‘yang ginawa mo!” dismayadong sambit nito sa kaniya.

“Wala ka nang magagawa, nauna nang makauwi ‘yong totoong nanay nito kahapon,” tugon niya saka agad na nilapag sa higaan ang sanggol na mahimbing na natutulog.

Advertisement

Simula pa lang nang magdalang-tao ang ginang na si Lourdes, wala na siyang ibang pinangarap kung hindi ang magkaroon ng gwapo o magandang anak. Ayaw niyang matulad ang kaniyang anak sa itsura ng kaniyang ilong at kutis ng kaniyang asawang kayumanggi.

Ito ang dahilan upang gawin niya ang lahat para huwag lang makuha ng kaniyang pinagbubuntis ang mga katangiang mayroon sila ng kaniyang asawa.

Sa katunayan, bukod sa gabi-gabi niyang kinakausap ang sanggol sa kaniyang tiyan na pagaanin ang kaniyang panganganak, naglalagay pa siya sa ilalim ng kaniyang unan ng litrato ng isang magandang babae upang makuha ang itsura nito katulad ng mga haka-haka ng mga matatanda.

Pinipilit niya ring maglihi sa gatas at singkamas upang maging mapusyaw ang kulay ng balat ng kaniyang anak pagkasilang niya rito.

Ngunit, laking pagkadismaya niya nang makitang walang epekto ang lahat ng mga kasabihang ito nang makita niya ang isinilang niyang sanggol.

At dahil nga ayaw niyang ganoon ang itsura ng kaniyang anak, nang makakita siya ng isang magandang sanggol sa tabi nito, agad siyang gumawa ng paraan upang ito’y mapagpalit kahit na hirap na hirap siyang tumayo bunsod ng kaniyang tahi.

Patago siyang pumasok sa nursery room na iyon nang minsan niyang hilinging makita ang kaniyang anak nang malapitan. At nang masigurado niyang walang nars ang nakatingin, agad niyang pinagpalit ang dalawang sanggol hanggang sa maiuwi na ng isang ina ang kaniyang tunay na anak.

Wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang lumaki ang batang ito ng may magandang mukha, mapusyaw na balat at mahahabang pilik-mata, malayong-malayo sa itsura nilang mag-asawa.

Advertisement

Kapag may nagtatanong kung bakit hindi nila ito kamukha, ang itinuturo niyang dahilan ay ang paglalagay ng litrato ng isang magandang babae sa kaniyang unan noong siya’y nagbubuntis pa lamang.

Kaya lang, kahit na ganoon ang itsura ng kaniyang anak, napakamaldita naman nito. Sa edad na apat na taong gulang, sa tuwing ito’y kaniyang pagsasabihan, hindi maaaring hindi siya nito dadabugan o sasagutin dahilan upang labis siyang mainis dito at araw-araw niyang madisiplina.

At dahil nga siya’y mabuting ina, sa tuwing iiyak na ito, kaniya na agad itong aamuhin at ipapasyal kung saan.

Isang araw, nang mapagbuhatan niya ito ng kamay, agad niya itong sinama sa isang mall upang maibili niya ng laruang kaniya talagang pinag-ipunan. Sinama niya ang kaniyang kapatid upang may makatulong sa pagbibitbit dito.

Kaya lang, habang binabaybay nila ang mga tindahan sa mall, napukaw ng isang malaking litrato ng batang babae sa isang tindahan ang kaniyang atensyon.

“Te-teka…” wika niya habang pinagmamasdan ang naturang litrato.

“Hindi kaya iyan ang tunay mong anak?” sambit ng kaniyang kapatid na labis niyang ikinabigla.

“Hoy, marinig ka ng bata!” sigaw niya rito saka agad na hinila ang anak niyang hawak nito.

Advertisement

Binasa pa nito ang pangalan ng batang nasa ibaba dahilan upang agad nilang makumpirmang ito nga ang tunay niyang anak.

“Tingnan mo na, ate, mas maganda pa sa batang ‘yan ang tunay mong anak. Edi sana, may modelo na tayo ngayon,” panghihinayang nito dahilan upang ganoon siya magsisi sa masamang desisyong ginawa niya noon. 

Nais man niyang bawiin ang anak, wala na siyang magawa kung hindi ang panindigan ang ginawa niya noon. Sinikap niya pa ring maging mabuting ina sa kabila nang pagsisising araw-araw niyang nararamdaman.