Simula nang Tumagal Siya sa Ospital ay Nagbago ang Nobyo ng Dalagang Ito; Nanlamig Siya sa Dahilan Nito

“Hello, mahal, dadalawin mo ba ako ngayong araw? Mag-iisang linggo na kasi simula noong huli mo akong binisita rito sa ospital, miss na miss na kita!” bungad ni Jessie sa kasintahan, isang umaga nang magpasiya siyang tawagan ito sa selpon dahil sa labis na pagkasabik dito.

“Jessie, alam mo namang gumagawa ako ng paraan para makahanap ng pera pangpagamot mo, hindi ba? Huwag mo na akong obligahing magpunta riyan! Baka pupwede mo naman akong pagpahingahin!” bulyaw nito sa kaniya dahilan upang bahagya niyang ilayo sa kaniyang tainga ang hawak na selpon.

“Alam ko naman ‘yon, mahal, gusto lang kitang makita, huwag ka naman magalit,” saway niya rito nang may malumanay na boses.

“Nakakainis ka na kasi, eh!” sigaw pa nito sa kaniya na labis niyang ikinagulat.

“Pasensya na, mahal ko, alam mo naman kasing ikaw lang ang kinukuhanan ko ng lakas ngayon kaya ako lumalaban sa sakit ko,” tugon niya habang sinisipat ang mga aparatong nakakabit sa kaniyang katawan.

“Iyon na nga, eh, kakakuha mo ng lakas sa akin, ako naman ang nawawalan ng lakas at gana sa buhay ko! Sige na, saka na tayo mag-usap, andito na ang kliyente ko!” wika pa nito.

“Paalam, mahal, ingat ka riyan, pasensya ka na…” hindi na niya natapos pa ang pagpapaalam dahil agad nang binaba ng kaniyang nobyo ang tawag dahil upang ganoon na lang siya mapabuntong-hininga.

Ilang buwan nang namamalagi sa ospital ang dalagang si Jessie dahil sa sakit niya sa dibdib. Simula nang siya’y maospital, walang ginawa ang kaniyang nobyo kung hindi ang siya’y pasiyahin at bigyan ng lakas ng loob dahilan upang ganoon na lang siya lumaban sa sakit niyang hindi lang siya binibigyan ng pisikal na sakit kung hindi pati na emosyonal na pagkadurog.

Advertisement

Ang ginagawang pagtatrabaho ng kaniyang nobyo pati na pagbebenta ng kung anu-ano ay talaga nga namang nakakapagpakilig sa kaniya. Lagi niya itong binibida sa kaniyang mga magulang na nagbabantay sa kaniya. Wika niya pa habang pinapakain ng kaniyang ina, “Pakiramdam ko nga, mama, nasa teleserye ako dahil sa ginagawang pagsasakripisyo at paghihirap ng nobyo ko para matulungan tayo sa mga bayarin. Tama talaga ang desisyon kong sagutin siya, ano?” na labis namang ikinatutuwa ng kaniyang ina pati na ng kaniyang amang palaging nakamasid sa kaniya.

Ngunit hindi nagtagal, tila napadalang ang pagbisita ng nobyo niyang ito sa ospital. Kahit na nakararamdam ng kalungkutan kasabay ng kirot na dulot ng kaniyang sakit sa tuwing hindi ito dumadalaw, kinukumbinsi niya ang sarili na maging masaya at intindihin ang sitwasyon nilang dalawa.

Hanggang sa dumating na ang araw na halos sa isang linggo, isang beses lamang itong nakakabisita sa kaniya na labis na niyang ikinapagtataka. Bibisita man ito sa kaniya, palagi naman itong nakasimangot o kung hindi naman, siya’y hindi iimikin at abala sa pagseselpon. Ito ang dahilan upang unti-unti na siyang maghinala rito.

Noong araw na ‘yon, pagkababa ng tawag ng kaniyang nobyo, naisip niyang tawagan ang isang katrabaho nito upang kumpirmahin kung nasa trabaho nga ito.

“Bakit ko ba naiisip na may maling ginagawa ang nobyo ko?” sa isip-isip niya habang kinokontak ang katrabaho nitong malapit din sa kaniya.

“Hello, Jessie, kumusta ka na? Bakit ka napatawag?” tanong nito sa kaniya. 

“Ayos naman ako rito sa ospital. Gusto ko lang sanang malaman kung anong ginagawa ng nobyo ko riyan sa trabaho niyo, nami-miss ko na kasi siya, eh,” sambit niya rito.

“Ay, wala siya ngayon dito sa opisina, naka-leave siya, hindi ba? Sabi niya kay boss, babantayan ka raw niya, eh,” wika nito na labis niyang ikinabigla.

Advertisement

“Anong ibig mong sabihin? Kailan pa?” tanong niya.

“Mag-aapat na araw na siguro,” sagot nito na labis niyang ikinalamig.

Ito ang dahilan upang muli niyang tawagan ang nobyo upang ito’y makausap niya nang ayos. Ngunit lalo niyang ikinalamig ang babaeng sumagot dito.

“Jessie, tanggapin mo nang malapit ka nang sumalangit. Tigilan mo na siya, maawa ka naman sa kaniya!” sigaw nito sa kaniya dahilan upang ganoon na siya mapahagulgol.

Simula noon, tuluyan na siyang hindi binisita o kahit kinamusta ng binata. Sobrang sakit man ng kaniyang nararansan sa ngayon, natutunan naman niyang kumuha ng lakas sa tamang nilalang, ang Diyos, at siya’y himalang pinagaling nito.

Doon na siya muling makipagbakbakan sa buhay, hirap man dahil siya’y nagsimula sa pinakasimula, sa tulong ng Diyos, kaniya itong nakaya nang walang tulong ng naturang binatang nanloko sa kaniya.