Nais Dungisan ng Mahaderang Ginang ang Imahe ng Kaniyang Kapitbahay; Bandang Huli’y Babalik sa Kaniya ang Kahihiyan

“’Nay, halos magkandahaba na ang leeg mo riyan! Gabing-gabi na, ano na naman po ba ang tinatanaw mo?” tanong ni Maricris sa kaniyang inang si Aling Fely.

“Huwag kang maingay. Tinitingnan ko si Anna. Napapansin ko kasi na iba-ibang sasakyan ang naghahatid sa kaniya pauwi. Sa tingin ko ay may isinisikreto talaga ang babaeng iyan, e!” bulong ng ginang. 

“Tantanan niyo na nga po ‘yang si Anna! Wala na kayong pakialam kung may inililihim siya. Lahat naman ng tao ay may inililihim,” saad pa ng dalaga. 

“Naiinis lang ako dahil kapag kaharap mo ay kala mo’y sinong santa at kay hinhin. Pero tingnan mo ngayon. Kung sinu-sinong lalaki ang naghahatid sa kaniya. Saka hindi ako naniniwala sa kwento ng nanay niya na maganda ang trabaho ng anak niya at isa raw executive. Tingin mo ay uwi ba ng matinong babae ‘to? Sa tingin ko talaga’y may kakaiba sa trabaho niyang si Anna,” saad muli ni Aling Fely. 

Napapailing na lamang si Maricris sa mga sinasabi ng kaniyang ina.

Kilala si Aling Fely na talagang tsimosa sa kanilang lugar. Wala nga atang balita ang nakakalagpas sa matatalas na mat at tenga ng ginang. Alam niya rin ang lahat ng ginagawa ng mga tao sa kanilang lugar.

Bukod pa roon ay talagang may inggit na siya sa kapitbahay nilang si Aling Flor. Kaya bawat kilos at galaw ng mga kasapi sa pamilya ng kapitbahay ay pilit niyang inaalam. 

“Iba ang pakiramdam ko sa bayaw niyang si Anna. Iba ang tinginan ng dalawa na para bang may itinatago sila sa isa’t isa,” saad ni Aling Felysa kaniyang anak. 

Advertisement

“A-ano na naman po ang sinasabi nyo riyan? Hindi ba noong isang araw lamang ay sinasabi nyong iba-ibang lalaki ang naghahatid kay Anna? Ngayon naman ay napagdiskitahan nyo ang bayaw niya. Kung ako sa inyo, ‘nay, ay hindi ko na lang pakikialaman ang mga kapitbahay natin!” giit ni Maricris. 

“Basta, may masamang kutob talaga ako diyan kay Anna. Hindi magtatagal ay malalaman ko rin ang baho na itinatago niyang babae na iyan! At kapag nalaman ko’y isisiwalat ko talaga dahil namumuro na sa kayabangan ang pamilya nila!” sambit pa ng ina. 

“Ayan na naman kayo sa paghuhusga ninyo, ‘nay. Kung ako sa inyo ay itutulog ko na lang ‘yan! Inaaksaya niyo lang ang oras niyo sa walang kwentang bagay!” wika muli ng dalaga. 

“Sa hilatsa kasi talaga niyang si Anna ay nakakasigurado ako na malandi siya. Ang mga lalaking naghahatid sa kaniya’y malamang ko’y may mga asawa na. Ang babaeng iyan ay tulad din ng kaniyang ina na nasa loob ang kulo!” muling sagot naman ni Aling Fely. 

Patuloy sa pagmamasid itong si Aling Fely. Sa gabi ay hindi pa siya agad natutulog dahil hinihintay niya talaga ang pag-uwi ni Anna. Madalas din niyang subaybayan ang mga kilos ng dalaga. Lalo na kung nalalapit ito sa kaniyang bayaw.

Isang araw, habang namamalengke ang ginang ay hindi niya sinasadyang makita si Anna kasama ang bayaw nito. Hindi man makikita na malapit sila sa isa’t isa’y alam mong may pagkakaunawaan sila. Lalo pang napatibay ng hinala ni Aling Fely na may relasyon ang dalawa nang makita niya ang mga tingin ni Anna na tila nababagabag.

“Tama nga ang kutob ko! Talagang may itinatago ang dalawang ito. Ngayong sigurado na ako’y ilalabas ko na ang tinatago nilang nabubulok na sikreto!” sambit niya sa kaniyang sarili. 

Dali-daling umuwi si Aling Fely bitbit ang kaniyang pinamalengke at ang balita na magkarelasyon sina Anna at ang bayaw nito. Agad niya itong ipinagkalat sa ilang kapitbahay na nagkukwentuhan din malapit sa isang tindahan.

Advertisement

Nang makauwi sina Anna at ang bayaw nito ay masama na ang tingin sa kanila ng mga tao.

“Asawa ng kapatid mo, inahas mo,” sambit ng isang ginang kay Anna.

Labis namang nabigla ang dalaga sa kaniyang narinig.

“A-ano po ang sinabi nyo?’ tanong ni Anna sa ale.

“Alam na naming lahat dito ang sikreto mo, Anna. Huwag ka nang magmalinis pa. Sa tingin ko nga ay alam din ni Flor ‘yang ginagawa mo, e. Kinukunsinti ka kasi pareho kayong malandi!” wika ni Aling Fely sa dalaga.

“Ano po ba ang tinutukoy nyo? Hindi ko po kayo maintindihan,” nagugulumihanan na ni Anna.

“Huwag mo nang itanggi dahil kitang-kita ng dalawang mata ko kung paano kayo magtinginan niyang bayaw mo! Alam kong may relasyon kayong dalawa. Hindi ka pa nakuntento sa mga lalaking naghahatid sa’yo gabi-gabi pati iyang bayaw mo ay inahas mo pa sa kapatid mo!” patuloy na bulyaw ni Aling Fely.

“Bawiin mo ang sinabi mo, Aling Fely, dahil hindi totoo ‘yan! Tigilan mo ang pagkakalat ng maling balita dahil baka mamaya ay hindi mo magustuhan ang sasabihin ko!” saad ni Anna. 

Advertisement

“Totoo naman ang mga sinasabi ko tungkol sa’yo! Huling-huli ka na ay itinatanggi mo pa!” saad pa ng ginang. 

Dahil nagkakagulo na sa daan ay nagsilabasan na ang ilang mga tao sa kanilang kabahayan. Kasama na dito ang pamilya ni Anna pati na rin ang anak ni Aling Fely na si Maricris.

Inawat agad ni Maricris ang kaniyang ina.

“‘Nay, tama na po! Hindi ba sinabi ko sa inyo na huwag n’yo na pong pakialaman ang buhay nila?! Tara na po sa loob at pumasok na tayo!” giit ni Maricris. 

“Bakit ako ang papasok ng bahay, e, sila itong dapat mahiya! Nagsasabi lang naman ako ng totoo!” giit ni Aling Fely.

“Tama na po iyan, ‘nay, pumasok na po tayo!” halos kaladkarin na ni Maricris papasok ng bahay ang kaniyang ina ngunit nagpupumilit ito.

“Aling Fely, para sa kaalaman niyo po, ang iba’t ibang kotse na naghahatid sa akin gabi-gabi ay sasakyan ng kompanya. Kung gusto n’yo ay tawagan n’yo pa! At saka baka mabigla kayo kapag sinabi ko ang totoo kung sino ang may tinatago dito!” sambit ni Anna. 

“Sa totoo lang ay ayaw namin ng eskandalo pero kayo ang nagsimula. Bakit hindi nyo tanungin ang anak nyo sa kung anong lihim ang mayroon siya?” dagdag pa ng dalaga.

Advertisement

Natahimik sina Aling Fely at kaniyang anak.

“A-ano ang sinasabi ng babaeng iyan tungkol sa’yo? Ano ang nililihim mo?” tanong ng ginang sa kay Maricris.

“Bakit hindi mo sabihin sa nanay mo, Maricris, na alam ko ang relasyon nyo ng bayaw ko. Kinakausap ko siya upang layuan ka na niya at ibalik ang dating pagtitinginan nila ng ate ko. Ikaw ang dahilan kung bakit hindi maayos ngayon ang pagsasama nila.

Sabihin mo sa nanay mo kung paano mo ipinipilit ang sarili mo sa bayaw ko. At kung paano mo sinabi sa kaniya na tuluyan ng iwan ang kapatid ko upang magsama na kayo. Pilit naming itinatago ito dahil ayaw naming pagpiyestahan kami ng lahat ng tao. Pero pinilit ako ng nanay mo na ilabas ang lahat!” pahayag pa ni Anna. 

Nagulantang ang lahat sa sinabing ito ni Anna. Lalo na si Aling Fely dahil hindi siya makapaniwala na kayang gawin ito ng kaniyang anak. Hiyang-hiya siya sa lahat ng kapitbahay dahil sa nangyaring kaguluhan.

Buong akala ni Aling Fely ay ito na ang pagkakataon niya upang masira ang magandang imahe ng kaniyang kapitbahay. Ngunit hindi niya akalain na labis na kahihiyan pa pala ang daldahin nito sa kaniyang pamilya.

Ngayon ay laman pa rin ng tsisimisan ang kahihiyang ginawa ni Maricris at ni Aling Fely. Dahil sa mapait na karanasan na iyon ay hindi na naglalalabas pa ng bahay ang ginang maging ang kaniyang anak.