Napilitang Magtrabaho ang Tatlong Magkakapatid dahil sa Hirap ng Buhay; Hindi Nila Akalaing Isang Matanda ang Magbabago ng Kanilang Kapalaran

Maaga pa lamang ay inihahanda na ng labing isang taong gulang na si Jumong ang kanilang sidecar. Kasama ang kaniyang mga nakababatang kapatid na sina Tintin, walong taong gulang at bunsong si Karot, apat na taong gulang ay lilibutin nila ang isang subdivision upang mangalap ng kalakal at kung ano pa mang bagay na kanilang mapapakinabangan.

Dapat ay nasa eskwelahan ang mga batang ito ngunit dahil sa kahirapan ay mas pinili na lamang nilang maghanapbuhay at tumulong sa kanilang ina. Hindi na kasi makapagtrabaho pa ang kanilang inang si Merced dahil binabantayan nito ang kanilang kapatid na isang taong gulang lamang at may sakit.

Samantala, ang kanilang ama naman ay yumao dahil sa isang aksidente. Kaya sa murang isipan na iyon ng mga bata’y kailangan na agad nilang magbanat ng buto. Hindi na lamang nila sinasabi sa kanilang ina ngunit labis ang pagnanais ng tatlo na makatuntong ng paaralan.

“Kuya, hindi ka ba naiinggit sa mga batang nakikita natin? Buti pa sila nakakain nila ang gusto nila, nakakapag-aral at nakakapaglaro, samantalang tayo’y kailangan pang mangalakal upang makakain,” tanong ni Tintin sa kaniyang Kuya Jumong.

“Hindi ako magsisinungaling sa inyo. Naiinggit talaga ako dahil alam mo naman kung gaano ko nais na mag-aral para kapag nakatapos ako’y bibigyan ko ng mas magandang buhay ang pamilya natin. Ngunit alam naman nating hindi pa ito ang tamang panahon. Kailangan tayo ni nanay at ng bunsong kapatid natin,” tugon naman ng nakakatandang kapatid.

“Kung buhay siguro ang tatay ay hindi ganito ang buhay natin, ano? Kahit paano’y makakapag-aral tayo. Madalas kasi akong panghinaan ng loob, kuya. Pakiramdam ko ay imposible nang umayos pa ang buhay natin. Mananatili na lamang tayong mahirap habang buhay,” wika pa ni Tintin.

“Tandaan mo na lang ang laging sinasabi sa atin ni nanay, Tintin. Walang imposible sa Panginoon. Lahat ng ito’y nakikita niya. Balang araw ay pagpapalain din Niya tayo,” pahayag pa ni Jumong. 

“Tara na at pumunta na pala tayo kina Mang Tonyo. Sana ay marami ulit siyang naipon na mga bote at karton para sa atin nang sa gayon ay maaga tayong makauwi,” dagdag pa ng bata habang mabilis na pinadyakan ang kanilang sidecar. 

Advertisement

Kahit na may ngiti sa mukha ni Jumong ay mababanaag mo sa kaniyang mga mata ang lungkot. Bilang panganay kasi ay masakit din sa kaniyang makita ang mahirap na kalagayan ng kaniyang mga kapatid. Labis ang panalangin niya sa Panginoon na sana’y isang araw ay baguhin Nito ang kanilang buhay. 

Mabilis na nagtungo ang magkakapatid sa bahay ng matandang si Mang Tonyo. Suki na nila ang lalaking ito. Sa tuwina’y may iniipon itong mga kalakal at laging binibigyan ng barya o pinaglumaang damit ang mga bata.

Sa pagkakataong iyon ay masaya ang mga bata na makita ang dalawang sakong inihanda ng matanda sa kanila.

“Itong isang sako ay mga bote, dyaryo at karton, Jumong. Tapos ito namang isang sako ay mga pinaglumaang gamit dito. Ikaw na lang ang tumingin kung ano na ang kailangang itapon sa pwede pang pakinabangan,” saad ng matandang si Mang Tonyo.

“Heto ang singkwenta pesos, mga bata. Sana’y makauwi na kayo bago magdilim at tila uulan pa ata,” dagdag pa ng ginoo.

Masayang-masayang inilagay ng mga bata ang dalawang sako sa kanilang sidecar. Sa puntong iyon ay makakauwi na sila dahil kahit paano’y may pambili na sila ng bigas at ulam.

Nang makauwi ay agad nilang binuksan ang isa pang sako na naglalaman ng mga lumang gamit. Inisa-isa nilang tiningnan ang mga damit, bag at sapatos at ilan pang kagamitan. 

“Marami pa tayong pwedeng magamit dito,” saad ni Jumong.

Advertisement

“Ang iba naman ay ibigay natin sa kapitbahay nang sa gayon ay mapakinabangan,” wika naman ni Tintin.

Ilang sandali pa habang binubuklat ang bag ay nakakita si Jumong ng isang kwintas at dalawang pares ng gintong hikaw.

“Sa tingin mo ay totoo kaya ang mga ito, Tintin?” tanong ni Jumong.

“Hindi ko alam, kuya, dahil hindi pa ako nakakakitang tunay na ginto. Ang mabuti pa ay itanong na lang natin kay nanay,” mungkahi ni Tintin.

Agad nila itong dinala sa kanilang ina.

“Totoo man o hindi ang mga alahas na iyan ay kailangan nyong ibalik sa may-ari. Baka mamaya ay hindi nila alam na nasama ang mga iyan sa mga gamit na itinapon nila,” pahayag ni Merced.

Kinabukasan ay nagbalik ang mga bata kay Mang Tonyo upang isauli ang mga alahas.

“Kuya, dapat ay hindi na natin ibalik pa ang mga alahas kasi nasa sako naman na ‘yan. Saka baka mamaya ay hindi nga totoong ginto. Pero kung totoo naman ay pwede nating ibenta sa sanglaan tapos ay makakakain na tayo ng masarap. Mabibilhan pa natin ng gamot si junjun,” wika ni Tintin. 

Advertisement

“Narinig mo naman si nanay, ‘di ba? Kailangang malaman ni Mang Tonyo na narito ang mga alahas. Baka mamaya ay mahalaga para sa kanila ang mga alahas na ito. Pasalamat na nga lang tayo at mabait siya at palagi niya tayong tinutulungan,” saad pa ng kuya.

Nang makarating sila sa bahay ng matanda ay walang pag-aalinlangan na isinauli ni Jumong ang mga alahas.

“Nakita po namin ang mga ito sa isa sa mga bag na nasa sako. Nais po sana naming ibalik ito sa inyo,” saad ng mga bata.

Nagulat si Mang Tonyo nang iniabot sa kaniya ng mga bata ang mga alahas.

“Alam n’yo bang totoong ginto ang mga ito at pwede niyong ibenta? Malaking halaga ang katumbas ng alahas na ito. Bakit ibinalik pa ninyo ang mga ito sa akin?” tanong ni Mang Tonyo sa mga bata. 

“Sabi po kasi ng nanay namin ay kailangan daw pong ibalik namin ang mga alahas na ito sa inyo dahil alam niyang mahalaga ang mga ito. Saka sobra-sobra na po ang naitutulong nyo sa akin, Mang Tonyo,” wika pa ni Jumong.

Napangiti na lamang sa pagkamangha si Mang Tonyo sa katapatan ng mga bata lalo na ni Jumong.

“Sa totoo lang ay sinadya kong ilagay ang mga alahas na iyan sa bag. Gusto ko lang makita kung ano ang gagawin nyo. Napakabubuti niyo talagang mga bata. Daig nyo pa ang mga batang nakatuntong sa eskwelahan,” wika ng matanda. 

Advertisement

“Jumong, nais ko sanang kausapin ang nanay mo. Nais ko sanang pag-aralin kayong magkakapatid. Mag-isa na lang ako sa buhay at malalaki naman na ang mga anak ko at may kaniya-kaniya na silang pamilya. Sa natitirang buhay ko sa mundo ay nais kong makagawa ng kabutihan.

Mayroon akong naipon at sa tingin ko ay sasapat iyon upang hindi kayo mahinto sa pag-aaral. Tutulungan ko rin ang nanay mo na magkaroon ng munting kabuhayan nang sa gayon ay may pagkukunan kayo ng panggastos. 

Lubos nyo kasi akong napahanga dahil sa pagmamahal nyo sa inyong pamilya ay mas pinili nyong tumulong sa kanila. Malayo ang mararating nyo dahil masikap kayong mga bata lalo ka na Jumong,” wika pa ni Mang Tonyo.

Walang pagsidlan ang tuwa ng magkakapatid. Hindi sila makapaniwala na sa araw na iyon ay magbabago na ang takbo ng kanilang buhay. Hindi na nila napigilan pa ang mapaluha dahil sa tulong na ibibigay ng matanda. 

Sa tulong ni Mang Tonyo ay nakapag-aral ang magkakapatid. Nagkaroon din ng tindahan ang kanilang ina at mula roon ay nakakakuha na sila ng panggastos. Ipinagamot din ni Mang Tonyo ang kapatid nilang may sakit.

Dahil sa nag-uumapaw na tulong sa mga bata ay ipinangako nila sa isa’t isa na sila’y magsisikap at pagtitiyagaan nilang maabot ang kanilang mga pangarap upang maging maunlad ang buhay nila sa hinaharap.