Inasa na Lamang ng Dalaga ang Kinabukasan sa Pag-Aasawa ng Mayaman; Mapagtatanto Niya Bandang Huli ang Kahalagahan ng Edukasyon

“Anak, nakita ko na ang report card mo. Sana naman ay pagbutihin mo na ngayong semestre. Alam mo naman kung gaano kahirap para sa amin ng tatay mo ang makakuha ng pera para matustusan ang pag-aaral mo,” pakiusap ng inang si Jackie sa kaniyang anak na si Mabel.

“Susubukan ko, ‘nay. Sa totoo lang ay ayaw ko naman ng kurso kasing kinuha ko. Sobrang hirap! Saka lagi na lang akong pinag-iinitan kasi ng mga guro ko,” depensa naman ng dalaga.

“Anong ayaw mo, anak? Hindi ba ay ikaw ang namili ng kursong iyan? Pangatlong kurso mo na nga iyan, e. Dapat sa susunod na taon ay nakagraduate ka na. Pero hanggang ngayon ay nasa unang taon ka pa rin,” sambit naman ng ina.

“Nakikiusap ako sa’yo, anak, na galingan mo ang pag-aaral dahil tanging iyan lamang ang maipapamana namin sa iyo ng tatay mo,” dagdag pa ng ginang.

Tatlong taon na kasi sa kolehiyo itong si Mabel ngunit hanggang ngayon ay parang wala pa rin siyang balak na tapusin ang kaniyang pag-aaral. Sa totoo lang kasi ay tamad mag-aral ang dalaga. Hindi lamang niya maamin sa kaniyang mga magulang dahil alam niya kung gaano nais ng mga ito na makatapos siya.

“Gusto ko na talagang huminto ng pag-aaral, bes. Gusto kong magtrabaho na lang. Parang nasasayangan ako ng oras kasi sa mga taong ginugugol ko sa eskwelahan. Kung magtatrabaho ako’y kikita na ako kaagad at magkakapera na ako,” wika ni Mabel sa kaniyang kaibigan.

“Sa tingin mo ba ay papayagan ka ng mga magulang mo?” tanong naman ng kaibigan.

“Siyempre sa una, hindi. Pero kapag nakakapagdala na ako ng pera sa bahay ay tiyak kong papayag na rin sila,” tugon naman ng dalaga.

Advertisement

Kaya nagdesisyon na si Mabel na tuluyang sabihin sa kaniyang mga magulang ang kaniyang desisyon.

“At ano naman ang gagawin mo sa buhay mo, anak? Iba pa rin ang may pinag-aralan. Kung nahihirapan ka ay magdodoble-kayod ako para makuha kita ng tutor,” wika ni Jackie sa anak.

“Ayaw ko na nga pong mag-aral, ‘nay! Ang gusto ko ay magtrabaho na lang. Marami namang trabaho diyan na pwede kong pasukan. Saka hindi naman po ako yayaman sa pag-aaral. Sinasayang ko lang ang panahon ko diyan!” sambit pa ni Mabel.

“Anak, mas magkakaroon ka ng magandang kinabukasan kung mag-aaral ka. Tingnan mo kami ng tatay mo. Kahit paano’y maganda ang trabaho namin dahil nagtapos kami ng pag-aaral. Kapag nakapagtapos ka na ay saka mo gawin ang gusto mo. Mas mapapabayaan ka na namin ng tatay mo dahil alam naming may baon ka nang sandata, iyon ay ang edukasyon!” giit pa ng ina. 

“‘Nay, nakapagdesisyon na po ako! Bukas na bukas po ay hindi na ako papasok pa sa eskwela at maghahanap na ako ng trabaho. Kung ipipilit nyo pa ang gusto nyo’y tinitiyak ko sa inyo na nagsasayang na lang kayo ng pera at enerhiya sa akin,” wika pa ni Mabel.

Dahil maganda naman itong si Mabel ay mabilis siyang nakahanap ng trabaho sa pagmomodelo. Naging singer at dancer din siya sa isang bar at kumikita ng malaki dahil sa mga tip ng mga kostumer.

Naging dahilan lalo ng magandang kinikita ni Mabel upang hindi na niya balikan pa ang pag-aaral.

“Anak, tutal naman nakakaipon ka na, baka pwedeng mag-aral ka kahit bokasyonal lang. Kahit ‘yung mga kursong dalawang taon. Iba kasi talaga ang may tinapos,” pilit muli ni Jackie sa kaniyang anak.

Advertisement

“Bakit ko pa kakailanganin na mag-aral, ‘nay? Heto na nga at kumikita na ako. Saka sa dami ng nakikilala ko ay malaki ang tyansa na makapangasawa na lang ako ng mayaman! Sa katunayan nga ay may nanliligaw sa aking mayamang intsik ngayon. May-ari ng kompanya at handa raw niya akong pakasalan. Hindi ko na kailangan pang magtrabaho,” tugon naman ni Mabel. 

“Anak, huwag mong ilagay sa ibang kamay ang kinabukasan mo. Alam kong pinakamadaling paraan para yumaman ay ang pag-aasawa ng mayaman. Pero mas mainam na may pinag-aralan ka. Nang sa gayon ay hindi ka rin nila maliitin,” payo ng ina.

Ngunit kahit ano pa ang sabihin ni Jackie ay hindi na nakikinig ang anak. Hanggang sa tuluyan na nitong sinagot ang manliligaw niyang intsik na si Lei at saka siya ibinahay nito. 

Sa una ay naging maayos naman ang buhay ni Mabel. Masaya nga siya sapagkat nabibili niya ang lahat ng kaniyang naisin. Inialis siya sa kaniyang trabaho ng kaniyang kinakasama. At higit pa roon ay nakatira siya sa isang magandang condominium. Tila nasa kaniya na ang lahat ng kaniyang hinahanap.

Ngunit sa paglipas ng panahon ay tila nagbago ang lahat. Lalo na nang ipakilala siya ng kinakasama sa pamilya nito.

“Ano ba ang tinapos mo, iha?” tanong ng ina ni Lei.

Hindi makasagot si Mabel dahil hayskul lamang ang kaniyang tinapos.

“Saan ka ba natagpuan nitong anak ko? Balita ko ay sa isang bar lang. Kung ako sa iyo ay uumpisahan ko nang lumayo kay Lei. Aaminin ko na sa’yo, hindi kita gusto para sa kaniya. Wala kang pinag-aralan at wala kang maiaambag sa pamilya namin. Isa pa, huwag mo kaming bigyan ng kahihiyan. Alam ko naman kung ano lang ang habol mo sa anak ko,” pahayag pa ng mayamang ginang.

Advertisement

Labis na nasaktan si Mabel sa tinuran ng ina ng kaniyang kinakasama.

Ang mas masakit pa roon ay hindi man lamang siya pinagtanggol ni Lei at hinayaan lamang ang ina na gawin at sabihin ang kaniyang gusto.

Ilang buwan ang nakalipas mula noon ay hindi na rin siya inuwian pa ni Lei at nabalitaan na lamang niya na may iba na itong kasintahan. Alam niyang wala siyang laban sa bagong nobya ng kaniyang kasintahan dahil galing ito sa magandang pamilya, matalino, at may pinag-aralan. 

Dahil dito ay napagtanto ni Mabel ang matagal nang sinasabi sa kaniya ng kaniyang ina. Mali man na humusga ng tao dahil lamang sa kaniyang edukasyon ngunit nangyayari pa rin ang mga bagay na ito.

Umuwi si Mabel sa kaniyang mga magulang sa pagkakataong iyon at humingi ng kapatawaran. Tinanggap naman siya ng mga ito nang buong-buo. 

“’Nay, sana ay hindi pa po huli ang lahat. Nais ko po sanang mag-aral ulit at sa pagkakataon na ito’y gagalingan ko na talaga para sa aking hinaharap. Tama po kayo, hindi ko po dapat iasa sa iba ang kapalaran ko. Kung nais kong yumaman ay dapat kong pagyamanin ang aking kaalaman. Hindi man lahat ay natututunan sa paaralan ngunit iba pa rin ang may pinag-aaralan,” sambit niya sa kaniyang ina. 

Tuluyang tinalikuran na ni Mabel ang kaniyang nakaraan at muli na siyang bumalik sa pag-aaral. Sa pagkakataong ito ay lubusan na niyang sinipagan at ibinigay ang lahat ng kaniyang galing. Hindi nagtagal ay nakapagtapos siya ng pag-aaral.

Bukod sa may magandang trabaho si Mabel ay mayroon din siyang isang negosyo. Simula noon ay nagpatuloy na ang pag-unlad ng kaniyang buhay. Taas noo na rin siya sapagkat alam niyang hindi na siya kaya pang husgahan ng kahit sino dahil sa kaniyang narating.

Advertisement

Labis ang kaniyang pasasalamat sa kaniyang ina na walang sawang gumabay at nagpaalala sa kaniya ng kahalagahan ng edukasyon.