Inihanda na ng Ama ang Paghihimlayan sa Bata; Hindi Nila Akalaing Isang Araw ay Gigising Pa Ito

Inihanda na ng Ama ang Paghihimlayan sa Bata; Hindi Nila Akalaing Isang Araw ay Gigising Pa Ito

FamilyMiracleStories

“Astrid, kailangan na nating mag-usap. Tungkol ito sa ating anak,” saad ni Boyet sa kaniyang asawa. 

“Kung tungkol na naman ito sa pagtanggal ng mga aparato niya, Boyet, ay wala na tayong dapat pag-usapan pa. Buo na ang desisyon ko. Mananatili ang mga aparato para mabuhay si Carl. Naniniwala ako na isang araw ay gigising din siya,” tugon naman ng ginang. 

“Bilang magulang ni Carl ay nais ko din namang mabuhay siya. Pero tingnan mo na ang nangyayari sa atin. Ilang taon na ba siyang nasa ospital at nakaratay doon? Sa paglipas ng panahon ay hindi din naman bumubuti ang lagay niya. Baka mas lalo lamang natin siyang pinapahirapan, Astrid! Makinig ka naman sa akin,” giit muli ni Boyet. 

“Sarado ang isip ko kung ipipilit mo na naman ang gusto mo, Boyet. Ilalaban ko ang anak natin kahit saan pa ako makarating. Kahit mamalimos ako sa daan ay gagawin ko para lang madugtungan ko kahit isang saglit ang buhay niya!” pagtangis pa ni Astrid. 

Tandang-tanda pa ni Astrid ang huling araw na nakita niyang masayang naglalaro ang kaniyang anak. Tuwang-tuwa ito na nagtatatakbo sa kanilang hardin at tangan ang laruang eroplanong iniregalo nilang mag-asawa. 

Naririnig pa niya ang ingay na ginagawa nito hanggang sa nagtaka siya dahil tila natahimik na ang bata. Nang silipin niya mula sa loob ng bahay ang naglalarong anak ay napatakbo siya sa labas nang makita niyang wala na itong malay. 

Agad niya itong dinala sa ospital. Ang sabi ng mga doktor ay may pumutok daw na ugat sa utak nito. Naoperahan man ang bata ay hindi na ito gumising pa. Simula noon ay tuluyan nang nagbago ang masayang pamilya ni Astrid. 

Sa loob ng tatlong taon ay walang pagbabago sa lagay ni Carl. Lantang gulay pa rin ito at walang malay. Tanging ang mga aparato na nga lang ang bumubuhay sa bata. Ngunit hindi tumigil sa panalangin si Astrid. Naniniwala siya na isang araw ay tuluyan nang gigising ang anak ay muli niya itong makikitang maglaro. 

Ngunit sa tagal na rin ng kalagayan na iyon ng kaniyang anak ay nawawalan na ng pag-asa ang asawa niyang si Boyet. Bukod kasi sa malaki na ang kinakailangan nilang bayaran sa ospital ay naibenta na rin nila ang kanilang mga ari-arian. Kaliwa’t kanan din ang kanilang mga utang. 

Kaya nais sana niyang huwag nang pahirapan pa ang anak at maging silang mag-asawa. Pilit niyang kinukumbinsi si Astrid na tanggalin na ang aparatong bumubuhay sa anak ngunit malaki ang pagtutol ng ginang. 

Isang araw ay hindi sinasadyang marinig ni Astrid ang asawa na may kausap sa kaniyang telepono. 

“Ano ‘yung narinig kong tungkol sa sementeryo na pinag-uusapan n’yo ng kausap mo?” nangangambang tanong ni Astrid sa asawa. 

“May mura kasing lupa sa sementeryo na ipinagbibili sa akin ng kaibigan. Tutal sa tingin ko ay kakailanganin natin ‘yun, sabi ko ay bibilhin ko na,” walang kaabog-abog na sagot ng mister. 

“Tungkol na naman ba ito kay, Carl, Boyet?” hindi na naiwasan ni Astrid na magtaas ng kaniyang boses. 

“Paano mo naaatim na gawin sa anak mo ang ganiyang bagay, Boyet?! Ama ka niya! Sa lahat ng tao ay dapat ikaw ang nagbibigay sa akin ng pag-asa na mabubuhay pa siya!” nanginginig na ang katawan ni Astrid sa sobrang galit sa asawa habang patuloy ang kaniyang pagsigaw.

“Kailangan mong tanggapin ang katotohanan, Astrid! Wala nang patutunguhan pa ang pagkapit mo sa pag-asa mo! Kailangan nating magpatuloy sa buhay. At kailangan mong tanggapin na hindi na kasama do’n si Carl. Isuko mo na ang buhay ng anak mo dahil pare-pareho na tayong nahihirapan!” bulyaw naman ni Boyet. 

“Hindi ako makapaniwala sa mga sinasabi mo! Hinding-hindi dapat mangyari na ang magulang ang maglilibing sa kaniyang anak. Gagawin ko ang lahat upang mabuhay si Carl. Hanggang hindi siya sumusuko ay lalaban din ako para sa kaniya. Kung hindi mo na kaya ay pwede ka nang umalis sa buhay naming mag-ina,” umiiyak na wika nI Astrid sa kaniyang asawa. 

Sa puntong iyon ay tuluyan na ngang naghiwalay sina Astrid at Boyet. Masakit man sa ginang na nauwi rin sa paghihiwalay ang kanilang relasyon ay kailangan niyang tatagan ang kaniyang dibdib para sa anak na may sakit. 

Walang araw na hindi dumaan si Astrid sa ospital. Kahit na matindi ang kapit niya sa Panginoon na gagaling pa ang kaniyang anak ay hindi niya rin maialis na panghinaan ng loob. Patuloy rin kasi ang paglobo ng kanilang gastusin sa ospital at hindi na alam ng ginang kung saan pa siya kukuha ng pera. 

“Malaki na po ang utang nyo sa ospital. Kung hindi na po kayo makakabayad ay kailangan na po naming tanggalin talaga ang aparato sa inyong, anak,” sambit ng doktor kay Astrid. 

“Baka naman po pwede niyo pa akong bigyan ng ilang buwan, dok. Hahanap ako ng paraan para makabayad kahit paano, basta bigyan n’yo lang ako ng sapat na panahon,” pagmamakaawa ng ginang. 

“Misis, tatapatin ko na kayo, tanging milagro na lang ang makakapgsalba sa buhay ng inyong anak. Tatlong taon na rin po tayong naghihintay sa paggising niya pero wala pa rin. Saka nakapagdesisyon na po ang pamunuan ng ospital. Ipinaparating ko lang po sa inyo ang sinabi nila sa akin,” saad pa ng doktor. 

Pilit mang nakikiusap si Astrid ay wala na siyang nagawa pa. Napaupo na lamang siya sa sahig dahil hindi na niya alam ang kaniyang gagawin. Hanggang sa naisip niyang tuluyan nang ibenta ang bahay, ang kaisa-isang ari-arian na natitira sa kaniya. 

Kahit na pinipigilan siya ng ilang kaanak ay hindi siya nagdalawang-isip. Ngunit maging ang pinagbentahan ng kanilang bahay ay hindi pa rin sasapat sa gastusin sa ospital. Napilitan siyang lumapit kung kani-kanino.

Dahil walang-wala nang malapitan si Astrid ay muli siyang tumawag sa Panginoon. 

“Diyos ko, bigyan Niyo pa ako ng lakas ng loob para lumaban. Mahal na mahal ko si Carl at alam kong gigisingin Niyo pa siya. Muli siyang magbabalik sa akin at muling babalik ang kaniyang sigla. Lahat ng ito ay itinataas ko na Sa’yo, Panginoon ko,” wika ni Astrid. 

Sa puntong iyon ay isinuko na si Astrid ang lahat sa Panginoon. 

Pagkatapos niyang manalangin ay agad siyang natungo sa ospital upang tingnan ang kaniyang anak. Ngunit laking gulat niya nang makitang wala na ito sa silid. 

‘N-nasaan ang anak ko, nars?” nangangatog na tanong ng ginang. 

“B-bakit wala na sa ICU ang anak ko, nars. N- nasan ang anak ko,” nanlalambot na ang mga tuhod ni Astrid sa kaba ngunit pilit niya itong nilalabanan. 

“Ginang, tinanggal na po ang aparato ng inyong anak,” saad ng nars. 

Gulat na gulat si Astrid. Hindi niya alam ang kaniyang gagawin dahil sa kaniyang narinig. 

“Ginang, tinanggal na po ang aparato ng inyong anak dahil nagising na po siya. Kahit po kami ay hindi namin alam kung paano ito nangyari,” dagdag pa ng nars. 

Nanlaki ang mga mata ni Astrid sa pagkabigla. Patakbong nagtungo ang ginang sa silid na sinabi ng nars na pinaglipatan sa kaniyang anak. Nang makarating siya sa pinto nito’y dahan-dahan niyang binuksan ang pinto ay doon ay nakita niya ang anak na dilat na ang mga mata at hinahanap siya. 

Patuloy ang pagpatak ng luha ni Astrid. Masaya rin siyang makita ang kaniyang asawa na nasa tabi na ng anak. 

“Isang himalang maituturing ang sitwasyong ito, misis,” bungad ng doktor kay Astrid. 

Ngunit tila wala nang naririnig pa si Astrid dahil ang isip niya ay nakatuon na sa kaniyang anak. 

“Maaari ba kitang mayakap, anak? “ umiiyak na tanong ni Astrid kay Carl. 

“Hindi ako binigo ng Panginoon. Muli ka Niyang ibinalik sa akin, anak! Hindi sapat ang mga salita para maipaliwanag ko ang kasiyahan na nararamdaman ko ngayon! Labis akong nangulila sa’yo, Carl!” patuloy sa pagtangis si Astrid. 

Humingi naman ng tawad si Boyet sa ginawa niya sa kaniyang asawa. Ang hindi alam ni Astrid ay patuloy pa rin sa pagsuporta ang mister sa kaniyang anak at patuloy itong nagbabayad sa ospital. 

“Napagtanto kong tama ang lahat ng sinabi mo. Pasensiya ka na sa mga nagawa ko sa inyo noon. Mabuti na lamang ay hindi ka sumuko, Astrid. Ngayon ay buo na muli ang pamilya natin at kasama na natin si Carl,” sambit ni Boyet.

“Kahit wala nang matira sa akin basta maisalba ko ang buhay ng anak natin. Masaya akong makitang narito muli siya at kapiling natin. Maraming salamat sa Panginoon dahil sa Kaniya’y nagkaroon tayo muli ng pagkakataong makasama si Carl,” sambit pa ni Astrid. 

Sa puntong iyon ay wala nang mahihiling pa si Astrid kung hindi ang tuluyang paggaling ng anak. Lahat ng kaniyang sakripisyo at panalangin ay nagbunga na sapagkat muli ay mabubuo na ang kanilang masayang pamilya. 

More Stories