Labis ang Galit ng Guro sa Estudyanteng Laging Nahuhuli sa Kaniyang Klase; Nakahahabag Pala ang Dahilan Nito

Hindi pa pumuputok ang araw ay isa-isa nang nagdaratingan ang mga estudyante sa paaralan. Eksaktong alas syete kasi ang tunog ng bell, hudyat na magsisimula na ang kanilang klase. Ngunit nakaupo na ang lahat sa silid-aralan at tinatawag na ang mga pangalan ng mga bata para sa attendance ay wala pa rin ang batang si Otep. 

Makalipas ang sampung labing limang minuto ay humahangos ang bata na dumating.

“Huli ka na naman sa klase, Otep. Kahapon ay nahuli ka rin. Ngayon ay huli ka na naman! Ano pang matututunan mo niyan kung palagi kang nahuhuli? Mabuti na lamang ay hindi pa ako nagsisimula. Umupo ka na roon sa upuan mo at magtuturo na ako!” saad ng gurong si Ginang Cruz. 

Nakayukong nagtungo si Otep sa kaniyang upuan habang pinagtatawanan ng ilang bata.

Kinabukasan habang nasa klase na si Ginang Cruz ay nakita na naman niyang bakante ang upuan ni Otep. Nakakunot na ang kaniyang noo at nais na niyang lagyan ng absent ang attendance ng bata ngunit maya-maya’y humahangos na naman itong pumasok ng kaniyang silid.

“Huli ka na naman sa klase, Otep. Araw-araw ka na lang nahuhuli! Hindi mo ba talaga kayang gumising nang maaga. Alam mo bang napaka iresponsable ng ginagawa mo? Bukas kapag nahuli ka pa ay imbis na late ang ilalagay ko sa talaan ay absent ang ilalagay ko. Seryoso ako, Otep. Kailangan ko iyang gawin upang magtanda ka!” naiinis nang sambit ng guro. 

“Pasensiya na po kayo, Ginang Cruz. Pinipilit ko naman pong dumating sa tamang oras pero –” wika ni Otep.

Pilit mang nagpapaliwanag ang bata ay hindi na siya pinakinggan pa ng guro. Agad nitong pinutol ang sinasabi ng bata.

Advertisement

“Huwag ka nang magpaliwanag, Otep. Kapag naulit pa ito’y ibabagsak na talaga kita. Tandaan mo itong sinasabi ko sa iyo! Umupo ka na sa upuan mo at magsisimula na akong magturo. Nang dahil sa iyo ay naaabala na ang klase,” galit na sambit ng guro. 

Lubusang napahiya si Otep dahil pinagalitan siya ng guro sa harap ng kaniyang mga kamag-aral. Pinipigilan niya ang kaniyang mga luha na tumulo dahil mas nakakahiya kung siya ay iiyak.

Habang naglalakad si Otep pauwi ng kanilang bahay ay halos matulala na siya sa pag-iisip kung paano siya makakapasok nang maaga. 

Ngunit kinabukasan ay nabigo siya. Alam niyang sa pagkakataong ito ay pagagalitan muli siya ng kaniyang guro.

“Huwag na lang kaya akong pumasok,” bulong ni Otep sa kaniyang sarili.

Ngunit lagi niyang naaalala ang sinabi ng kaniyang ina. Tanging ang edukasyon ang mag-aahon sa kanila.

Kahit na halos isang oras nang huli sa klase itong si Otep ay pinilit pa ring niyang pumasok ng paaralan.

“Pumasok ka pa? Hindi ba sabi ko sa’yo kapag nahuli ka pa’y ibabagsak na talaga kita? Mabuti na lang kung magaling ka sa eskwela, Otep. Pero wala, hindi mo rin alam ang mga pinag-aaralan dahil hindi ka nakakasunod. Nahuhuli ka na nga sa pagpasok ay lagi pang lumulutang ang isip mo. 

Advertisement

Kailangan kong makausap ang nanay mo dahil bukas ay hindi na talaga kita tatanggapin sa klase ko! Iresponsableng bata! Hindi mo alam kung ano ang tungkulin mo dito sa paaralan!” sigaw ni Ginang Cruz.

“Ngunit hindi po maaari, Ginang Cruz dahil –” saad ng bata.

“Hindi na ako tatanggap pa ng kahit anong dahilan, Otep. Alam ko namang tinatanghali ka lang ng gising dahil sa kakapuyat mo sa kakalaro. Hindi ba, tama ako?” bulyaw ng guro. 

“O, ‘di ba, hindi ka na nakasagot? Alam mo kasing tama ako! Kakausapin ko ‘yang nanay mo, a! At sasabihin ko ang mga ginagawa mo! Baka akala niya ay ayos lang sa akin ng pagiging huli mo sa klase. O baka mamaya ay hindi niya pa alam ito!” dagdag pa ni Ginang Cruz.

Napilitan na lamang umupo si Otep sa kaniyang upuan. Tulad ng mga nakalipas na araw ay hindi siya makatingin kahit kanino dahil sa pagkapahiya.

Dahil hindi maiharap ni Otep ang kaniyang ina ay napilitan na lamang siyang hindi pumasok. Alam kasi niyang papagalitan na naman siya ni Ginang Cruz at ipapahiya sa harap ng klase. At dahil sa kaniya ay naaabala ang pagtuturo nito. 

Dalawang araw ang nakalipas at nagulat na lamang siya nang makita ang kaniyang guro sa labas ng kanilang bahay.

“Nariyan ba ang nanay mo, Otep? Nais ko siyang makausap!” giit ni Ginang Cruz.

Advertisement

“Ma’am, kasi po –” nakayukong sambit ni Otep.

“Ano na naman ang idadahilan mo sa akin, Otep? Kailangan kong makausap ang nanay mo upang masabi ko sa kaniya ang problema mo sa pagpasok sa tamang oras!’ wika ng ginang. 

Imbis na magsalita ay pinatuloy na lamang ni Otep sa kanilang bahay ang kaniyang guro. Laking gulat ni Ginang Cruz nang makita ang sitwasyon ng bata. Mababanaad sa tinitirhan nito ang kahirapang kanilang pinagdaraanan. 

Sa isang sulok ay naroon ang papag kung saan nakahiga ang ina ni Otep.

“Ito po ang dahilan kung bakit lagi po ako nahuhuli sa klase. Tuwing umaga po kasi ay naghihintay pa ako ng kapitbahay na pwedeng tumingin sa aking ina. Madalas po ay kailangan ko na lang siyang iwan na mag-isa dahilan kung bakit hindi po ako mapalagay sa klase at tila lumulutang ang isip ko.

Wala na po kasing ibang titingin sa nanay ko. Tanging kaming dalawa na lang po. Umaasa na lang din po ako sa mga tulong na ibinibigay ng mga kakilala at kamag-anak. Minsan po ay nangangalakal din ako para kahit paano ay may panggastos kami,” wika ni Otep.

Sa puntong ito ay hindi na napigilan pa ng bata ang maluha.

“Kaya pasensiya na po kayo, Ginang Cruz, kung palagi po akong huli sa klase. Kung alam nyo lang po ang pagnanais kong makapag-aral. Ayaw ko pong mahinto sa pag-aaral dahil alam ko pong ito lang ang tanging paraan para umasenso ang buhay namin ng nanay ko. Baka sakaling maipagamot ko siya kung hindi pa huli ang lahat!” patuloy sa pag-iyak si Otep. 

Advertisement

Nahabag si Ginang Cruz nang malaman ang sitwasyon ni Otep. Nanliit siya dahil sa mga sinabi niya sa bata. Napakaresponsable at maalalahanin palang anak si Otep.

Hindi din napigilan ni Ginang Cruz na maluha sa bigat ng kaniyang dibdib. Sa sandaling iyon mismo ay humingi siya ng tawad sa kaniyang estudyante.

“Patawarin mo ako kung hindi ko pinakinggan ang mga paliwanag mo, Otep. Mali ako. Maling-mali ang nagawa kong iyon. Dapat ay mas inunawa kita,” paghingi ng paumanhin ng guro.

Dahil alam na ni Ginang Cruz ang sitwasyon ni Otep ay tinulungan niya ito na makahabol sa kaniyang aralin. Madalas din ay pinupuntahan niya ito sa bahay upang turuan at ibigay ang ilang asignatura kung hindi man siya makakapasok.

Upang makabawi din, ay inilapit ni Ginang Cruz ang sitwasyon ni Otep sa mga akmang kawani ng gobyerno upang mabigyang pansin ang kalagayan ng mag-ina.

Labis naman ang pasasalamat ni Otep dahil kahit paano’y naging mas maluwag na ang kanilang buhay. At patuloy na bumubuti na ang lagay ng inang may sakit dahil napasuri na ito sa doktor.

Malugod na ipinagpatuloy ni Otep ang kaniyang pag-aaral. Baon niya sa kaniyang puso ang buong pag-asang matupad ang kaniyang mga pangarap.