Inday TrendingInday Trending
Lingid sa Kaniyang Kaalaman ay Ginawa Siyang Tagapagsilbi ng Asawa sa Kalaguyo Nito; Malalaman Niya pa Kaya ang Katotohanan?

Lingid sa Kaniyang Kaalaman ay Ginawa Siyang Tagapagsilbi ng Asawa sa Kalaguyo Nito; Malalaman Niya pa Kaya ang Katotohanan?

Nanginginig ang laman ni Jessica sa inis habang panay ang halo ng niluluto sa kawali. Gusto niyang humagulhol at magwala ngunit hindi niya magawa. Gusto niyang panatilihin ang awra kahit na ang totoo’y sobra nang naaapakan ang kaniyang pagkatao.

Alas singko pa lang ng umaga’y ginising na siya nang kaniyang asawang si Matthew upang paglinisin ng bahay at paglutuin ng maraming putaheng ulam, dahil ayon rito’y may darating itong bisita. Kahit labag sa loob ay sinunod niya ang mga inutos nito dahil ayaw naman niyang mapahiya ang asawa sa mga bisita nito.

Ngunit laking gulat niya nang ang dumating na bisita ay nag-iisa lamang at babae pa. Kilala niya ang babae at alam niyang bago pa lang itong empleyado sa kumpanya nila. Agad niyang kinausap ang asawa sa labis na pagtataka.

“Akala ko ba marami kang darating na bisita?” taka niyang tanong.

“Hindi natuloy ang iba, mahal, kaya si Vivian lamang ang naparito. May mga importante lamang kaming pag-uusapan doon sa VIP room. Pwede bang hatiran mo kami ng maiinum at makakain?” malambing na pakiusap ng asawa.

Labis man ang pagtataka’y tumango si Jessica bilang pagtugon.

Ngunit nang kaniyang hinatid ang maiinom ng asawa at ng bisita nito’y isang kagimbal-gimbal na katotohanan ang narinig niyang pinag-uusapan ng dalawa.

“Naiintindihan ko na ngayon kung bakit nagsawa ka na sa asawa mo,” anang boses ng babae. “Akala ko nga kanina’y siya ang kasambahay niyo. Kung hindi mo pa siya pinakilala sa’kin ay hindi ko iisiping siya ang iyong asawa,” natatawang dugtong nito.

“Sinabi ko naman sa’yo, ‘di ba? Losyang na losyang na ang itsura niya! Nakakawalang gana na. Kaya nga sa t’wing nakakasama kita’y nag-iinit ako kasi ang sarap mo e,” namamaos at puno ng pagnanasang sambit ni Matthew.

“Kung hindi lang talaga dahil sa yaman niya’y matagal ko na sana siyang iniwan. Pasalamat siya at may napapakinabangan ako sa kaniya,” dugtong ni Matthew na mas lalong nagpadurog sa puso ni Jessica.

Ang sumunod niyang narinig ay ang hagikhikan ng dalawa. Gusto niyang magwala at pagsasampalin ang dalawang traydor. Ang kapal din naman talaga ng mukha ni Matthew! Hindi man lang ito nahiya sa kaniya? Talagang dinala pa nito sa bahay nila ang kabit nito at siya pa ang pinagsisilbi. Mga taksil!

Ngunit imbes na magwala at hayaang magtagumpay ang dalawang taksil ay sinikap ni Jessica na pakalmahin ang sarili. Marahan siyang kumatok at marahang binuksan ang pinto. Parang walang nangyaring suot ang matamis na ngiti sa labi na ibinigay sa dalawa ang maiinom.

“Baka nauuhaw na kayo sa ginagawa ninyong meeting,” nakangiting wika ni Jessica. “Ito uminom muna kayo.”

“Salamat mahal,” masayang sambit ni Matthew.

Ang ngiting noon ay kinagigiliwan niyang tignan, ngayon ay tila may nakakapasong asido na itong taglay.

Matapos niyang ibigay ang inumin ng dalawa’y bumalik siyang muli upang bigyan naman ng makakain ang mga ito. Nanggagalaiti man ang kaniyang dibdib ay sinikap niyang huwag maging bastos sa harapan ng kabit ng asawa, hanggang sa makaalis ito matapos ang maghapong pagkukulong ng dalawa sa pribadong silid na iyon.

Simula no’ng araw na iyon ay binago nang lahat ni Jessica ang sarili— ibinalik ang dating siya noong hindi pa niya nakikilala si Matthew. Sa sobrang pagmamahal niya sa lalaki’y nakalimutan niya ang sarili. Mas inisip niya ang mga bagay na magpapasaya rito, kinalimutan ang sariling kaligayan.

Ibinuhos ang lahat upang maalagaan ito at maibigay ang mga bagay na kaya niyang ibigay, dahilan upang malosyang siya. Nakalimutan niyang mahalin ang sarili dahil mas minahal niya si Matthew.

Napansin ni Matthew ang malaking pagbabago ni Jessica na agad naman nitong kinuwestyon.

“Ano bang nangyayari sa’yo, Jessica?! Kung umasta ka’y daig mo pa ang dalaga ah! Ano ba itong ginagawa mo? Nagdadala ka nang kung sino-sinong tao dito sa bahay! Sabihin mo nga sa’kin, kabit mo ba iyong lalaking nagngangalang Bryan!” gigil na singhal ni Matthew.

Imbes na sagutin ang asawa’y tinawanan lamang niya ito dahilan upang magtaka ito sa ginagawa niya.

“Anong nakakatawa?”

“Ikaw, ikaw ang nakakatawa,” natatawang turo ni Jessica sa asawa. “Pinagbibintangan mo ako sa bagay na hindi ko pa ginagawa, pero ikaw wala kang narinig mula sa’kin matapos mo akong g@guhin nang harap-harapan!”

Nanatiling tikom ang bibig ni Matthew sa binibintang ni Jessica sa kaniya.

“Alam ko ang lahat nang ginagawa mo, mahal kong asawa. Alam kong kabit mo si Vivian na sa sobrang kakapalan ng mukha mo’y nakuha mo pang dalhin dito sa bahay natin. Alam kong nagsasawa ka na sa’kin dahil losyang na ako’t animo’y may sampung anak!” gigil na wika ni Jessica.

“Narinig—”

“Oo!” putol niya sa sasabihin nito. “Nga pala, mahal, nakapag-apila na ako ng annulment, ang kailangan ko na lang ay ang pirma mo at tuluyan nang mapapawalang bisa ang kasal natin na nagtatali sa’kin sa isang kagaya mong yaman lang ang kailangan sa’kin.

Kung kabit ko man si Bryan, siguro’y wala ka nang pakialam doon, kasi may kabit ka rin naman,” nang-iinis na wika ni Jessica. “Ah! Nga pala… baka nakalimutan kong banggitin. Wala kang karapatang umapela sa isinampa kong pagpapawalang bisa sa kasal natin, dahil may mga matitibay akong pruweba sa panlolokong ginawa mo.

Sa oras na ma-annul ang kasal natin, siguro naman ay pwede na kitang tanggalin sa kumpanyang itinayo pa ng mga magulang ko, kasama nang kabit mo. Ang kapal na lang nang mukha niyong dalawa kung ipagsisiksikan niyo pa ang sarili niyo sa kumpanya ko,” aniyang may riin ang bawat salita, saka dire-diretsong naglakad paakyat sa kwarto nila.

Ilang beses mang humingi ng kapatawaran si Matthew ay hindi na iyon pinagbigyan pa ni Jessica. Sapat na ang mga taong niloko siya’t ginamit ni Matthew. Hinding-hindi na siya magpapabilog pa rito.

Kinalimutan niya ang sarili para mahalin ang taong siyang dudurog sa kaniya. Sapat na ang kat@ngahang iyon. Gigising na siya sa katotohanang ang kayamanan lamang niya ang mahal ni Matthew.

Advertisement