Inday TrendingInday Trending
Palagi Niyang Kinukunsinti ang Anak sa T’wing Nakakagawa ng Mali; Magsisisi Kaya Siya sa Ginawang Pagpapalaki Rito?

Palagi Niyang Kinukunsinti ang Anak sa T’wing Nakakagawa ng Mali; Magsisisi Kaya Siya sa Ginawang Pagpapalaki Rito?

Maraming tao ang nasa hukumang iyon ang naghihintay na masentensyahan. Isa na sa mga naghihintay na iyon ay si Justin. Dahil sa patong-patong na kaso’y natagalan ang hukumang hatulan siya. Makalipas ang limang taong pagkakakulong ay ngayon pa lamang siya masesentensyahan ni Judge Rodrigo, nang habang buhay na pagkakakulong dahil sa kasong frustrated murd*r, estafa, at carnapping, kasama na ang kasong may kinalaman sa dr*ga.

Muntik na niya kasing mapat@y si Mr. Delos Santos matapos niyang itakas ang ilang libong pera nito kasama ang kotse nitong dala noong nangyari ang alitan nila. Kaya naging patong-patong ang kaniyang kaso at nakulong muna siya nang ilang taon, saka pa nakapagdesisyon ang hukuman.

  • Matapos ipalo ni Judge Rodrigo ang hawak na martilyong panghukom ay agad na inikot ng kaniyang paningin ang buong silid. Hinahanap ang presensya ng kaniyang ina na ngayon ay humahagulhol ng iyak sa kapalarang sinapit.

    Lumapit ito sa gawi niya saka humahagulhol nang niyakap.

    “Patawarin mo ako, anak,” tumatangis nitong sambit. “Kasalanan ko ang lahat nang ito. Kung sana noon pa man ay dinisiplina na kita nang tama ay hindi mangyayari ang bagay na ito sa’yo. Kasalanan ko ang lahat… dahil hindi kita napalaki nang tama,” patuloy nito.

    Hindi na pigilan ni Justin ang mga luhang nag-unahang dumaloy mula sa kaniyang mga mata. Hindi niya kayang sisihin ang ina, pero baka nga tama ito. Agad na nag-unahang pumasok sa kaniyang alaala ang nakaraan.

    “Hoy! Daisy, sawayin mo nga iyang anak mong si Justin. Kanina pa iyak nang iyak ang anak kong si Marvin, kasi ninakaw niya ang lapis ng anak ko!” gigil na wika ng ina ni Marvin.

    “Lapis lang pala e! Bilhan ko pa anak mo ng sampung lapis! Akala mo naman mamahalin ang lapis ng anak mong kinuha ng anak ko!” gigil namang tugon ni Daisy sa ina ng kaklase ni Justin.

    Grade 1 siya no’ng nangyari ang bagay na iyon. Nagustuhan niya ang lapis ng kaklaseng si Marvin kaya naisip n’yang kunin ito at itago. Pero imbes na pagalitan siya ng kaniyang ina ay ipinagtanggol pa siya nito at binilhan na lamang ng bagong lapis si Marvin.

    “Daisy! Nasaan ang anak mong klepto! Pakisaway naman iyan, Daisy, habang maliit pa ang sung@y. Baka kapag tumanda iyan ay hindi mo na kayang kontrolin!” gigil at naglalabasan na ang ugat sa leeg ni Aleng Nena, habang hinahanap siya sa ina.

    “Ano bang pinagsasabi mong matanda ka?! Bakit ang anak ko na naman ang nakita mo?!”

    “Magnanakaw kasi iyang anak mo! Pumasok siya sa tindahan ko at kumuha ng pera! Ayos lang sana kung ang kinuha niya’y bente lang! Limang daan ang kinuha niyang dem*onyo mong anak!” nanggagalaiting sambit ni Aleng Nena.

    “Nagbibintang ka na naman! Baka nag-uulyanin ka lang kaya ka ganiyan! Umuwi ka na sa inyo! Walang ninakaw ang anak ko sa’yo!” taboy pa niya sa matanda.

    “Tandaan mo, Daisy! Hindi habang buhay bata ang anak mo. Habang lumalaki iyan ay tumitigas din ang sung@y niyan! Mas maiging putulin mo na ang sung@y niyan ngayon habang malambot pa. Baka dumating ang panahon, hanggang iyak ka na lang!” mariing payo ni Aleng Nena saka inis na umalis.

    Alam nang kaniyang ina ang kasalanang ginawa. Ngunit imbes na pagalitan siya ay tumawa lamang ito at sinabing ayos lamang iyon, bagay naman sa matanda ang manakawan, basta huwag na lamang niyang uulitin.

    Marami siyang naging kasalanan na pinagtakpan ng ina, mga kasalanang kinunsinte nito. Dahil sa labis nitong pagmamahal sa kaniya, ngunit mali pala iyon.

    Mahigpit niyang niyakap ang humahagulhol na ina. “Dahil sa labis na pagmamahal mo sa’kin mama, nakalimutan mong kailangan mo pala akong disiplinahin. Sa labis na pagmamahal mo sa’kin kaya ako naging pasaway, na spoiled mo ako sa mga maling ginagawa ko dati na akala ko’y tama, kasi hindi mo naman ako pinapagalitan,” umiiyak na wika ni Justin. “Patawarin mo rin ako mama kung naging isa akong pabigat na anak sa inyo. Wala na po akong magagawa, tapos na po ang hatol.”

    Humigpit ang yakap ni Daisy sa anak saka nagpatuloy sa pag-iyak. Naalala niya ang lahat nang mga payo noon ng mga inang nagawan ng kasalanan ni Justin.

    “Baliin mo na ang sungay ng anak mo habang malambot pa. Dahil ikaw lang rin ang mahihirapan kapag lumaki na iyan at mahirap nang baliin dahil matigas na.”

    Kung sana noon sa t’wing nakakagawa ng kasalanan ang anak ay pinapagalitan niya’t pinagsasabihan, baka hindi ganito ang naging buhay ni Justin. Isang malaking mali pala ang naging rason niya noon— masyado pang bata ang anak ko kaya hindi pa niya alam ang kaniyang mga ginagawa.

  • Bilang mga magulang, obligasyon nating disiplinahin ang mga anak natin at hubugin sa tamang paraan. Pagalitan at pagsabihan kapag nagkakamali, at huwag na huwag kukunsintihin. Ayon nga sa lumang kasabihan, nasa huli ang pagsisisi.

    Advertisement