Inday TrendingInday Trending
Nagmahal ang Lalaki ng Isang Dalagang Ina; May Payo ang Kaniyang Ina na Magpapaluha sa Kaniya

Nagmahal ang Lalaki ng Isang Dalagang Ina; May Payo ang Kaniyang Ina na Magpapaluha sa Kaniya

Simula noong nagkaroon na ng sariling trabaho si Clifford ay nagdesisyon siyang humiwalay na sa poder ng kaniyang mga magulang. Ninais niyang maging independent at subukan ang buhay na siya na lang mag-isa.

Hindi naman niya matawag ang sariling bread winner dahil hindi naman siya ang inaasahan ng kaniyang pamilya sa lahat ng gastusin. Kung tutuusin ay solo lamang niya ang kaniyang pera at nagbibigay lamang siya sa mga magulang kapag gusto niya.

Naisip niyang umuwi sa bahay nila sa araw na iyon dahil tatlong araw ang hiningi niyang leave. Sa nakalipas na ilang buwang pagtatrabaho’y ngayon pa lang siya mag-di-day-off nang medyo matagal-tagal.

Namiss niyang makasama ang buong pamilya, na isa rin sa dahilan kaya nagpaalam siyang aabsent ng ilang araw.

“‘Nak, hanggang ngayon ba’y wala ka pa ring nobya?” Seryosong tanong ng kaniyang ina na si Clara.

Umiling si Clifford at matamlay na ngumiti. “Wala pa ring nagkakamali, mama.”

“Masyado ka naman yatang pihikan, anak, kaya ganiyan. Tingnan mo ang mga kapatid mong mas bata sa’yo may mga kaniya-kaniyang dala na. Ikaw kailan?” pabirong wika ng kaniyang ama.

Mahinang tumawa si Clifford sa sinabi ng amang si Johnny. “Hindi pa siguro isinisilang ang babaeng papatol sa’kin,” biro niya.

“Naku! Huwag ka kasing maging masyadong pihikan anak,” ani Clara. “Ang hanapin mo’y iyong babaeng matino at mabait kahit hindi pang-artista ang ganda, basta may magandang ugali. Ayos na iyon.”

“Paano naman mama, kung ang mahanap kong gano’ng babae ay isang single mom? Matatanggap niyo pa rin ba?” Nagbabakasakali niyang tanong.

Wala pa naman talaga siyang babaeng nagugustuhan. Hindi pa siguro dumadating ang babaeng magpapatibok sa puso niya. Pero gusto lamang niyang malaman ang magiging reaksyon ng ina, kung sakali mang sa isang dalagang ina mahulog ang puso niya.

“Oo naman,” walang pagdadalawang isip na sagot ni Clara. “Ang sabi ko nga sa’yo hindi ba’y maghanap ka ng babaeng mabait at mahal ka saka matino ayos na iyon,” dugtong nito.

Siya naman ang nagulat sa sinabi ng ina. Ang akala niya’y sisinghalan siya nito at pagagalitan saka pagsasabihan. Ngunit kabaliktaran ang nakita niyang reaksyon ng ina.

“B-bakit?” taka niyang tanong.

“Anong bakit?” natatawang sambit nito. “Siyempre, hindi naman niya kasalanan kung bakit siya naging isang dalagang ina, Clifford. Kaming mga babae, hindi naman kami basta-basta bubukaka kung hindi talaga namin mahal ang lalaki.

Kung nagkataon mang nabuntis siya no’ng lalaking minahal niya’t pinagbigyan niya ng lahat, hindi niya kailanman magiging kasalanan ang pagbuhay sa anak niya kahit alam niyang siya na lang mag-isa ang gagawa no’n dahil iniwan na siya ng boyfriend niyang walang bay@g.

Mas bilib nga ako sa mga babaeng nakayanang buhaying mag-isa ang anak nila. Isipin mo kinaya niyang buhayin ang anak niya nang mag-isa. Ang hirap kaya no’n, kung alam mo lang.

Saka kung talagang ang nagugustuhan mo ngayon ay isang single mom, Clifford, huwag na huwag kang mag-alinlangang ipakilala siya sa’min ng pamilya mo. Dahil ngayon pa lang sinasabi ko na sa’yong tanggap na tanggap namin siya ng anak niya,” mahabang wika ng ina.

Gusto niyang maiyak sa sinabi nito. Ngayon niya mas napatunayan na ang suwerte niya talaga sa mga magulang niya lalong-lalo na sa mama niya. Hindi niya inaasahan ang isasagot nito.

Tumayo siya upang yakapin ito nang mahigpit. “Ang bait mo talaga, mama.”

“Asus! Nambola ka pa,” natatawang wika ni Clara. “Huwag kang matakot na baka hindi namin matanggap ang babaeng mahal mo kasi isa siyang single mom, anak. Hindi kami tumitingin ng papa mo sa estado ng buhay ng isang tao. Kahit single mom siya, basta maganda ang ugali niya’t may mabuting puso, tanggap siya ng pamilya,” dugtong pa nito.

“Saka payo ko lang sa’yo, Clifford, anak. Kapag magmamahal ka ng isang dalagang ina, siguraduhin mong mas mamahalin mo ang anak niya kaysa sa kaniya. Kasi kaming mga nanay, mas mahal namin ang mga anak namin higit pa sa buhay namin, anak.

Kaya kung mamahalin mo ‘yong nanay, mas mahalin mo ang anak. Iyon ang pinakamahalagang dapat maramdaman ng babaeng mahal mo. Mahirap ang maging isang magulang, anak… sobrang hirap. Kahit may asawa ka na nga’y nahihirapan ka pa, paano pa kaya kung ikaw lang talaga mag-isa.

Kaya kapag magmamahal ka ng isang taong nasanay mabuhay na mag-isa kasama ang kanyang anak, dapat alam mo rin kung saan ka dapat na lumugar sa buhay niya para iwas komplikasyon,” payo nito sabay pingot ng kaniyang ilong.

“Opo mama, tatandaan kong lahat iyan,” nakalabi niyang wika sa ina.

“Nasaan na ba ang nobya mong iyan? Papuntahin mo na ngayon rito nang makilala na namin,” sabik na wika ni Clara sa anak.

Agad namang tumawa si Clifford saka muling niyakap ang ina. “Darating pa lang siya sa buhay ko mama. Sa ngayon ay natrapik pa siya sa pinanggalingan niya,” natatawang pag-amin ni Clifford sa ina, dahilan upang mapalo siya nito.

“Loko-loko ka talaga!”

Ngayon, alam niyang wala siyang dapat ikatakot kung sakaling isa mang single mother ang babaeng kaniyang mamahalin, dahil alam niyang tanggap iyon ng kaniyang buong pamilya.

Advertisement