Nakaririnig ng Pag-iyak ang Binatang Ito Tuwing Gabi, Aswang Nga Ba ang Iyon?

“Hoy, Jason, ano na namang ginawa mo sa kapatid mo kagabi, ha? Biniro mo na naman nang biniro hanggang sa mainis at maiyak, ano? Grabe ka talaga, ‘tol, kawawa naman ang kapatid mo, gabing-gabi na naiyak pa!” bungad ni Nero sa kaniyang kababatang nakatira lang sa katabi nilang bahay, isang tanghali nang makita niya itong dumaan sa kanilang tapat. 

“Anong sinasabi mo riyan? Ang aga nga nakatulog ng kapatid ko kagabi, eh. Pagkatimpla ko ng gatas niya bandang alas otso ng gabi, nakatulog na siya agad,” sambit nito na kaniyang ikinapagtaka.

“Sigurado ka ba riyan? Eh, sino ‘yong…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil agad na siyang tinabihan at binulungan ng kababata niyang ito. “Narinig mo rin na may umiiyak kagabi?” tanong ito sa kaniya, bakas sa mukha nito ang takot kahit na napakalaki ng katawan nito.

“Oo, tol, bandang alas onse ng gabi. Ilang gabing magkakasunod ko na ‘yong naririnig. Akala ko nga pinagtitripan mo lang ang kapatid mo, eh,” tugon nito dahilan upang mapailing na lang ito.

“Diyos ko! Kinikilabutan ako! Akala ko, ako lang ang nakakarinig! Alam mo bang ‘yon ang dahilan kung bakit palaging umaga na ako natutulog? Natatakot kasi ako, eh,” sambit pa nito na lalong ikinataas ng kaniyang balahibo.

“Dalian mo, umuwi ka na, baka mapaglaruan ang kapatid mo,” babala niya rito kahit na siya’y takot na takot na dahilan upang agad na tumakbo ang kaniyang kababata papunta sa barung-barong nito.

Ilang gabi nang hindi pinapatulog nang mahinang pag-iyak ng isang bata ang binatang si Nero. Buong akala niya’y kapatid ng kaniyang kababata ang umiiyak dahil ito lang naman ang bata sa kanilang tulay.

Naninirahan kasi sila sa dagat, kawayan ang ginawa nilang tulay upang makarating sa kani-kanilang mga barung-barong na gawa rin sa mga kawayan, putol-putol na kahoy, lumang yero at manipis na mga dingding dahilan upang ganoon na lang niya marinig ang pag-iyak na ito.

Advertisement

Wika niya pa noong unang gabing marinig niya ang pag-iyak na ito, “Si Jason talaga, mukhang pinapaiyak na naman ang kapatid niya tapos tatakpan ng unan. Siya talaga ang iiyak kapag nawalan ng hangin sa katawan ‘yon!”

Alam niya kasing palabiro sa kapatid ang kababata niyang ito kaya buong akala niya, ito ang salarin sa pag-iyak na iyon.

Ngunit tila umikot ang puso niya nang malaman niyang siya’y nagkamali at parehas sila ng kaniyang kababata na naririnig ang pag-iyak na iyon. Hindi niya naman magawang sabihin ito sa kaniyang ina dahil may sakit ito sa puso at ayaw niyang ito’y kabahan pa sa takot.

Kaya naman, noong araw na ‘yon, nang makuha na ng kaniyang kababata ang kapatid nitong tatlong taong gulang, agad niya itong niyayang hanapin ang umiiyak na iyon mamayang gabi. Takot man, nais niyang magpakalalaki upang malaman ang puno’t dulo ng katatakutang iyon.

“Sige na, ‘tol, baka kasi lalo tayong mapahamak kapag pinatagal pa natin. May bata kang kapatid, may nanay akong may sakit,” pangungumbinsi niya rito dahilan upang hindi kalaunan, ito’y pumayag na rin. “Basta magdala ka ng flashlight, ha?” nanginginig na sambit nito. 

Kinagabihan, sampung minuto bago mag-alas onse, lumabas na siya ng bahay at kinatok na ang kaniyang kababata. May bitbit-bitbit siyang flashlight at rosaryo habang taimtim na nagdadasal upang mapanatag ang pusong takot na takot.

Maya-maya pa, habang tahimik silang naghihintay ng kababata, narinig na nilang muli ang naturang pag-iyak dahilan upang labis silang kilabutan. 

“Itutuloy pa ba natin? Nanginginig na ako sa takot!” bulong ng kaniyang kaibigan. 

Advertisement

“Oo naman! Halika na, sundan natin ang pag-iyak!” yaya niya rito.

Natuntun nila ang pag-iyak sa silong ng bahay nila Jason. Sakto namang may maliit na siwang doon dahilan upang magpasiya siyang ipasilip ‘yon sa kababata.

“Ayoko nga! Ikaw na lang! Ikaw ang nakaisip nito, eh!” bulong nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapilitang sumilip doon habang iniilawan ang maaaninag niya sa siling.

Takot na takot siyang sumilip doon at halos mapalundag siya nang makitang may babaeng nakaupo roon habang umiiyak nang nakatungo.

“May babae sa silong! Aswang! Aswang!” sigaw niya dahilan upang maalarma ang ilan nilang kapitbahay at ito’y tignan din.

Doon nila nakumpirmang hindi ito aswang o kung ano mang masamang elemento. Isa itong dalaga, magang-maga ang mata at bago ang mukha nito sa kanilang lugar.

Inusisa ito ng iba nilang kapitbahay at sabi nito, “Pinagsasamantalahan po kasi ako ng tiyuhin ko tuwing gabi kaya tumatakas ako sa bahay namin. Medyo madilim po kasi sa lugar na ito kaya rito ko po napiling magtago.

Hindi ko naman po mapigilang hindi umiyak sa tuwing naaalala ko po ang ginagawa sa’kin,” dahilan upang labis nilang maawa rito.

Advertisement

Ipinagbigay alam na nila ang kasong ito sa kanilang barangay at agad na umaksyon ang mga ito hanggang sa tuluyan makulong ang tiyuhin ng naturang dalaga.

“Salamat, iniligtas mo ako,” sambit nito kay Nero na labis niyang ikinatuwa. 

Simula noon, wala nang anumang iyak siyang narinig at nawala na rin ang katatakutan sa kanilang lugar.