Ayaw sa Alagang Hayop ng Ginang na Ito, Nag-init ang Ulo Niya nang Mag-uwi ng Tuta ang Anak

“Mama! May uwi akong bagong miyembro ng ating pamilya!” sigaw ni Angie sa ina habang bitbit-bitbit ang isang tuta, isang umaga matapos siya nitong utusang bumili ng pandesal. 

“Diyos ko naman, Angie! Kaninong aso ‘yan? Saan mo nakuha ‘yan? Anak ka talaga ng tatay mo! Nag-uwi ka pa ng panibagong palamunin at alagain!” bulyaw ni Alwina saka hinablot sa kamay ng anak ang hawak na supot ng pandesal.

“Eh, naawa kasi ako sa asong ‘to, mama, eh. Nakatali lang siya roon sa puno sa may kanto. Halatang gutom na gutom na siya, mama, kaya kinuha ko na lang. Maamo naman siya, eh, siguradong mapapamahal ka rin dito, mama,” paliwanag nito sa kaniya.

“Anong mapapamahal? Alam mo namang ayaw ko ng kahit anong alagang hayop sa bahay! Bukod sa marumi na sa bahay, dagdag gastusin pa! Ibalik mo ‘yan kung saan mo nakuha ‘yan!” sigaw niya pa rito dahilan upang ito’y mapatungo.

“Mama, naman, ampunin na lang natin siya,” giit nito.

“Gusto mong ikaw ang ipaampon ko, ha?” tanong niya rito dahilan upang agad itong umiling, “O, ibalik mo ‘yan kung saan mo nakuha!” utos niya.

“Opo, mamaya po, pagkatapos po ng klase ko. Pansamantala, rito po muna siya sa labas, ha?” sambit nito saka itinali sa kanilang pintuan ang naturang tuta.

“Diyos ko, Angie! Sakit ka talaga sa ulo!” inis niyang sigaw saka agad nang pumasok sa kanilang silid.

Advertisement

Ni minsan sa buhay ng ginang na si Alwina, hindi niya naranasang mag-alaga ng hayop sa bahay. Kahit noong siya’y maliit pa, sa piling ng kaniyang mga magulang, wala rin silang alagang kahit anong hayop sa bahay.

Ito ay dahil .apa-aso man, pusa o kahit alagang kalapati, ayaw ng kaniyang ama na mayroong ganito sa kanilang bahay. Sabi pa nito sa kanilang magkakapatid nang minsang humiling ng pusa ang bunso niyang kapatid, “Sa pagpapalamon nga lang sa inyo, hirap na hirap na ako, magdadagdag pa kayo ng alagaing hayop? Akala niyo ba mura at madaling mag-alaga ng hayop sa bahay?” dahilan upang ganoon niya itatak sa utak niya na kahit kailan, hindi rin siya mag-aalaga ng hayop sa bahay.

Hanggang siya’y magkaroon na ng sariling pamilya, ayaw na ayaw niya ring mag-alaga ng hayop. Nakikita man niyang may sari-sarili nang alaga ang kaniyang mga kapatid, lagi niyang sinasabi, “Nag-aaksaya lang kayo ng pera sa mga hayop na ‘yan!”

Kaya naman, nang magdala ng tuta ang anak niya mula sa lansangan, ganoon na lang uminit ang dugo niya at upang huwag na lang ma-highblood buong araw, agad na lang siyang nag-ayos upang pumasok na sa kaniyang trabaho sa munisipyo. Bago siya umalis, kabinlin-bilinan niya sa kaniyang anak, “Pag-uwi ko mamayang hapon, ayoko nang makikita ‘yang asong ‘yan sa tapat ng bahay, ha? Kung hindi, ikaw ang palalayasin ko! Umayos ka, Angie!” dahilan upang ito’y mapatango-tango lang kahit bakas ang kalungkutan sa mukha. 

Bahagya niyang nakalimutan ang tutang iyon nang magsimula na siyang magtrabaho. Sandamakmak ang tao sa kanilang munisipyo na kailangan niyang kausapin upang malaman kung anong sadya o kung anong mga dokumento ang kailangan ng mga ito.

Paikot-ikot siya sa roon para lamang masolusyunan ang pangangailangan at problema ng ibang mamamayan dahilan upang ganoon na lang siya mapagod.

“Bakit ba kailangang sa akin sila lahat magtanong! May ibang empleyado namang nakatambay lang sa kani-kanilang mga lamesa!” reklamo niya habang umaakyat sa ikalimang palapag ng gusali.

Bandang alas sais ng hapon, nagpasiya na siyang umuwi. Dumaan muna siya sa nakatapat na tindahan upang uminom ng palamig at kumain ng tusok-tusok.

Advertisement

“Isang nakakapagod na araw na naman ang hatid sa akin ng munisipyong ito!” sambit niya.

Pagkauwi niya, nakita niyang wala na ang tuta sa kanilang harapan dahilan upang labis siyang matuwa. Kaya lang, pagpasok niya sa kanilang bahay, sinalubong siya ng tutang ito na tila nakawala sa pagkakatali.

Dinila-dilaan siya nito habang kumakawag ang buntot at siya’y tila nilalambing dahilan upang siya’y bahagyang mapangiti at ito’y kaniyang hinamisin.

“Sabi sa’yo, mama, malambing ‘yan, eh!” sambit ng kaniyang anak na ikinagulat niya.

“Tumahimik ka! Ilabas mo ito!” sigaw niya rito.

“Sigurado ka ba, mama? Wala nang manlalambing, maghihintay at papawi ng pagod mo sa trabaho tuwing uuwi ka,” nguso nito dahilan upang siya’y mapaisip.

Tinignan niya ang naturang tuta at tila nangungusap ang mga mata nito habang nakababa ang dalawang tainga. Naramdaman siya ng awa rito kaya naman, wika niya, “Sige subukan natin siyang alagaan, pero kapag namerwisyo ‘yan, ililigaw ko kayong dalawa!” dahilan upang mapatalon sa tuwa ang kaniyang anak.

Simula noon, ganoon na lang siya napamahal sa alaga nilang iyon na pinangalanan ng kaniyang anak na “Miracle”.

Advertisement

Milagro raw kasing pumayag siyang alagaan ito na ikinatuwa niya naman dahil araw-araw, may asong naghihintay sa kaniya sa tapat ng kanilang bahay at labis ang tuwa kapag siya’y nakikita.