Nais Alukin ng Kasal ng Binatang Ito ang Nobyang May Malubhang Sakit, May Kasalan Nga Bang Magaganap?

“Edwin, sigurado ka na bang gusto mo pa ring alukin ng kasal ang nobya mo kahit na sigurado namang ilang buwan o baka nga ilang araw na lang ang itatagal niya rito sa mundong ibabaw?” pang-uusia ni Marites sa kaniyang nag-iisang anak, isang hapon nang makita niya itong nakatungo at tila malalim ang iniisip sa sariling silid.

“Mama naman, huwag ka namang magsalita nang ganiyan. Pinangarap ko ‘tong pag-aalok ng kasal sa babaeng pinakamamahal ko. Siya ang bumago ng buhay ko, kaya kahit sa huling sandali ng buhay niya, nais ko siyang mapasaya at maibigay ang pangako kong kasal sa kaniya,” sagot ni Edwin saka nagsimula nang mag-ayos ng sarili upang muling dalawin sa ospital ang kaniyang nobya. 

“Diyos ko naman, anak! Inaaksaya mo lang ang oras at pera mo! Hindi rin naman kayo maikakasal dahil sa sitwasyon ng nobya mo!” panenermon nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapabuntong-hininga. 

“Mama, gagaling siya. Sigurado akong hindi kami pababayaan ng Diyos,” positibo niyang sagot.

“Alam mo minsan, kailangan mong gumising sa katotohanan. Hindi puro Diyos ang bahala! Kung ako sa’yo, maghanap ka na ng ibang nobya! Iyong makakasama mo habambuhay!” sigaw nito sa kaniya na ikinapanghina niya lalo dahilan upang siya’y magmadali at agad nang umalis sa kanilang bahay. 

Kahit na alam ng binatang si Edwin na limitado na lang ang buhay ng kaniyang pinakamamahal na babae rito sa mundong ibabaw, nais niya pa ring ituloy ang pag-aalok ng kasal dito.

Marami mang nagsasabing isa itong kahibangan, buo pa rin ang loob niyang pakasalan ang dalaga kung sakaling ito’y pumayag man sa alok niya.

Sobra kasi ang pagmamahal niya sa dalagang ito na nakilala niya noong siya’y nasa kolehiyo pa lamang. Barumbado siya noon, siga, at palaging nasa bilyaran ngunit nang makilala niya ang dalagang ito sa kanilang kantin, unti-unti siyang himalang nagbago para rito. Hanggang sa tuluyan na nga siyang sagutin nito at tulungan sa mga desisyon niya sa buhay. 

Advertisement

Kaya naman ganoon na lang ang pagpapasalamat niya rito dahil kung hindi sa dalagang iyon, wala sana siyang permanenteng trabaho’t baka tambay lang sa kanto.

Ngunit, wala talagang perpektong buhay dito sa mundong ito dahil dalawang taon lang ang lumipas, bigla namang nanghina ang kaniyang nobya hanggang sa matuklasang may malala itong sakit sa dibdib na talaga nga namang nakapagpaguho ng mundo niya.

Pero nang makita niya kung paano lumalaban sa sakit ang kapareha, roon unti-unting lumakas ang loob niya. Ginalingan niya sa trabaho at nagbenta ng kung anu-ano para lang makaipon ng pandagdag sa gastusin sa ospital at sa tuwing wala siyang pasok, siya naman ang nagbabantay dito dahilan upang ganoon na lang siya umasang gagaling pa ang dalaga.

Ang pagtitiyaga niyang ito ay sinabayan niya nang matinding pananampalataya. Araw-araw, gabi-gabi siyang umiiyak sa Panginoon, hinihiling na himalang gumaling ang kaniyang nobya. 

At doon na niya nga naisip na alukin ito ng kasal upang ito’y mapasaya niya naman.

“Makasal man kami o hindi, ang importante, maiparamdam ko sa kaniyang mahal na mahal ko siya. Kaya, Hesus, ikaw nang bahala, ha?” iyak niya.

Wala na siyang sinayang na araw at agad na niya itong inalok ng kasal. Ngumiti lang ito sa kaniya at sinabing, “Kailan ba tayo magpapakasal? Gusto mo ba, bukas na?” dahilan upang labis siyang kabahan.

“A-anong ibig mong sabihin? May sinabi ba sa’yo ang doktor tungkol sa sakit mo?” pag-aalala niyang baka huling araw na ng kaniyang kasintahan.

Advertisement

“Mayroon, sabi ni Doc, galing na raw ako,” mangiyakngiyak na sabi nito dahilan upang siya’y mapahagulgol sa sobrang saya, “Tama ka nga, Edwin, may himala sa Diyos,” dagdag pa nito dahilan upang ganoon niya na lang ito mayakap nang mahigpit.

Ilang buwan pa ang lumipas, tuluyan na nga silang ikinasal ng kaniyang nobya. Mangiyakngiyak niya itong pinagmasdan habang hinihintay niya ito sa altar.

Wika niya, “Panginoon, salamat, hindi mo ako binigo. Sa mundong ito, hindi talaga tatamis at liligaya ang buhay kung walang pagsubok na magpapahina sa tao. Mabuti na lang, may makapangyarihang Diyos katulad Mo,” iyak niya saka agad na niyakap ang dalagang humagulgol na pagkalapit sa kaniya.

Kapag talaga mas pinalalim ang pananampalataya kaysa pag-aalinlangan at problema sa buhay, may himalang dadating sa oras ng pangangailangan. Ito’y subok na at maaasahan dahil kapag ang Diyos ang kumilos, walang imposible at walang mabigat na problema.