Inday TrendingInday Trending
Naging Maarte ang Dalagang ito nang Siya’y Yumaman, Napahiya Siya nang Minsang Ipahiya ang Isang Ginang sa Eroplano

Naging Maarte ang Dalagang ito nang Siya’y Yumaman, Napahiya Siya nang Minsang Ipahiya ang Isang Ginang sa Eroplano

“Excuse me, wala ka bang balak na lumipat ng upuan? Marami namang upuan doon sa may bandang harapan, nakakaabala na kasi ‘yang anak mo. Hindi pa man nakakalipad ‘tong eroplano, suka na nang suka!” bulyaw ni Chloe sa katabi niyang ginang, isang umaga bago ang takdang oras ng paglipad ng eroplanong sinasakyan nila.

“Ah, eh, hindi po yata pupwede ‘yon, ito po ang seat number ng ticket namin, eh,” tugon ng naturang ginang habang pinupunasan ang suka sa bibig ng dalawang taong gulang na anak dahilan upang siya’y lalong mainis.

“Anong hindi pupwede? Kung may hiya ka talaga sa mga taong nakakakita at nakakaamoy ng suka ng anak mo, gagawa ka ng paraan para makalayo rito sa amin!” sigaw niya rito, nagsimula nang magbulungan ang iba pang pasahero dahil sa ingay na nagagawa niya.

“Pasensiya na po talaga, ma’am, sana po maunawaan niyo na bata ‘tong nasuka, hindi niya po alam na nakakaperwisyo siya,” nakatungong sambit nito, bakas sa mukha nito ang labis na kahihiyan.

“Pero ikaw, bilang ina, alam mong nakakaperwisyo na kayo! Kung ayaw mo, ako ang magpapalipat ng upuan! Diyos ko, ang baboy niyong mag-ina!” pangmamaliit niya rito saka niya kinuha ang atensyon ng isang flight attendant, “Hi, pwede ba akong magpalipat ng upuan? Itong katabi ko kasing mag-ina, ang baboy, amoy suka na ako!” sambit niya rito, inilabas niya ang lahat ng inis upang mailipat siya ng upuan.

Kahit na laki sa hirap ang dalagang si Chloe, noong siya’y makaranas ng kaginhawaan simula nang siya’y makapagtrabaho sa isang sikat ng kumpanya, bigla na lang siyang nagbago. Ang palakaibigang dalagang nakilala ng mga tao noon, isa na ngayong mailap na dalagang ubod ng arte.

Sa katunayan nga, pati sarili niyang mga magulang, pinupuna na ang kaniyang ugali. Lagi siyang pinagsasabihan ng mga ito na hindi maganda ang masyadong pagiging maarte dahil bukod sa kaiinisan siya ng tao, maaari pa siyang matanggal sa kaniyang trabaho. Ngunit lagi niyang depensa, “Hindi ko kailangang magustuhan ng ibang tao, lalo’t higit, kahit matanggal ako sa trabaho, mayaman pa rin ako,” dahilan upang siya’y sukuan na ng kaniyang mga magulang.

Noong araw na ‘yon, umaga pa lamang, matapos niyang nalamang nasa economy class lang ang ticket na binigay ng kaniyang boss sa kaniya upang makilahok sa isang seminarya sa ibang bansa, inis na inis na siya.

“Diyos ko, sigurado akong may makakatabi akong hindi kaaya-ayang nilalang dito, eh!” sambit niya sa sarili nang makaupo na siya sa seat number na mayroon sa ticket niya.

Napailing na lang siya nang may tumabi sa kaniyang mag-ina at nagsimula nang sumuka ang anak na dala nito. Dahil hindi na niya nga matiis ang bahong umaalingasaw at ang pagsuka ng bata, tinawag na niya ang flight attendant at siya’y nagpalipat na ng upuan.

“Balikan ko po kayo, ma’am, itatanong ko lang po kay captain kung anong pwedeng gawin sa sitwasyon niyo,” nakangiting sambit nito dahilan upang mapangisi siya.

Maya maya pa, dumating na nga ang naturang flight attendant dahilan upang agad niyang kunin ang kaniyang mga gamit at sabihin sa naturang ginang, “Sa susunod, huwag mo nang isama ang anak mo sa pangingibang-bansa, nakakaperwisyo kasi kayo ng ibang pasahero,” dahilan upang mapatungo na lang ito at yakapin ang anak na ngayo’y nakatulog na.

“Ano, miss, saan ako ililipat?” nakangiti niyang tanong sa naturang flight attendant.

“Pasensiya na po kayo, ma’am, dito pa rin po kayo uupo at ang ginang na ito pong may dalang bata ang ililipat namin sa business class,” nakangiting sambit nito, agad namang kinuha ng ginang ang gamit nilang mag-ina.

“Ano? Hindi pupwede ‘yon! Ako ang nagreklamo sa inyo at iyan ang perwisyo! Tapos ako ang pauupuin niyo rito sa upuang may mga suka at amoy panis?” inis niyang tanong.

“May ibang flight attendant po ang maglilinis niyan maya maya, pinapasakay lang po ang iba pang pasahero,” nakangiting tugon nito.

“Hindi ako papayag! Nasaan ang captain niyo, ha?” galit niyang tanong.

“Ma’am, magpasalamat na lang po kayong hindi kayo pinapa-pull-out ni captain sa eroplano. Sa ginawa niyo pong pagpapahiya kila ma’am at sa eskandalong nakaabala sa ibang pasahero, dapat po kanina pa kayong pinalabas dito,” nakangiting paliwanag nito saka inalalayan patungong business class ang mag-inang napahiya niya.

Napabuntong hininga na lang siyang umupo habang nakakarinig ng samu’t-saring bulungan tungkol sa kaniya.

Advertisement