Inday TrendingInday Trending
Nanggalaiti ang Binatang ito nang Malamang may Kinakasama na ang Ina, Nagulat siya sa Sayang Mayroon ito Kasama ang Naturang Lalaki

Nanggalaiti ang Binatang ito nang Malamang may Kinakasama na ang Ina, Nagulat siya sa Sayang Mayroon ito Kasama ang Naturang Lalaki

“Bunso, pumunta ka na ba sa bahay? Totoo ba ‘yong sinabi ni mama na may bago na siyang kinakasama?” tanong ni Jeff sa kaniyang bunsong kapatid, isang araw nang tawagan niya ito sa Pilipinas.

“Oo, kuya, mukha naman siyang masaya, eh, hayaan na natin siya. Ang tagal na niya ring nabiyuda, eh, siguro oras na para maging masaya ulit siya,” paliwanag nito na labis niyang ikinagalit.

“Diyos ko, bunso, naririnig mo ba ang mga sinasabi mo? Ayos ka lang sa desisyon ni mama? Ni hindi nga natin kilala ‘yong lalaking kinakasama niya! Baka nga pineperahan lang siya no’n!” bulyaw niya sa kapatid, bakas sa kaniyang mukha ang magkahalong galit at pag-aalalang nararamdaman.

“Kuya, alam ko ‘yong mga sinasabi ko, nakikita ko kung gaano kasaya si mama kapag kasama niya ‘yon, eh, para siyang dalagang nakikipag-usap sa kaniyang nobyo. Saka, hindi naman siguro siya peperahan no’n,” depensa pa nito dahilan upang mapailing na lamang siya.

“Paano ka nakasisigurado? Bunso naman, alagaan mo naman si mama! Uuwi ako d’yan, paghihiwalayin ko sila!” sigaw niya pa saka agad na binaba ang tawag at agad siyang nagpa-book ng ticket pauwi ng Pilipinas.

Panganay na anak ang binatang si Jeff na ngayo’y maganda na ang buhay at trabaho sa ibang bansa. Simula nang mawala ang kaniyang ama dahil sa sakit nito sa buto, siya na ang umalalay sa kaniyang ina upang maitaguyod ang kanilang pamilya. Napilitan siyang mangibang-bansa sa edad na labing-walong taong gulang upang matulungan ang ina sa gastusin sa kanilang bahay. Puno man ng takot ang musmos niyang puso noon, isinantabi niya ‘yon para sa inang nakikita niyang hirap na hirap na.

Sa kabutihang palad naman, siya’y nakahanap nang magandang trabaho ro’n bilang isang construction worker. Mahirap man ang kaniyang trabaho, hindi niya ‘yon ininda dahil bawi naman sa laki ng kaniyang sinasahod.

Dahil doon, unti-unti niyang naitaguyod ang kaniyang ina’t kapatid hanggang sa pinatigil na niyang magtrabaho ang kaniyang ina at napag-aral na niya sa kolehiyo ang kaniyang bunsong kapatid.

Halos isang dekada pa ang lumipas, tuluyan na siyang nakaipon nang malaking pera. Nabilhan na niya ng bahay at lupa ang ina, napagtapos at nabigyan na niya ng negosyo ang kaniyang kapatid at mayroon na rin siyang sariling construction business sa naturang bansa dahilan upang ganoon na lang niya isiping baka pineperahan lang ng bagong kinakasama ang kaniyang inang pinapaulanan niya ng pera.

‘Ika niya bago umalis ng kaniyang bahay, “Hindi ko hahayaang ibang tao ang makinabang sa paghihirap at pagsasakripisyo ko!”

Ilang oras pa ang nakalipas, tuluyan na nga siyang nakauwi ng Pilipinas. Agad siyang nagtungo sakay ng taxi sa bahay nila sa Maynila kung saan ngayon nakatira ang kaniyang ina at ang lalaking kinakasama nito.

Malayo pa lang siya rinig na rinig na niya ang boses ng kaniyang ina na kumakanta sa videoke dahilan upang bahagya siyang mapangiti.

“Si mama talaga, nakalimutan na naman niya atang hindi na siya sa iskwater nakatira,” ‘ika niya sa sarili nang makababa na siya sa harapan nang malaki nilang bahay.

Tatawagin na niya sana ang ina upang buksan ang kanilang gate, nang maaninag niya sa salamin nilang dingding sa itaas ng kanilang bahay ang nanay niyang kumakanta habang isinasayaw ng isang lalaki. Kitang-kita niya ang mga ngiting huli niyang nasilayan noong buhay pa ang kaniyang ama.

Todo indak ang kaniyang ina habang masayang humagalpak nang tawa kasama ang naturang lalaking iyon na kasing edad lang nito. Doon niya napagtantong tama nga ang kaniyang bunsong kapatid, masaya nga ang kanilang ina sa lalaking ito.

Maya maya pa, tila napansin siya ng kaniyang ina dahilan upang kumaripas ito nang labas at agad siyang pinagbuksan ng gate.

“Hijo, bakit hindi ka man lang tumawag! Diyos ko, ang gwapo gwapo mo na!” bungad nito saka siya niyakap nang mahigpit. Pagkawala nito sa kaniya, agad nitong pinakilala ang lalaking kinakasama, nginitian niya lang ito at labis na nagpasalamat sa pag-aalaga sa ina niyang halos ilang taon nang malungkot.

Nakasama niyang kumain at uminom ang naturang lalaki, ro’n niya ito lubos na nakilala. Hindi man ito kayamanan katulad nila, sinigurado nitong mahal nito ang kaniyang ina at hindi pera ang habol nito.

Doon niya kinumbinsi ang sarili na kahit maubos man ang pera niya kung para naman sa kaniyang ina, papayag siya dahil kung tutuusin, ito naman talaga ang nais niya, ang mapasaya at mapagaan ang buhay ng kaniyang ina.

Advertisement