Inday TrendingInday Trending
Sinisiraan ng Ginang na ito sa Kaniyang Anak ang Dalagang Pakakasalan Nito, Ito pala ang Magbabalik ng Masaya Niyang Nakaraan

Sinisiraan ng Ginang na ito sa Kaniyang Anak ang Dalagang Pakakasalan Nito, Ito pala ang Magbabalik ng Masaya Niyang Nakaraan

“Anak, sigurado ka na ba d’yan sa nobya mo? Talaga bang ‘yan na ang pakakasalan mo?” tanong ni Cecilia sa kaniyang nag-iisang anak, isang umaga bago ito pumasok sa trabaho.

“Opo, mama, mabait naman po siya, eh, at tanggap niya po kung anong estado natin sa buhay. Bukod pa po roon, siguro naman po, napapansin mo na handa siyang alagaan ka kapag wala ako rito,” kumpiyansang sagot nito habang inuubos ang kapeng tinimpla.

“Akala mo lang ‘yon, Jon,” sambit niya dahilan upang ito’y magtaka. “Ano pong ibig niyong sabihin, mama?” tanong nito.

“Hindi mo ba alam na tinapunan ako ng mainit na kape niyang nobya mo kahapon pagkaalis mo? Nagseselpon kasi d’yan sa tapat ng pintuan, nainis ata no’ng inabala ko kaya sinadya akong mabuhusan ng kape. Tingnan mo nga ‘tong kumot ko puro kape pa! Kaya nga tinatanong kita kung sigurado ka na d’yan sa babaeng ‘yan,” kwento niya dahilan upang mapaisip ang binata.

“Baka naman po hindi sinasadya, mama,” depensa nito.

“Anong hindi sinasadya? Pagkatapon na pagkatapon sa akin, bigla siyang lumabas ng bahay at hindi ako inasikaso!” dagdag niya pa dahilan upang mainis na ito at agad na magtungo sa silid kung nasaan ang naturang dalaga.

Magtatatlong taon na simula noong mapilay ang ginang na si Cecilia dahil sa isang aksidente sa pinapasukan niyang trabaho noon. Simula noong siya’y maratay sa kama, ang nag-iisa na niyang anak ang nag-alaga at nagbigay ng lahat ng kaniyang pangangailangan.

Dahil nga maaga rin siyang nabiyuda at ang anak niya na lang ang tanging masasandalan, ganoon na lang ang takot niya nang kamakailan lang, nag-uwi na ng babae ang kaniyang anak sa kanilang bahay. ‘Ika pa nito sa kaniya, “Mama, sa isang taon, magpapakasal na po kami,” dahilan upang ganoon na lang siya mangamba.

Naisip niyang baka kapag may sarili nang pamilya ang kaniyang anak, hindi na siya nito alagaan at sustentuhan dahilan upang siraan niya ang dalagang halos mag-iisang buwan pa lang naninirahan sa kanilang bahay.

Noong araw na ‘yon, ngingiti-ngiti siya nang umalingawngaw sa loob ng buong bahay ang sigawan sa kwarto ng kaniyang anak. Rinig na rinig niya kung gaano nanggagalaiti ang kaniyang anak sa dalagang ginawan niya nang masamang kwento.

Maya maya pa, padabog nang lumabas ang kaniyang anak dahilan upang umarte siyang tulog. Hinalikan lang siya nito sa noo at bumulong ng, “Ma, alis na po ako, isang beses pa kayong gawan ng masama ng nobya ko, hihiwalayan ko na po ‘yan. Ayoko pong maagrabyado kayo kahit na mahal ko siya,” dahilan upang patago siyang mapangisi.

Pagkaalis na pagkaalis ng kaniyang anak, lumabas sa naturang silid ang dalagang halatang galing sa pag-iyak. Nang makita siya nitong nakatingin, agad itong ngumiti sa kaniya at tinanong kung anong ulam ang nais niya dahilan upang siya’y magtaka sa inaasta nito at mapaisip.

“Hindi mo ba ramdam na ayaw ko munang mag-asawa ang anak ko?” masungit niyang tanong dito.

“Ramdam ko po. Alam ko rin pong gumagawa ka lang ng kwento para mapasama ako sa kaniya. Pero kahit ano pong gawin niyo, hindi ko po isusuko si Jon. Kung kailangang mahalin ko rin po kayo at alagaan kahit ayaw niyo, gagawin ko po,” hikbi nito, saka hinawakan ang kaniyang kamay at ngumiti, “Gusto niyo bang magpinta tayo? Hilig ko rin po ang pagpipinta noong kabataan ko. Nakita ko po ‘yong mga likha niyo sa silid niyo kahapon habang naglilinis ako ro’n,” dagdag nito dahilan upang ganoon na lang kumabog nang mabilis ang kaniyang puso.

Hindi pa man siya nakakasagot, agad nang tumakbo papuntang bodega ang naturang dalaga at bumalik na may dala-dalang mga gamit pangpinta dahilan upang ganoon na lang manumbalik sa kaniya ang masasaya niyang araw kasama ang asawang kapwa niya pintor noong siya’y dalaga pa lamang. Mangiyakngiyak niyang inaabot ang brotsa saka niya isinawsaw sa makukulay na pintura at hindi na niya namalayang pinipinta na niya ang paboritong tanawin nilang mag-asawa.

Nang matapos ito, tuwang-tuwang ang naturang dalaga sa ganda ng kaniyang likha. Ngunit labis siyang nagtaka dahil agad siya nitong binuhat at isinakay sa kaniyang wheel chair at dinala sa kanilang likod bahay kung saan matatanaw ang tanawing pininta niya na halos tatlong taon na niyang hindi nasisilayan.

Mangiyakngiyak niyang niyakap ang dalaga dahil sa kasiyahang nararamdaman. Tila nanumbalik lahat ng kaniyang alaala kasama ang yumaong asawa at doon niya napagtantong siguro, hindi niya talaga dapat hadlangan ang dalagang ito at ang kaniyang anak sa masasayang mga pagkakataon na maaaring maranasan ng dalawa habang parehas pa silang nabubuhay.

Simula noon, maayos na niyang pinakitunguhan ang dalaga at pagpipinta na ang muli niyang pinagkaabalahan, hindi na ang paninira sa dalaga. Kinausap niya ang anak at agad na umamin sa ginawa niyang masama at humingi ng tawad dito. Agad naman siya nitong pinatawad nang makitang magkasundong-magkasundo na ang dalawang pinaka-importanteng babae sa buhay niya.

Advertisement