Bintangero ang Lalaking Ito, Pati Matanda’y Pinagbintangan Niya sa Pagkawala ng Alagang Tandang; Paano kaya Siya Natuto?
“Hoy, Mang Lito! Nasaan na ang tandang ko? Ibalik mo sa akin ‘yon! Alam mo naman kung gaano ko kamahal ang manok kong ‘yon!” pagwawala niya sa tapat ng bahay ng naturang matanda, isang umaga ng makumpirma niyang nawawala sa kulungan ang isa sa mga alaga niyang manok.
“Ano bang pinagsasasabi mo d’yan, Bitoy? Aanhin ko naman ang tandang mo, ha? Saka, bakit ako ang pinagbibintangan mo? Ako lang ba ang kapitbahay mo, ha?” tanong nito habang kinukusot-kusot pa ang mga mata bunsod ng biglaang pagkagising.
“Sabi mo kahapon habang nagkukuwentuhan tayo, gusto mo ng tandang! Sabi mo pa nga na ang ganda ganda ng balahibo at katawan ng tandang ko! Tapos ngayon, biglang nawala!” sigaw niya pa.
“O, porque ba pinuri ko ang alaga mo, kukuhanin ko na agad ‘yon? Baka nakakalimutan mo, ang dami nating kapitbahay dito, huwag mo akong pagbintangan!” tugon nito, tila nakaramdam na rin ito ng galit.
“Kahit na, Mang Lito, ikaw lang ang nakakakwentuhan ko rito, malamang ikaw lang ang may interes sa mga tinatago kong manok sa silong ng bahay namin!” giit niya pa habang inuuga ang gate nito upang mabuksan.
“Ako na nga lang ang nakakausap mo, ako pa ang pagbibintangan mo! Ngayon alam ko na kung bakit ayaw ng mga kapitbahay natin sa’yo!” bulyaw nito sa kaniya saka pumasok sa bahay. Galit na galit niyang sinipa ang gate nito at nang makita niyang nagbubulungan na ang iba nilang kapitbahay, sambit niya, “Kung sino man sa inyo ang kumuha sa tandang ko, malasin sana kayo habang-buhay!” dahilan upang masipasukan sa kani-kanilang bahay ang kaniyang mga kapitbahay.
Mag-iisang dekada na sa sarili niyang bahay ang padre de pamilyang si Bitoy. Kahit na may katagalan na rin siya sa lugar na iyon, pili at kakaunti lang ang mga taong nakakapalagayan niya ng loob. Ito ay dahil sa ugali niyang kinaiinisan ng kaniyang mga kapitbahay.
Sa tuwing may mawawala kasi siyang gamit sa bahay, kung sino man ang huli niyang nakausap, ito ang kaniyang sisisihin. Kahit pa wala siyang ebidensiya, agad na siyang magbibintang at magpapabarangay.
Ito ang naging dahilan upang ang matandang kapitbahay niya na lang ang kaniyang makapalagayan ng loob.
Kapag nakikita siya nito, palagi siya nitong niyayang magkape o magmeryenda, at dahil nga ito lang ang kaniyang nakakausap sa buong barangay, lagi niyang binibida rito ang mga alaga niyang manok na palaging pinupuri ng naturang matanda dahilan upang ito lang ang kaniyang paghinalaan.
Noong araw na ‘yon, matapos niyang bulyawan ang kaniyang mga kapitbahay, agad siyang uminom ng tubig sa kanilang bahay. Hihinga-hinga siyang umupo sa sala dahil sa matinding pagkainis na nararamdaman dahilan upang lapitan siya ng kaniyang asawa.
“Ikaw ba ‘yong may kaaway sa labas kanina? Rinig na rinig ko ang boses mo, eh,” sambit ng kaniyang asawa saka hinimas-himas ang kaniyang likuran upang kumalma.
“Oo! Si Mang Lito kasi, pinagdiskitahan pa ang nag-iisa kong tandang!” inis niyang sumbong dito na labis namang pinagtaka ng kaniyang asawa.
“Anong ibig mong sabihin? Eh, mukhang maayos namang nangingitlog ‘yong tandang mo ro’n sa likod ng puno ng mangga natin,” kwento nito dahilan upang labis siyang magulat at agad na magtungo sa likod ng naturang puno sa kanilang bakuran.
Doon niya nakita ang nangingitlog niyang alaga. Sakto pang pagsilip niya rito, naglabas ito ng isang itlog dahilan upang magkahalong emosyon ang kaniyang maramdaman. ‘Ika niya, “Napahiya ako sa maling pagbibintang ko, ha,” saka siya umiling-iling.
Doon niya napagtantong tila sumobra na nga ang kaniyang pagbibintang, na pati ang natatanging matandang nagtitiis sa kaniyang ugali, kaniyang napagbintangan.
Nang maibalik na niya sa pugad ang kaniyang alagang tandang, agad siyang nagluto ng ulam upang ibigay sa naturang matanda. Nang maluto na ito, agad na niya itong pinuntahan upang humingi ng tawad.
Pagdating niya sa tapat ng gate nito, agad siya nitong binulyawan, “Wala nga sa akin ang tandang mo!”
“Ah, eh, Mang Lito, pupwede ba kitang samahang magtanghalian? Nagluto ako ng paborito mo!” uutal-utal niyang sambit saka itinaas ang isang tasang ulam na bitbit.
“Naku! Pakiramdam ko nakita mo na ang tandang mo, ano? Ikaw talagang bata ka! Halika, saluhan mo ako!” tatawa-tawang wika nito na labis niyang ikinatuwa.
Sambit niya pa, “Buti na lang talaga, tanggap ako ni Mang Lito. Pangako, magbabago na ako,” saka siya tuluyang pumasok sa bahay nito.