Iba ang Kilig na Dulot sa Dalaga ng Kaniyang Chatmate na Nakilala sa Dating App; Ang Lalaking Ito na Ba ang Kaloob ng Diyos Para sa Kaniya?
Dati, hindi sanay si Camille na lagi niyang hawak ang kaniyang cellphone. Pero simula nang makilala niya ang chatmate na si Joshua sa dating app, halos ayaw na itong ilapag. Panay-panay ang pagsulyap niya sa cellphone lalo na kapag tumutugon na si Joshua sa kaniyang mga mensahe.
Bagay na napansin naman ng kaniyang mga kasamahan sa trabaho. Lalo na ang kaniyang kaibigang si Roselyn.
“Hoy teh… mukhang ibang level na ang pagkakilig mo sa ka-chat mo ah. Baka makita ka ni Boss na panay sulyap sa cellphone mo at sabihan kang ‘di na nagagawa ang trabaho,” untag ni Roselyn habang sila ay nasa tanghalian.
“Grabe ka naman. Alam ko naman ang priority ko at trabaho pa rin,” sagot naman ni Camille.
“Ano na ba ang development sa inyo ng ka-chat mo na iyan? Kailan daw kayo magkikita?” usisa ni Roselyn.
“Malapit na. Mabait siya. Magaan ang kalooban ko sa kaniya. Alam mo namang hindi ako mahilig makipag-usap sa mga strangers. Sinubukan ko lang kung okay ang dating app na sinabi mo sa akin. Alam mo ba, siya lang ang natira mula roon sa mga naka-match ko. Malalim kasi siyang kausap,” paliwanag ni Camille.
“Naku bago ka ma-fall diyan, alamin mo muna kung single o walang sabit ah. Mahirap na…” payo ni Roselyn.
“Oo huwag kang mag-alala. Alam ko naman ang ginagawa ko,” saad naman ni Camille.
Habang tumatagal ang pag-uusap nina Camille at Joshua ay lumalalim ang nararamdaman ni Camille para sa lalaking chatmate. Palibhasa, bago sa kaniya ang lahat. Conversationalist kasi si Joshua, at kayang-kaya nitong palawakin ang kanilang mga simpleng usapan. Kumbaga, hindi simpleng ‘hi’ at ‘hello’ lamang.
Makalipas ang tatlong buwan, ipinasya ni Joshua na ayain nang makipagkita kay Camille. May sasabihin daw ito sa kaniyang nang personal.
“Friend, kinakabahan ako nang bonggang-bongga! Pero gusto ko na rin kasi siyang makaharap at makilala. Ilalaban ko na ito,” kuwento ni Camille kay Roselyn.
“Ikaw bahala, friend. Basta malaki ka na ha, at alam mo na ang tama sa mali. Kontakin mo lang ako kapag need mo ng help. Huwag mo kaagad isuko ang Bataan,” biro ni Roselyn. Sinaway siya ni Camille. Pulang-pula ang mukha nito.
Sabado ang naging usapan nina Camille at Joshua. Ala-una ng hapon, sa isang coffee shop sa loob ng sikat na mall sa Quezon City. Subalit 12:00 pa lamang ng tanghali ay naroon na si Camille sa kanilang tagpuan. Ayaw niyang mapahiya kay Joshua, at ayaw niyang maging haggard. Gusto niya, makapag-ayos muna siya bago humarap nang tuluyan sa chatmate na matagal-tagal na rin namang nagpapagulo sa kaniyang isipan… at maging sa puso.
Huminto ang mundo ni Camille nang makita na at makaharap si Joshua. Napakalinis nitong tingnan. Tama lamang ang tangkad at bulto ng katawan. Nagbeso-beso sila, at nalanghap niya ang mabangong samyo nito. Lalaking-lalaki. Pakiramdam niya, nangingingig ang kaniyang tuhod. Ngayon lang kasi siya nakipagkita sa isang estranghero.
Ramdam nila ang ilang sa isa’t isa. Hindi malaman kung sino ang magsisimula ng kumbersasyon.
“I’m glad to finally meet you, Sister Camille. You are really beautiful,” papuri ni Joshua kay Camille. Pakiramdam ni Camille ay lumundag ang kaniyang puso. Subalit napaisip ulit siya sa ikinapit na taguri sa kaniya nito. Sister???
“Salamat, Brother Joshua…” ganting tugon ni Camille, sa pag-aakalang binibiro lamang siya nito.
“Nabanggit ko na ba sa iyo? Paano mo nalaman?” tanong ni Joshua.
“Na ano?” maang na balik-tanong ni Camille.
“Na seminarista ako at malapit na akong maordinahan. Iyan sana ang gusto kong ipagtapat sa iyo, Camille. Isang taon kaming pinalabas mula sa seminaryo upang malaman namin sa mga sarili namin, kung karapat-dapat ba kaming maging pari. Kung kaya naming pakasalan ang Panginoon at ibigay sa Kaniya ang aming buhay.”
“Kaya sinubukan kong mag-explore. Sinikap kong suriin kung kakayanin ko nga ang buhay rito sa labas. Nag-download ako ng dating app, at mapalad akong nakilala kita. Gusto kita Camille, pero mas mahal ko ang paglilingkod sa simbahan. Patawarin mo sana ako. Masaya akong naging kaibigan kita,” paghingi ng paumanhin ni Joshua.
Nabigla si Camille sa ipinagtapat ni Joshua. Hindi niya inasahang isa pala itong seminarista. Subalit ano nga ba ang laban niya sa nais nitong pakasalan?
Matapos ang kanilang pag-uusap ni Joshua, masayang umuwi si Camille. Nagdurugo man ang kaniyang puso, alam niyang hindi naman iyon ang katapusan ng mundo. May makikilala pa siyang tamang lalaki na laan para sa kaniya. Alam niya at naniniwala siyang ibibigay Niya.