Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Katamaran, Hindi Tinuruang Lumangoy ng Binatang Ito ang Kaniyang Kaibigan, Isang Trahedya ang Dumating na Labis Niyang Pinagsisihan

Dahil sa Katamaran, Hindi Tinuruang Lumangoy ng Binatang Ito ang Kaniyang Kaibigan, Isang Trahedya ang Dumating na Labis Niyang Pinagsisihan

“Cardo, pupuntahan ko sa probinsya sa isang buwan ‘yong nobya ko, eh. Unang beses naming magkikita, nasasabik na nga ako, eh! Kaya lang, natatakot akong sumakay sa barko, baka kasi may masamang mangyari tapos hindi pa ako marunong lumangoy. Turuan mo na kaya ako lumangoy? Sabi mo no’ng hayskul tayo tuturuan mo ako, eh, hanggang ngayon hindi mo pa ako natuturuan!” sambit ni Johan sa kaibigan niyang tutok na tutok sa paglalaro ng kompyuter.

“Walang mangyayaring masama, Johan, huwag kang mag-isip ng ganiyan,” pangbabara ni Cardo sa kaibigan habang abala pa rin sa pagpipindot sa kaniyang kompyuter.

“Eh, kahit na! Turuan mo na ako lumangoy! May swimming pool naman kayo sa likod, eh, sige na!” pangungulit pa nito sa kaniya dahilan upang bahagya siyang mapikon.

“Nakita mo namang naglalaro ako ng kompyuter, hindi ba? Saka, tinatamad ako, wala ako sa kondisyon para lumangoy ngayon,” sagot niya rito ngunit imbis na tumigil lalo pa siyang kinulit nito.

“Cardo, naman, eh, ngayon lang hihingi ng tulong ang pogi mong kaibigan. Kiss kita, para magkagana ka!” sigaw nito saka siya niyakap at hinalikan sa pisngi dahilan upang siya’y magulat at sila’y magtawanan.

“Tumigil ka nga! Maglaro na lang tayo para hindi kung anu-ano ang nasa isip mo!” bulyaw niya rito matapos niyang punasan ang laway nito sa kaniyang pisngi saka niya inabot dito ang isa pang controller at sila’y masayang naglaro.

Simula noong nasa hayskul pa lang ang binatang si Cardo, siya’y kinuha na bilang isang atleta sa larangan ng paglangoy ng kaniyang pinapasukang paaralan. Ito ang naging dahilan ng labis niyang pagsikat hindi lang sa kanilang eskwelahan kung hindi pati na sa buo nilang lalawigan dahilan upang ganoon na lang matuwa ang kaniyang mga magulang sa kaniya.

Lahat ng kaniyang luho, mapasapatos man, sasakyan, kompyuter o kahit mga alahas, agad na binibigay ng mga ito sa kaniya.

Pati nga ang kagustuhan niyang magkaroon ng sariling swimming pool sa kanilang bahay, ginawan ng paraan ng mga ito dahilan upang lalo siyang magsumikap sa pagiging eksperto sa paglangoy hanggang siya’y makasali na sa palarong pangbansa na naipanalo niya rin.

Ngunit nang sumakabilang buhay ang kaniyang ina dahil sa sakit nito sa puso, bigla na lang siya nawalan ng gana sa paglangoy. Ito kasi ang kinukuhanan niya ng lakas sa bawat patimpalak na sinasalihan. Walang makakapantay sa suportang binibigay nito sa kaniya dahilan upang maramdaman niyang tuwing ito’y manunuod sa kaniya, siguradong maiuuwi niya ang tagumpay.

Simula no’ng mawala ang kaniyang ina, sinamahan na siya ng matalik niyang kaibigan sa malaki niyang bahay habang nagtatrabaho sa ibang bansa ang kaniyang ama. Ayos naman kasama ang kaibigan niyang ito, huwag lang nito makikita ang swimming pool sa likod ng kaniyang bahay dahil kukulitin na naman siya nitong magpaturo kung paano lumangoy.

Ilang linggo pa ang lumipas, dumating na ang araw nang pag-alis ng kaniyang kaibigan. Ika pa nito bago sumakay ng barko, “Pag-uwi ko sa isang buwan, ikondisyon mo na ang sarili mo, ha? Turuan mo na akong lumangoy! Kahit ‘yon na lang ang regalo mo sa kaarawan ko!” dahilan upang mapatawa siya’t sumang-ayon na lang.

Pagkauwing-pagkauwi niya, agad niyang binuksan ang kaniyang kompyuter at muli na namang naglaro hanggang sa inabot na siya ng madaling araw.

Patulog na sana siya nang biglang tumawag ang kaniyang kaibigan dahilan upang mapakamot na lang siya ng ulo.

“Johan talaga, wala nang magawa kung hindi ang mangulit!” sigaw niya saka sinagot ang tawag nito. Laking gulat niya nang marinig ang mga sigawan at hagulgol ng mga tao sa linya ng kaniyang kaibigan.

“Cardo, maraming salamat sa lahat, ha? Isa ka sa pinakaimporteng tao sa buhay ko. Sayang, mukhang hindi mo na ako matuturuang lumangoy,” hikbi nito, sasagot pa lang sana siya nang biglang maputol ang linya at wala na siyang magawa kung hindi ang humagulgol.

Agad siyang nagtungo sa pier at doon niya nakumpirmang palubog na nga ang barkong sinasakyan ng kaniyang kaibigan at humigit kumilang isang daang pasahero na ang nalunod. Sandamakmak na rescue team ang naabutan niya roon ngunit hanggang sumapit na ang tanghali, hindi pa mahagilap ang kaniyang kaibigan.

“Kung sinipag lang sana akong turuan ka, Johan, sana ligtas ka ngayon,” hikbi niya habang yakap-yakap ang mga gamit ng kaibigan na nakita ng rescue team.

Advertisement