Inday TrendingInday Trending
Sumama ang Loob ng Dalaga ito sa Kaniyang Amang Sinubsob siya sa Pag-aaral, Ito pala ang Magdadala sa Kaniya sa Tagumpay

Sumama ang Loob ng Dalaga ito sa Kaniyang Amang Sinubsob siya sa Pag-aaral, Ito pala ang Magdadala sa Kaniya sa Tagumpay

“Papa, kaarawan po no’ng kaibigan ko bukas, pwede po ba akong magpunta sa kanila? Doon na rin po sana ako matutulog at bukas na po ako ng umaga uuwi rito,” paalam ni Glenis sa kaniyang ama, isang araw nang makatanggap siya ng imbitasyon mula sa kaniyang kaibigan.

“Nahihibang ka na ba, Glenis? Alam mo ba kung anong petsa na ngayon? Baka nakakalimutan mong sa isang buwan na ang pagsusulit mo para maging isang ganap na doktor!” sagot nito na labis niyang dinamdam.

“Eh, papa, halos ilang buwan na rin naman po akong nag-aaral para sa pagsusulit na ‘yon, nais ko lang po sanang magsaya kahit papaano. Masyado na po akong na bibigatan..” hindi na niya nagawang matapos ang kaniyang sasabihin dahil agad na siya nitong binulyawan.

“Hindi! Hindi ka aalis! Mag-aral ka ro’n sa kwarto mo!” utos nito dahilan upang unti-unti na siyang maiyak.

“Papa naman, akala mo ba madaling mag-aral kapag pagod na ‘yong utak?” sa sobrang inis na nararamdaman niya, nagawa na niyang sagutin ang kaniyang ama dahilan upang lalo pa itong magalit sa kaniya.

“Wala akong pakialam! Hindi ka aalis!” sigaw pa nito saka ibinato sa kaniya ang hawak nitong remote ng telebisyon dahilan upang lalo na siyang maiyak at magkulong na lang sa kaniyang silid.

Nalalapit na ang pagsusulit na kukuhanin ng dalagang si Glenis upang maging isang ganap na doktor. Sa tagal ng kaniyang paghahanda para sa pagsusulit na ito, halos lahat ng impormasyong kailangan niya upang mapasa ito, saulado na niyang lahat.

Natatangi kasi ang katalinuhang mayroon siya, kahit isang beses niya lang basahin ang isang leksyon, agad na niya ‘yong matatandaan. Ito ang dahilan upang makatanggap siya ng pinakamataas na karangalan noong makapagtapos siya ng kolehiyo at maging isa sa mga pinakahinahangaang student doctor sa isang ospital noong siya’y nasa ilalim ng training.

Ngunit kahit pa ganoon, labis siyang nagtataka kung bakit hindi man lang nasiyahan ang kaniyang ama sa tagumpay niyang iyon. Kahit mga katagang “Congrats, anak,” wala itong sinabi sa kaniya. Ang tanging sinabi lang nito noong araw ng kaniyang pagtatapos, “Bukas na bukas maghanda ka na para sa pagsusulit mo,” dahilan upang bahagyang sumama ang kaniyang loob dito.

Kahit pa ganoon, dahil nga labis ang respeto niya sa kaniyang ama, sinunod niya ang kagustuhan nito at nagsimula na agad magrebisa ng kanilang mga pinag-aralan hanggang sa lumipas na ang ilang buwan, tila nakaramdam na siya ng bigat sa dibdib dahilan upang naisinin niyang dumalo sa kaarawan ng kaniyang kaibigan upang bahagyang makapagpahinga.

Ngunit katulad ng inaasahan, hindi siya pinayagan ng kaniyang ama kaya ganoon na lamang ang labis na sumama ang loob niya rito. “Gusto ata ni papa, habang buhay na akong mag-aral! Wala na akong kasiyahan, nakakatamad nang mag-aral!” hikbi niya habang pinagmamasdan ang sandamakmak na libro sa kaniyang kwarto.

Labis siyang nagulat nang biglang kumatok ang kaniyang inang wala na sa tamang pag-iisip dahilan upang agad niyang punasan ang kaniyang mga luha at ngumiti rito.

“Glenis, malungkot ka? Gusto mo ba nitong kinain kong tsokolate? Iyo na lang, o, huwag ka na umiyak!” nakangiting sambit nito dahilan upang lalo siyang mapaluha. Niyakap niya at sinaluhan niya itong kumain.

Doon niya muling naalala kung bakit niya piniling magdoktor, ito ay para magamot ang ina niyang nawala sa tamang pag-iisip simula nang pumanaw ang kaniyang bunsong kapatid.

Pagkaalis ng kaniyang ina, muli niyang isinubsob sa pag-aaral ang sarili. Isinantabi niya ang sama ng loob para sa ama at piniling magpursigi para sa mahal niya sa buhay.

Ilang linggo pa ang lumipas, tuluyan na nga siyang nakakuha ng pagsusulit. Hindi man siya siguradong masusungkit niya ang unang pwesto, sigurado siyang maipapasa niya ang pagsusulit na ‘yon at magiging isang ganap na doktor.

Paglipas pa ng ilang linggo, lumabas na nga ang resulta ng kaniyang pagsusulit. Kabadong-kabado niyang hinanap ang kaniyang pangalan at halos maitapon niya ang kaniyang selpon nang makita niya ang kaniyang pangalan sa unang pwesto.

“Papa!” mangiyakngiyak niyang sigaw dahilan upang mataranta ito at magtungo sa kaniyang kwarto, agad niya pinakita ang selpon niya rito, sa sobrang tuwa nito, niyakap siya nito nang mahigpit at binuhat.

“Ang galing mo, anak!” maluha-luhang sambit nito na ikinagulat niya, pagkababa nito sa kaniya, agad nitong pinuntahan ang kaniyang ina habang sumasayaw-sayaw pa saka sinabing, “Mahal ko, natupad na ni Glenis ang pangarap natin!” kahit na hindi maintindihan ng kaniyang ina, kitang-kita niya ang saya sa mata ng kaniyang mga magulang.

Doon niya napagtantong siguro nga kaya siya isinubsob sa pag-aaral ng kaniyang ama ay para rin sa tagumpay niya.

Mahirap man ang prosesong pinagdaan niya, walang makakapantay sa sayang nararamdaman niya ngayon. Lalo na’t bumalik na sa dati ang masayahin niyang ama.

Advertisement