Tuwang-tuwang ang Ginang na Ito sa Pagbabago ng Anak, Nanlumo siya nang Malaman ang Trabaho nito
“Diyos ko, anak, totoo ba ito? May uwi ka na namang pera at pagkain para sa atin? Sinong anghel ang sumanib sa’yo, ha? Sabihin mo nang mapasalamatan ko!” mangiyakngiyak na tanong ni Aling Juanita sa anak saka niya ito niyakap dahil sa kasiyahang nararamdaman, isang gabi nang umuwi ang sakit sa ulo niyang anak.
“Ah, eh, wala po, mama. Napag-isip-isip ko lang po na siguro dapat tumulong na rin ako sa pagtataguyod ng pamilya natin. Ayoko na pong maging pabigat sa’yo,” sagot nito dahilan upang labis siyang matuwa.
“Josel, anak, hindi ko alam kung paano ko pasasalamatan ang Diyos sa pagbubukas ng bulag mong mata at tulog mong isipan tungkol sa reyalidad ng buhay!” hikbi pa niya matapos niyang isilid sa kaniyang bulsa ang limang libong pisong bigay nito saka niya iniayos ang lechong manok na dala nito sa kanilang hapag-kainan.
“Huwag na po kayo umiyak, mama, simula ngayon, tutulungan ko na po kayong magtrabaho,” nakangiting sambit nito dahilan upang lalo pa siyang maiyak.
“Nakakainis ka, pinapaiyak mo ang mama!” sambit niya rito habang pinupwesto ang tatlo niya pang nakababatang anak sa hapag-kainan.
“Tahan na, mama, nakikita ka nila bunso, o? Kain na tayo!” yaya nito dahilan upang siya’y maupo na rin at masaya nilang pagsaluhan ang pagkaing dala ng kaniyang panganay.
Simula nang pumanaw ang asawang mangingisda dahil sa pagkalunod sa laot, mag-isa nang tinataguyod ng ginang na si Juanita ang kaniyang apat na anak. Matinding paghihirap ang kaniyang narasanan dahil bukod sa wala siyang alam na trabaho dahil nga pag-aalaga lang ng kaniyang mga anak ang pinapagawa ng kaniyang asawa sa kaniya noong buhay pa ito, sakit pa sa ulo ang panganay niyang anak na kung tutuusin naman, kaya na siyang tulungan sa paghahanap-buhay.
Sa katunayan pa nga, palagi lang itong nakahiga sa kanilang bahay. Ni hindi nito mabantayan ang mga kapatid at kung pakikiusapan naman niya ito, katakot-takot na bugb*g ang nararanasan ng mga nakababatang anak niya rito. Rason nito, “Ang kukulit niyan nila, eh, dapat lang na paluin!” na labis niyang ikinakagalit dahilan upang katakot-takot din na panunumbat ang sabihin niya rito.
Ngunit imbis na humingi ng tawad sa kaniya at magpakabuti sa pag-aalaga ng mga nakababatang kapatid, nagrerebelde pa ito. Nag-iinom, nagbibisyo, nagsusugal at marami pang hindi kaaya-ayang gawain dahilan upang maiyak na lang siya sa hirap na dinaranas niya.
Kaya naman, ganoon na lang ang saya niya nang halos tatlong gabi nang sunod-sunod na may uwing pagkain at pera ang anak niyang ito. Napakalaking tulong ng perang binibigay nito para sa kanilang pagkain at mga gastusin sa bahay dahilan upang ganoon na lang siya umiyak dahil sa sayang nararamdaman.
Hindi man niya alam kung saan nagtatrabaho ang anak, ‘ika niya, “Ang mahalaga, natuto na sa buhay ang panganay ko!”
Kinabukasan, bandang hapon, pagkauwi niya galing trabaho, agad nang nagpaalam sa kaniya ang naturang binata.
“Mama, pasok na po ako, ha? Mayroon na po akong nilutong kanin d’yan, ulam na lang po ang wala, bili na lang po kayo sa karinderya mamaya,” sambit nito habang pinupusod ang mahabang buhok.
“O, sige, ako na bahala. Mag-ingat ka, ha?” bilin niya, tumango-tango lang ito saka tuluyan nang umalis ng bahay.
Saglit lang niyang ipinahinga ang sarili at nang umungot na ang kaniyang bunso ng gutom, agad na siyang tumayo at bumili ng ulam.
Masaya niyang pinakain ang kaniyang tatlo pang anak. Nang matapos kumain, nilinisan niya ang mga ito’t isa-isang pinatulog.
Pagkatulog na pagkatulog ng kaniyang tatlong anak, bigla nang dumating ang kaniyang panganay. Masigla niya itong sinalubong nang marinig niyang nagbukas na ang kanilang pintuan.
Ngunit ang ngiti sa kaniyang mga labi ay agad na napalitan ng kaba at pag-aalala nang makita niyang duguan ang kanang ulo nito.
“Ah, eh, nakursunadahan lang ako d’yan sa kanto, mama,” pagrarason nito saka dumiretso sa banyo upang hugasan ang dugo sa ulo.
Susundan niya pa lang sana ito sa banyo upang kausapin, bigla na siyang hinila ng kanilangkapitbahay at sinabing, “Hoy, Juanita, alam mo bang ‘yang anak mo, nang hoholdap doon sa tulay kapag gabi? Ayan, inabangan siya ng mga tanod doon at binubugb*g. Maswerte pa ‘yan at nakatakas. Diyos ko, palakihin mo nang ayos ‘yan!” dahilan upang agad siyang manlumo’t mapaupo sa kanilang sahig.
Naabutan siya ng kaniyang anak na ganoon at agad siyang nitong tinayo at sinabing, “Pasensiya na, mama, lagi na lang akong sakit sa ulo,” dahilan upang yakapin niya ito nang mahigpit.
Doon niya napagtantong siguro nga, hindi naging maganda ang dulot ng kaniyang mga panunumbat sa binata. Kaya naman, napagdesisyunan niyang ihanap ito nang marangal na trabaho kinabukasan na agad nitong sinang-ayunan.