Inakala ng Babae na Walang Balak ang Nobyo na Pakasalan Siya Kaya Iniwanan Niya Ito at Ipinagpalit sa Iba; Pagsisihan Kaya Niya ang Ginawa?
Matagal nang nagsasama ang live-in partner na sina Mona at Kael. Kung susumahin ang tagal ng kanilang relasyon, sila ay 6 na taon na bilang magkarelasyon. Makalipas ang pangatlong taon ng kanilang relasyon bilang magkasintahan, napagpasyahan nilang pareho na magsama sa iisang bubong. Tama nga ang sabi: makikilala mo lamang ang isang tao kapag nakasama mo na siya sa loob ng bahay.
Maraming natuklasan sa isa’t isa sina Mona at Kael. Hindi marunong magluto si Mona. Hindi kumakain ng gulay si Kael. Hindi palainom ng tubig si Mona. Bugnutin sa umaga si Kael kaya huwag na huwag itong bibiruin kung ayaw mong singhalan nito at kapwa magkasiraan ng araw. Ayaw na ayaw ni Mona na natatambakan ng pinagkainan sa lababo, gusto niya, hinuhugasan kaagad ito. At marami pang mga bagay na ikinagugulat, ikinaiinis, at paminsan naman ay ikinatutuwa nila sa isa’t isa.
Pareho nilang ipinasyang huwag munang magka-anak dahil pareho pa silang nalilibang sa kanilang mga career. Isang CPA si Kael habang si Mona naman ay isang insurance plan agent. Parehong abala sa kanilang mga trabaho, kaya minsan ay gabi na lamang sila nagkikita.
“Kailan ba kayo magpapakasal?”
“Nag-propose na ba siya sa iyo?”
“Tagal n’yo na… kailan ang paglagay sa tahimik?”
Iyan ang laging naririnig ni Mona sa kaniyang mga kaibigan. Sa totoo lang, napapahiya na siya kapag tinatanong na iyan, lalo na’t karamihan sa kaniyang mga kaibigan at kaklase sa hayskul at college ay may asawa’t mga anak na. Hindi niya alam kung anong sasabihin o isasagot sa kanila. Ni hindi nga niya alam kung may balak ba si Kael na pakasalan siya.
Isang araw, sa gitna ng agahan nila ni Kael. nabanggit niya ang tungkol sa pagpapakasal.
“May balak ka bang pakasalan ako?”
Napamaang si Kael sa biglaang tanong ni Mona. Halata sa mukha nito ang pamumutla. Hindi nito napaghandaan ang “million dollar question.”
“Bakit mo naman natanong?”
“Wala lang. My friends are asking na rin. Ako. Napapatanong na rin ako. Ang tagal na natin Kael… anim na taon… hindi ba sumagi sa isipan mong pakasalan ako?”
Natahimik si Kael. Nagpatuloy lamang sa pagkain. Hindi si sumagot si Kael. Lihim na nasaktan si Mona. Mas ginusto na lamang niyang makarinig ng katotohanan kaysa sa pagtahimik ni Kael, na walang katiyakan.
Dahil doon, lihim na nagrebelde si Mona. Nag-install siya ng mga dating apps at palihim na nakipag-chat sa ibang mga lalaki. Marami naman siyang naka-chat, hanggang sa isang sundalo ang nakakuha ng kaniyang atensyon.
Sweet at maaalalahanin ito. Lagi siyang tinatanong kung kumusta na ba siya. Lagi silang nagkaka-chat, at mas madalas pa silang mag-usap kaysa kay Kael na laging abala sa trabaho.
“Binabalaan kita, Mona. Ingat-ingat ka rin. Baka mamaya malaman ni Kael ‘yang ginagawa mo. O baka… baka mahulog ka na riyan sa ka-chat mo ah,” paalala sa kaniya lagi ng matalik na kaibigang si Cindy.
“Libangan ko lang ‘to huwag kang mag-alala,” pagtitiyak ni Mona.
Hanggang sa nakipagkita na si Mona sa sundalo. Isa, dalawa… maraming beses silang nagkita. Hanggang sa hindi na namalayan ni Mona na nahuhulog na siya sa sundalong ito. Hindi siya tumanggi nang pumasok sila sa isang motel. Ipinagkaloob niya ang sarili at nakalimutan si Kael.
“Magsama na tayo. Pakakasalan kita. Iwanan mo na ‘yang si Kael. Kaya kitang gawing reyna ng magiging tahanan natin,” pangako ng sundalo kay Mona.
At nagpadala sa matatamis na salita si Mona. Nag-alsa balutan siya at sumama sa sundalo. Walang paalam na iniwan niya si Kael. Durog na durog ang pagkatao ni Kael. Hindi niya alam kung ano ang nangyari. Natuklasan na lamang niyang wala na ang mga gamit ni Mona. Nagpalit din ito ng contact number at nag-deactivate ng mga social media accounts.
At lumipas ang dalawang taon…
“Sandali lang… “
Ikinagulat ni Kael ang nabungaran sa kaniyang pinto. Si Mona. Kay laki ng pinagbago nito: nagmukhang losyang, tila napabayaan, at kapansin-pansin ang mga pasa sa bandang mukha nito.
“K-Kael… patawarin mo ako… hindi ko sinasadyang iwanan ka. De*monyo pala ang pinagpalit ko sa ‘yo… puwede ba akong bumalik sa ‘yo…” pagmamakaawa ni Mona. Subalit nagulantang siya sa nakitang kuwadro sa sala. Larawan ng kasal na si Kael at ang misis nito’t isang anak na lalaki.
“Hindi ka nakapaghintay. Alam mo ba kung bakit hindi ako tumugon noong tinanong mo ako kung pakakasalan kita? Nasaktan ako dahil naisip mong itanong iyon sa akin, na para bang kinukuwestyon mo ang pagmamahal ko sa ‘yo. Na akala ko, ramdam mong mahal na mahal kita noon, Mona.”
“Anim na taon tayong nagsama. Pero itinapon mo ang lahat. Kung nakapaghintay ka lang sana, sana tayo ang kasal ngayon. Pinag-iipunan ko ang kasal natin dahil gusto kong maging espesyal ito. Iyon sana ang regalo ko sa’yo…” paliwanag ni Kael. Hindi makapaniwala si Mona sa mga rebelasyong naririnig niya mula sa dating live-in partner.
“A-akala ko kasi… a-akala ko kasi…” hindi na maituloy ni Mona ang sasabihin dahil sumambulat na ang kaniyang luha.
“Mali ang akala mo, Mona. Durog na durog ang puso ko noon. Hindi ko alam ang gagawin ko. Ni hindi ka nagparamdam sa akin. Bigla kang nawala… itinapon mo ang lahat. Makalipas ang mga taon, nakilala ko siya… binuo niya ako,” sumulyap si Kael sa malaking kuwadro sa sala.
Walang nagawa si Mona kundi luhaang umalis. Pamilyado na si Kael. Sising-sisi siya sa kaniyang mga ginawa. Kung nakapaghintay lamang siya at hindi nag-alinlangan sa pagmamahal ni Kael, hindi sana mangyayari ang mga pagdurusang ito.
Ipinasya na lamang ni Mona na mamuhay nang mag-isa at kalimutan ang bangungot na natikman niya sa hayop na sundalong ipinagpalit niya kay Kael.