Patuloy sa Paglalakad ang Isang Matanda Patungong Bundok; Laking Gulat ng mga Tao Kung Ano ang Bitbit Nito
“Binyang, binilhan kita ng lugaw. Tara at susubuan kita,” saad ng matandang si Mang Isko sa kaniyang asawa habang iniuupo niya ito para makakain.
“Nag-abala ka pa, Isko. Kahit ano naman ay hindi na tinatanggap nitong sikmura ko. Ikaw na ang kumain niyan,” tugon ng misis niya kahit hirap ito sa pagsasalita.
“Hindi ba sinabi ng doktor sa center kailangan ay may laman ang tiyan sa tuwing iinom ng gamot. Baka sumakit lalo ang sikmura mo. Sige na, mahal, kahit kaunti lamang para lumakas ka. Pasensiya ka na at ito lang nakayanan kong bilhin sa iyo,” pinipigilan ni Mang Isko na maluha dahil sa kalagayan nilang mag-asawa.
Kumain ng kaunti si Aling Binyang ng uwing lugaw ng mister.
“Nasaan ang pagkain mo, Isko? Kumain ka na ba?” tanong ng matanda.
“Oo, kumain na ako, Binyang. Lahat ng lugaw na ito ay kainin mo na. Para sa’yo talaga ang lahat ng ito,” tugon muli ng mister.
Ngunit ang totoo ay mainit na tubig lamang na ininom niya ng umaga ang tanging laman ng kaniyang sikmura.
Ilang taon na ring tila gulay si Aling Binyang. Hindi na ito nakakalakad at lagi na lamang nakahiga sa kaniyang papag dahil na rin sa malalang kondisyon nito. Upang may ipangpagamot sa kaniyang may sakit na asawa ay ginagawa ni Mang Isko ang lahat kahit na may edad na siya. Hindi niya alintana ang init at pagod kahit panganib sa daan basta may maiuwing pagkain para sa kaniyang misis at may maipambili ng gamot.
“Isko, h’wag ka nang mag-abala pang bilhan ako ng gamot. Tanggap ko na,” saad ni Aling Binyang.
“Anong sinasabi mo riyang tanggap mo na?” nangangambang tanong ni Mang Isko sa asawa.
“Tanggap ko nang hindi na ako magtatagal. Ayaw na rin kitang pahirapan pa, mahal. Ang lagi ko lang naiisip ay kung mawawala na kaya ako nang tuluyan ay paano ang gastusin mo. May tutulong kaya sa iyo? Alam kong mahal ang kabaong at magpalibing,” wika ng matanda.
“Tigilan mo nga ang sinasabi mong iyan, Binyang. Ang daya mo naman kung iiwan mo na lang ako. Inilalaban nga kita dahil gusto kong kasama ka,” hindi na napigilan pa ni Mang Isko ang umiyak.
“Ayaw ko ng maging pabigat sa iyo, Isko. Kapag nawala ako ay ‘wag ka nang mag-abala pa na bigyan ako ng maayos na burol. Ilibing mo na lang ang katawan ko sa bundok na madalas nating akyatin noon. Kapag wala na ako ay hindi ka na mahihirapan pa,” sambit naman ni Aling Binyang.
“H’wag kang magsalita ng ganiyan. Kailan ba ako nagreklamo sa iyo na nahihirapan ako? Ginagawa ko ang lahat ng higit sa makakaya ko dahil mahal kita at nais kong mabuhay ka pa. Kaya huwag mo naman akong sukuan, mahal. Paano na ang buhay ko kung wala ka rin? Kung mawawala ka ay isama mo na lang ako,” pagtangis ng matandang ginoo.
“H’wag kang mag-alala, Isko. Walang segundo ng buhay ko ang nagsisi ako at ikaw ang napangasawa ko. Kung uulitin ang buhay ko ay hahanapin kita upang maging sayo muli,” saad ni Aling Binyang.
Sa mga sandaling iyon ay patuloy ang pag-iyak ni Mang Isko. Ni sa gunita ay hindi niya maisip ang buhay na wala ang kaniyang asawa.
Ngunit kinabukasan ay nagising na lamang si Mang Isko na wala na ang asawa. Sumakabilang buhay na ito.
Lubos ang pagsusumamo ng matanda sa Diyos na ibalik ang kaniyang asawa ngunit wala na talagang buhay si Aling Binyang. Humingi ng tulong kung kani-kanino si Mang Isko upang mabigyan niya sana ng magandang burol ang kaniyang asawa ngunit sino ba naman ang magpapautang sa isang matandang ni pagkain niya ay wala siyang pangbili.
Inabot ng kinabukasan ngunit hindi pa rin nadadala ang mga labi ng ginang sa punerarya dahil walang pambayad si Mang Isko. Kaya naisip niya ang huling pag-uusap nila ng asawa. Ibinalot niya sa kumot si Aling Iska at saka ibinalot muli ng banig.
Nang masigurado niyang maayos itong nakatakip ay buong lakas niya itong ipinasan sa kaniyang balikat at doon ay saka siya naglakad patungong bundok kung saan naging tagpuan nila noon ng kaniyang asawa.
Tanaw ng marami ang matanda ngunit ni isa man sa kanila ay walang nagawang tumulong.
Halos inabot ng dalawang araw ang matanda hanggang sa tuluyan niyang naipanhik sa bundok ang kaniyang asawa. Humukay siya sa lupa upang maging libingan ng kaniyang asawa.
“Patawarin mo ako, Binyang, at ito lamang ang nakayanan kong ibigay sa iyo. Hindi mo lang alam kung gaano ko nais na sumama na lamang sa iyo, mahal ko. Kayang kaya ko ang hirap ng buhay basta ikaw ang magigisnan sa araw-araw ngunit wala na ang dahilan ko ngayon para lumaban,” umiiyak na wika ni Mang Isko habang iniliibing ang kaniyang asawa.
Matapos na ilibing ang asawa ay bumaba muli ng bundok si Mang Isko. Malungkot man ay pilit niyang binubuhay ang kaniyang sarili. Minsan sa isang linggo ay pumapanhik siya ng bundok upang dalawin ang yumaong misis.
Laging nakikita ng mga tao ang ginoo na naglalakad.
Isang araw ay bigla na lamang may nakapansin na hindi na nakikita si Mang Isko. Nang puntahan ito sa kaniyang barung-barong ay nakita na lamang ang katawan nito na wala nang buhay habang yakap ang lumang damit ng asawa.
Dahil sa awa sa matanda ng mga tiga-roon ay iniakyat nila ang katawan ni Mang Isko sa bundok at inilibing katabi ng kaniyang asawa.
Sa wakas ay nagkasama nang muli ang mag-asawa. Tiyak na sa langit ay masayang sinalubong ni Aling Binyang ang mister na si Mang Isko.