Inday TrendingInday Trending
Binilhan ng Ama ang Anak ng Mamahaling Laruan para sa Pasko; Madudurog ang Puso Niya Pagkabasa ng Liham ng Anak

Binilhan ng Ama ang Anak ng Mamahaling Laruan para sa Pasko; Madudurog ang Puso Niya Pagkabasa ng Liham ng Anak

“Ang ganda naman ng iginuhit mong bahay, anak! Para kaninong bahay ba ‘yan?” tanong ng tuwang-tuwang ina ni Lenlen na si Maita.

“Bahay po ng manika ko, mommy. Nakita ko po kasi ‘yung kaklase ko may ganitong laruan. Gustong-gusto ko po ‘yun, mommy!” tugon naman ng bata.

“Tutal malapit naman na ang pasko, e ‘di, hilingin mo na lang kay santa na regaluhan ka ng ganiyan,” nakangiting sambit ng ina.

“Tama po kayo, mommy!” saad pa ni Lenlen.

“Sige, anak, matulog ka na at maaga pa ang klase mo bukas. Hindi maganda sa mga bata ang nagpupuyat,” wika pa ni Maita sabay halik sa kaniyang anak.

Ang hindi nila alam ay pinagmamasdan na pala sila ng padre de pamilya na si Francis.

“Nariyan ka na pala. Bakit hindi ka man lang nagpakita sa anak mo bago siya matulog? Kanina ka pa hinihintay ni Lenlen. Bakit kasi ngayon ka lang umuwi?” saad ng misis.

“Hindi na ako nagpakita kasi baka mamaya ay maudlot pa ang pagtulog niya. Saka alam mo naman ang trabaho ko. Palaging may mga kailangan tapusin. Pagpasensiyahan niyo na ako, kahit gusto kong umuwi ng maaga ay hindi ko magawa,” tugon naman ng mister.

“Alam ko naman iyon. Heto, tingnan mo ang iginuhit ng anak natin. Bahay raw ‘yan ng kaniyang manika. Sa tingin ko ay may hinaharap sa pagguhit ang anak natin, hindi ba?” masayang kwento ni Maita.

“Oo nga, maganda,” sambit ni Francis na sinulyapan lamang ang iginuhit ng anak.

“Ipaghanda mo nga ako kahit ng kape lang. Grabe ang pagod ko gusto ko na lang munang magrelax,” dagdag pa ni Francis.

Sa walong taong pagsasama nila Maita at Francis ay sanay na ang ginang sa pagkaabala ng kaniyang asawa sa trabaho. Alam niya na ang lahat ng ginagawa ni Francis ay upang mabigyan sila ng magandang buhay. Ngunit minsan ay nagtatampo rin siya lalo na kapag alam niyang nasasaktan ang kaniyang anak dahil sa madalas nitong hanapin na makasama ang ama.

“Mommy, nasabi niyo na po ba kay daddy na may Family Day po sa eskwelahan ko sa biyernes? Gusto ko po sana ay makasama siya. Ako lang po lagi ang walang kasamang daddy tuwing Family Day,” pakiusap ni Lenlen sa ina.

“Sinabi ko na sa daddy mo. H’wag kang mag-alala sinabi naman niya sa akin na makakarating daw siya. Sa katunayan nga ay tatapusin na raw niya ang mga trabaho niya kaagad para libre na siya ng biyernes. Pagkatapos ng Family Day mo ay p’wede tayong umalis mag-anak,” masayang pahayag ni Maita sa anak.

Tuwang-tuwa naman si Lenlen sa sinabi ng ina. Hindi na siya nakapaghintay pa na sumapit na ang araw ng biyernes.

Ngunit nang dumating ang Family Day, ni anino ni Francis ay hindi nakita ng mag-ina.

“Hayaan mo na ang daddy mo, anak. Baka may kailangan siyang gawin na importante,” paliwanag ni Maita sa anak.

“Mas importante pa po sa akin, mommy?” malungkot nitong tanong.

Hindi na maipinta pa ang mukha ni Lenlen hanggang sa makauwi.

“Sige na at pumunta ka na sa silid mo anak para maglinis ng katawan at makapagpalit para makapagpahinga ka na rin,” saad ng ina.

Hindi na umimik pa ang bata at dumeretso na ito sa kaniyang silid. Nang hindi pa bumababa si Lenlen ay sinilip ito ni Maita sa kaniyang silid. Nakita niya ang bata na may isinusulat.

“Ano ‘yang sinusulat mo, anak?” tanong ni Maita.

“Sulat ko po kay Santa, mommy. Malapit na po kasi ang pasko,” saad naman ni Lenlen.

“Sige, ipapadala natin kay Santa ang sulat mo anak. At ipanalangin nating matanggap niya ito at tuparin ang kahilingan mo,” wika naman ng ina.

Hatinggabi na nang makauwi si Francis sa kanilang bahay.

“Ikaw, pinaasa mo na naman ang anak mo. Hindi ba nag-usap na tayo na dalawa tayong dadalo sa Family Day niya? Napakalungkot tuloy ng bata,” bungad ni Maita sa mister.

“Ano ang gagawin ko, Maita? Napakaraming trabaho sa opisina. Ang gusto niyo ba ay matanggal ako sa trabaho para lang d’yan sa Family Day na ‘yan? Kaartehan lang naman ng eskwelahan ‘yan!” inis na tugon ni Francis.

“Hindi mo alam kung gaano kaimportante sa anak mo ang event na iyon. Malapit na ang Pasko, Francis. Sana ay makasama ka namin hindi katulad ng mga nakaraang Pasko. Ito ang sulat ng anak mo kay Santa. Basahin mo at tuparin mo ang hiling niya,” wika ng ginang sabay abot sa mister ng papel.

Ngunit imbis na basahin ito ni Francis ay isinilid lamang niya ito sa kaniyang bag na pang-opisina.

“Ako na ang bahala rito,” saad ng mister.

Nakalipas ang ilang araw at kinabukasan ay pasko na.

“Nabasa mo na ba ang hiling ni Lenlen? Matutupad mo ba ang hiling niya?” tanong ni Maita.

Bigla na lamang naalala ni Francis na kailangan niyang bumili ng regalo para sa anak. Agad siyang pumunta ng mall at binili ang pinakamahal, pinakamalaki at pinakamagandang bahay para sa manika ni Lenlen.

Kinabukasan, araw ng pasko ay nag-aabang ang dalawa para sa paggising ni Lenlen upang surpresahin ng regalo. Ngunit nang hindi pa ito bumababa ay agad itong pinuntahan ng ina.

Habang ginigising ni Maita si Lenlen ay naramdaman nitong napakainit ng anak at tila walang malay dahil hindi ito nagigising.

Dali-dali niyang tinawag si Francis at dinala nila si Lenlen sa ospital. Doon nalaman na mayroon pala itong dengue.

Alalang-alala ang mag-asawa sa kalagayan ng kanilang anak. Walang patid ang dalawa sa pagdarasal na sana ay gumising na ang kanilang anak.

Habang hawak ang kamay ay kinausap ni Francis ang anak.

“Gumising ka na, Lenlen. May naghihintay sa iyong magandang regalo mula kay Santa sa bahay. Paskong pasko, anak. Parang awa mo na gumising ka na,” saad ng lumuluhang ama.

Bumalik sa bahay si Francis upang kumuha ng mga damit. Naisip rin niyang kuhain ang regalo upang sa pagmulat ng anak ay ito agad ang kaniyang makita nang maging masaya ito. Ngunit bigla na lamang niyang naalala ang sulat ng anak na nasa kaniyang bag.

Agad niya itong kinuha at binasa. Halos nanlambot ang tuhod niya at hindi na napigilan pang umagos ang kaniyang luha nang mabasa ang isinulat ng anak.

Sana ay makasama namin si Daddy ngayong pasko kahit ano pa po ang kapalit, Santa.

Iyak nang iyak si Francis. Naisip niya ang lahat ng panahon na hiniling ng anak na makasama siya. Nagsisisi siya sapagkat ngayon ay malaki ang tyansa na hindi na niya tuluyan pang makasama ang kaniyang anak.

Dali-dali siyang bumalik ng ospital sapagkat baka huli na ang lahat para sa kanila ng anak.

Sa kaniyang pagpasok ng silid sa ospital ng anak ay halos umagos ang kaniyang luha nang makita na sa wakas ay gising na ang anak.

Nang makita siya ni Lenlen ay napangiti ito sa kaniyang ama.

“Natupad ang hiniling ko kay, Santa. Nandito ka na Daddy,” umiiyak na wika ni Lenlen.

Agad na hinagkan ng ama ang kaniyang anak.

“Hinding-hindi na ako mawawala pa sa lahat ng importanteng tagpo sa buhay mo anak. Sa tuwing kailangan mo ako ay titiyakin kong narito ako sa tabi mo,” lumuluhang wika ni Francis.

Hindi na rin napigilan pa ni Maita ang maiyak.

Unti-unting bumuti ang lagay ni Lenlen at sa wakas ay nakauwi rin sila ng kanilang bahay. Bumungad kay Lenlen ang regalo ng mag-asawa. Tuwang-tuwa ito nang buksan ang regalo.

Ngunit higit pa sa regalo ay mas masaya ang puso ni Lenlen sapagkat simula noon ay lagi na niyang nakakasama ang kaniyang ama at buo sila palaging pamilya.

Advertisement