Inday TrendingInday Trending
Pinili ng Ginang na Siya na ang Magtrabaho sa Ibang Bansa; Hindi Niya Alam na Ito pala ang Sinasapit ng Anak

Pinili ng Ginang na Siya na ang Magtrabaho sa Ibang Bansa; Hindi Niya Alam na Ito pala ang Sinasapit ng Anak

“Mama, kailan ka ba talaga uuwi? Ang sabi mo ay dalawang taon ka lang diyan sa Saudi. Apat na taon na, mama. Kailan ka po ba talaga uuwi? Miss na miss na po kita,” pagtangis sa telepono ng batang si Junmar habang kausap ang inang OFW na si Airene.

“Miss na miss na rin kita, anak. Pero pasensiya ka na kasi matatagalan pa si mama rito. Kailangan ko kasing magtrabaho para may pera tayo. Nang sa gayon ay makapag-aral ka at mabili mo ang mga laruan na gusto mo. Ngayong pasko, anak, ano ba ang gusto mo?” tanong ng ina sa kaniyang anak.

“Ang gusto ko lang, mama, ay umuwi ka. Si papa na lang po ang magtrabaho,” wika ng anak.

“Hayaan mo, anak, at darating din tayo diyan,” saad muli ng ina.

Apat na taon na rin simula nang umalis si Airene patungong Saudi para magtrabaho. Natanggal kasi sa trabaho ang mister na si Jojo at nahihirapan nang muling makahanap ng bago. Dahil nagigipit na rin ay wala nang nagawa pa ang ginang kung hindi siya na ang maghanapbuhay. Naiwan sa pangangalaga ng mister ang nag-iisang anak nilang si Junmar.

“Jojo, kailan ka ba makakahanap ng trabaho? Ang usapan natin ay dalawang taon lamang ako rito sa Saudi. Nakakailang kontrata na ako rito. Wala ka na ata talagang balak na maghanap e,” sambit ni Airene sa asawa.

“Bakit sa tingin mo ay hindi ko ginagawa ang lahat para makapagtrabaho? Porket ikaw ang bumubuhay sa pamilya na ito ay akala mo na kung sino kang magsalita! Nakatuntong ka lang ng ibang bansa,” wika naman ng ni Jojo.

“Hindi naman sa gano’n, Jojo, pero nanay kasi ako. Hindi mo maiaalis sa akin na mag-alala para sa anak ko. Siyempre, bilang nanay ay gusto kong ako ang mag-alaga sa kaniya. Para nakakasiguro ako na maasikaso siya nang maayos at hindi siya napapabayaan,” pahayag pa ng ginang.

“Sa tingin mo ay pinababayaan ko ang anak mo? E, kung gano’n pala ay sige, umalis ka na riyan sa trabaho mo at agad kang umuwi dito para ikaw na ang mag-alaga sa anak mo. Ikaw ang magaling, e. Sama-sama tayong matigok dito nang dilat!” galit na saad ni Jojo.

Hindi lamang ito ang unang beses na nauwi sa away kapag napag-uusapan ang pag-uwi ni Airene sa Pilipinas. Upang hindi maapektuhan ang trabaho ay agad na inalis ni Airene ang pag-aalala sa kaniyang anak.

“Nasa tatay niya ang anak mo, Airene. Hindi siya pababayaan ni Jojo kaya kumalma ka,” sambit niya sa kaniyang sarili.

Masakit lang kay Airene na habang nag-aalaga siya ng ibang bata sa ibang bansa ay hindi man lamang niya maalagaan ang sarili niyang anak. Lumalaki na si Junmar ngunit wala siya sa piling ng anak. Pero gano’n naman ang mga nanay. Gagawin ang lahat para sa kinabukasan ng kaniyang anak.

Ilang araw pa ang lumisan na walang naririnig mula sa kaniyang asawa, sa wakas ay tumawag na rin ang ginoo. Ngunit hindi para kumustahin ang asawa kung hindi manghingi ng pera.

“Kakapadala ko lang noong nakaraang linggo, Jojo. Saan mo dinala ang sampung libong piso?” pagtataka ni Airene.

“Marami kaming utang dito. Binayaran ko na lahat. Saka ang daming kailangan ng anak mo. Bumili ako ng pagkain namin. Lahat ba ay kailangang kwentahin ko sa iyo? Basta magpadala ka kahit limang libo dahil wala na kaming makakain ng anak mo rito,” sambit ni Jojo sabay baba ng telepono.

Wala nang nagawa pa si Airene kung hindi magpadala. Napansin ng ginang na napapadalas na ang panghingi ng asawa. Ayaw man niya mag-isip ng masama ay hindi niya ito maiwasan dahil nahihirapan na rin siya sa pagkayod sa ibang bansa at nais sana niyang hindi mapunta na lang kung saan ang pinaghirapan.

Hanggang isang araw ay nakatanggap ng tawag si Airene mula sa kaniyang ina.

“Anak, huwag kang mabibigla?” saad ng ina ni Airene sa kaniya.

“Kailangan mo nang umuwi ngayon dito bago pa mahuli ang lahat. Magpaalam ka na sa amo mo, anak. Kailangang-kailangan ka ni Junmar,” sambit pa ng matanda.

Hindi man alam ni Airene kung ano ang nangyari sa kaniyang anak ay agad siyang lumipad pauwi ng bansa. Dumeretso agad ang ginang sa ospital kung nasaan ang kaniyang anak.

Doon ay nakita niya ang kaawa-awang anak na walang malay at puno ng pasa sa katawan.

“A-anong nangyari sa anak ko, ‘nay?! Nasaan si Jojo?!” pagtangis ng ina.

“Nasa kulungan na ang asawa mo, Airene. Siya ang gumawa ng lahat ng ito sa iyong anak,” tugon ng ina ng ginang.

“Matagal nang lulong sa ipinagbabawal na gamot ang asawa mo. Lulong din siya sa sugal. Sa tuwing nagdidilim ang kaniyang paningin, ang kawawang si Junmar ang napagdiskitahan niya. Parang awa mo na, Airene. Huwag mo nang iwan ang anak mo muli,” paglalahad pa ng matanda.

Labis ang galit ni Airene sa kaniyang asawa. Hindi niya alam kung ano ang maaari niyang gawin dito kapag ito’y nakita niya.

Nang puntahan niya sa kulungan ang asawa ay todo ang paghingi nito ng tawad.

“Pangako, Airene. Magbabago na ako. Ilabas mo lang ako dito sa kulungan. Hindi ko na ulit gagawin ‘yung mga nagawa ko. Maghahanap na rin ako ng trabaho,” pagsusumamo ni Jojo sa asawa.

“Ang kapal ng mukha mo! Ipinagkatiwala ko sa iyo ang anak natin. Tiniis ko ang lahat kahit malayo sa anak ko para lang mabuhay tayo. Tapos ito pa ang ginawa mo?! Simula ngayon, Jojo, wala ka nang pamilya. Wala ka nang asawa at wala ka nang anak. Sana ay danasin mo ng higit pa ang dinanas ng anak ko sa iyo. Napakade*monyo mo!” sambit ni Airene.

Tuluyan nang iniwan ni Airene ang asawa.

Samantala, hindi na bumalik pa ang ginang sa ibang bansa. Nang malaman ng kaniyang amo ang nangyari ay kaagad itong nagpadala ng tulong para makapagsimula ang ginang. Pasasalamat ito sa pagkalinga ni Airene sa kanilang anak sa loob ng ilang taon.

Inalagaan ni Airene ang kaniyang anak hanggang sa unti-unti itong gumaling. Laking pasasalamat niya sa Diyos sa muling pagkakataong ibinigay sa kaniya upang muling makasama ang kaniyang anak.

Namuhay si Airene at si Junmar nang magkasama. Ginamit ng ginang ang kaniyang nakuhang pera para sa kanilang pagsisimula ng anak.

Advertisement