Sinisindak Palagi ng Isang Maton ang Isang Binatang Payat; Nang Magkasakuna ay Tameme Silang Lahat sa Ginawa Nito
“Hoy tikling!” sigaw ng maton na si Bruno sa binatang si Maynard.
“Oo, ikaw nga. Patpatin ka na may pagkat@nga ka pa, e no!” sambit muli ni Bruno.
“Kanina pa kita tinatawag, ayaw mong lumapit? Bakit, kaya mo na ba ang katawan ko, ha? Ibili mo nga kami ng maiinom sa tindahan! Ito pera!” paninindak ng lalaki sa kawawang binata.
“B-bakit kailangan ako pa ang bibili? Malapit lang naman ang tindahan dito,” tugon ni Maynard habang nakayuko.
“Aba at sumasagot ka pang tipaklong ka?! Ayaw naming mabitin, e. Sumunod ka na baka magdilim ang paningin ko sa’yo at lumipad ka paghampas ko d’yan sa dibdib mo!” muling sambit ng lalaki.
Sa takot ay sumunod na lamang si Maynard.
“Susunod ka rin pala, akala mo kung sino ka pang pumapalag riyan. Ibaba mo na ang mga bote at umalis ka na sa harapan ko dahil naaalibadbaran ako sa’yo,” pahayag pa ni Bruno sa binata.
Maliit at payatot ang katawan ng binatang si Maynard. Mukha itong lampa at mahina kaya palagi itong pinagti-tripan sa kanilang lugar lalo na ng matong si Bruno. Matapang si Bruno dahil malaki ang katawan nito mula sa pagbubuhat sa gym. Marami ang ilag sa ginoo sa takot na baka magulpi niya.
“Bakit mo kasi hinahayaang inaapi ka niyang si Bruno! Kung magpalaki ka rin kaya ng katawan, Maynard, para hindi ka na inaapi nung hambog na ‘yon?!” sambit ni Rolly, kaibigan ng binata.
“Pabayaan mo na ‘yang si Bruno. Darating din ang panahong tatanda siya at hindi na ganiyan ang katawan niyan. Umiiwas na lang ako sa gulo, Rolly. Ayaw ko kasing bigyan ng sama ng loob ang mga magulang ko,” tugon ni Maynard.
“Ewan ko sa’yo! Hindi ka kasi lumalaban kaya ka inaapi!” saad pa ng kaibigan.
“Tapos ay liliit ang mundo ko? Ayaw ko ng magulo, Rolly. Bahala na ang karma sa kaniya. Saka sa tingin mo ba talaga ay makakalaban ako sa katawan kong ito? Payat naman talaga ako at lampa. Tama naman ang sinasabi niya,” wika muli ng binata.
Sa totoo lang ay hindi naman talaga takot si Maynard kay Bruno. Ang kinakatakutan niya ay ang may mangyari sa kaniyang mga magulang sa panahon na may mangyari sa kaniyang masama dahil sa pagtatanggol niya sa sarili. Alam niyang walang sinasanto itong si Bruno at paninindigan nito ang laki ng kaniyang katawan.
Nagpatuloy ang pang-aalaska ni Bruno sa kawawang si Maynard. Nariyan na ipinahiya niya ito sa harap ng maraming tao. Naging tampulan tuloy ng tukso ang binata. Halos lahat ang tawag na sa kaniya ay tikling dahil sa kapayatan niya.
“Hahayaan mo na lang ba talagang pagtawanan ka ng mga tao, Maynard? Hindi ka man lang magsasalita sa kanila tungkol sa mga sinasabi nila sa iyo?” naiinis ng sambit ni Rolly.
“Sa tuwing may sinasabi silang masama sa akin ay hindi naman ako ang inilarawan nila kung hindi ang kanilang pagkatao. Ayos lamang sa akin, Rolly. Wala naman akong ginagawang masama sa kanila,” tugon ng binata.
Isang araw ay bigla na lamang nagkaroon ng matinding bagyo sa kanilang lugar. Sa tindi ng tubig na hatid ng bagyo ay nasira ang dam sa kanilang lugar at bigla na lamang nagpakawala ng tubig. Hindi nakapaghanda ang lahat sa pangyayaring ito.
Malakas ang ragasa ng tubig mula sa dam. Agad nitong nilamon ang mga kabahayan sa kanilang lugar. Lumikas ang mga tao patungo sa kanilang mga bubungan. Isang ginang ang walang tigil sa pag-iyak dahil tinangay ng alon ang kaniyang anak. Mabuti na lamang ay nakakapit ito sa puno.
“Tulungan niyo ako! Tulungan niyo ako! Sagipin niyo ang anak ko! Baka hindi na niya matagalan pa ang pagkapit sa puno. Hindi siya marunong lumangoy! Parang awa niyo na,” patuloy sa pag-iyak at pagsigaw ang ale.
Agad siyang humingi ng tulong kay Bruno dahil malaki ang katawan nito at alam niyang kakayanin nito ang alon. Ngunit tila walang naririnig ang maton na lalaki.
Laking gulat ng lahat nang bigla na lamang itinali ni Maynard ng lubid ang kaniyang sarili at pilit na ipinahawak kay Rolly.
“A-ano ang gagawin mo, Maynard? Huwag mong sabihing sasagipin mo ang batang iyon. Nasisiraan ka na ba ng bait?” gulat na wika ni Rolly.
“Hawakan mong maigi, Rolly. Itali mo sa puno kung maaari. Humingi ka ng tulong at ‘wag mong hahayaang mawala sa pagkakahawak mo ang lubid. Wala nang sasagip sa batang iyon. Nauubusan na tayo ng oras,” saad ni Maynard sabay talon sa rumaragasang baha.
Nagulat ang lahat sa ginawa ni Maynard. Maging si Bruno ay hindi makapaniwala na sinusubukan ng binata na sagipin ang anak ng ale.
Nang makita nila na hirap na si Rolly sa paghawak ng lubid ay nagtulong-tulong ang lahat para mahila si Maynard at ang sinagip na bata paakyat sa mataas na lugar na kanilang tinutuntungan.
“Maraming salamat, Maynard. Utang ko sa’yo ang buhay ng anak ko!” saad ng ale.
“Ginawa ko lamang po ang alam kong tama,” tugon ng binata.
Pinahanga ni Maynard ang lahat sa kaniyang ginawa. Naging usap-usapan sa kanilang lugar at sa ibang baryo ang kaniyang katapangan. Simula noon ay hinirang siyang isang bayani at mataas ang pagtingin sa kaniya ng mga tao.
Hindi na rin iniinis pa ni Bruno si Maynard. Binigyan ng ginoo ng mataas na respeto ang binata dahil sa kabayanihan nito. Dito napatunayan na sadyang hindi sa laki ng katawan nababatay ang katapangan ng isang tao.